News Update

Pulitika ng nagbabagong klima

Soliman A. Santos

Kasama ang mga magsasakang kababaihan sa bagong tatag na Philippine Climate Watch Alliance

MATAGAL nang nakakaranas ng kakaibang pagbabago ng panahon sina Aling Felina Mendres – mula sa mahahabang tag-init hanggang sa hindi pangkaraniwang dami ng pagbuhos ng ulan – pero hindi nila ito masyadong inaalintana noon.

Tuloy ang kanilang nakasanayang pamumuhay sa Ubay, Bohol: pagtatanim ng palay, mais, mani at iba pang klase ng gulay sa kanilang sinasakang bukid. Subalit nitong huli, hindi na nila maipagsawalang-bahala ang pinakahuling pagbabago – dumaranas na sila ng mahabang tagtuyot sa palayan gayundin sa mga balon na dati nilang pinagkukunan ng tubig na ginagamit sa pang-araw-araw.

Apektado na ang produksiyon nila sa agrikultura. Humihigpit ang pangangailangan ng tubig sa kanilang tahanan.

“Dati, may mga balon kami sa mga bakuran para gamitin sa paliligo, paglalaba, pati na rin sa pag-inom. Pero ngayon, natuyo na ang mga ito at kailangan pa naming lumakad nang malayo para makarating sa ilog at kumuha ng tubig,” ayon kay Aling Felina.

Kuwento pa niya, naaapektuhan na rin ng pagbabago ng panahon ang kalagayan ng kanilang mga anak. Kulang na ang mga ito sa nutrisyon dahil sa wala na nga silang nabubuhay na mga pananim. Bukod dito, nangangamatay ang kanilang mga alagang hayop tulad ng kambing, baboy at kahit manok. Isinisisi rin nila ito sa sinasabi nilang pagbabago na panahon.

“Sa tag-init, hirap na hirap kami sa tubig. Kung tag-ulan naman, sobra-sobra ang tubig, nalulusaw ang aming mga pananim. Nakakaalarma na talaga ito kaya naghahanap kami ng kasagutan kung paano ito matutugunan,” sabi ni Aling Felina.

Pilipinas, pinakabulnerable

Isa si Aling Felina sa mga partisipante sa porum na pinangunahan ng Kalikasan-People’s Network for the Environment at Center for Environmental Concerns (CEC) kaugnay ng pagbabago ng klima o climate change noong Nobyembre 19 sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman.

Kasabay nito ang ang paglulunsad ng Philippine Climate Watch Alliance (PCWA), isang alyansa para pangunahan ang adbokasiya sa isyu ng pag-init ng daigdig o global warming.

Kabilang ang Pilipinas sa mga bansang pinakabulnerable sa epekto ng pag-init ng daigdig, batay sa pinakahuling pagtaya ng United Nations Intergovernmental Panel on Climate Change.

“Gayunman,walang ginagawa ang gobyerno natin para tugunan ang isyu ng pagbabago ng klima,” ayon kay Meggie Nolasco, pambansang tagapagsalita ng PCWA,

Umano'y dumarami pa ang green house gases (GHG) dahil sa pagpapatupad ng Department of Energy (DoE) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng mga proyektong nagdudulot ng polusyon at pinsala sa kalikasan.

Kabilang dito ang mga proyekto sa pagmimina, paggalugad ng mga posibleng pagkuhanan ng langis, at iba pa.

Kabilang rin sa mga kasapi ng PCWA ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas, Central Visayas Fisherfolk Development Center Inc, Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas, Agham, Kalipunan ng Damayang Mahihirap at Amihan, ang grupong kinabibilangan ni Aling Felina.

Layunin ng alyansa na dalhin sa mga batayang sektor ang isyu ng nagbabagong klima na unang-unang tinatamaan nito.

"Titipunin natin ang kanilang mga karanasan kaugnay ng nagbabagong klima. Kasama sila sa pagbibigay ng solusyon sa problemang ito,” ayon sa PCWA.

Sa nakaraang sandaang taon, ipinakikita ng mga naitalang pangkalahatang temperatura ng buong daigdig ang patuloy na pag-init ng mundo. Inaasahang lalo pa itong iinit kung hindi gagawa ng mga paraan na magpapabagal dito.

Naniniwala ang PCWA na ang ugat ng pag-init ng daigdig ay ang “di-sustenable, maaksaya, at ganid-sa-tubong produksiyon ng pandaigdigang ekonomiya” na itinutulak ng mauunlad na bansa at transnasyunal na mga korporasyong nanggagalugad, nagpoproseso, at kumokonsumo ng langis.

Napapanahon pag-usapan

Napapanahon ang pagbubuo ng PCWA dahil sa nalalapit na pagtatapos ng negosasyon ng Conference of the Parties (COP) sa ilalim ng United Nations Framework Convention on Climate Change, hinggil sa pagbubuo ng mga kasunduan matapos ang Kyoto Protocol. Gaganapin ang COP 14 sa Disyembre 1 - 12 sa Poznan, Poland.

Ang Kyoto Protocol ay isang internasyunal na kasunduan na nagtatakda ng pagbabawas ng GHG sa 37 industriyalisadong bansa. Bilang pagkilala sa prinsipal na pananagutan ng mauunlad na bansa sa mataas na antas ng GHG sa atmospera, mas malaki ang responsibilidad na ipinapataw ng Protocol sa kanila.

Binuo ang Kyoto Protocol noong Disyembre 11, 1997 at ganap na ipinatupad noong Pebrero 2005.

Pero ayon sa PCWA, sa kabila ng Protocol, patuloy pa rin ang GHG emissions ng mauunlad na bansa tulad ng US at European Union.

Ayon kay Dr. Helen Mendoza ng Philippine Network on Climate Change at convenor ng PCWA, kailangan ng isang episyente, makatarungan at bukas na pandaigdigang mekanismong pampinansya na may sapat na pondo sa ilalim ng COP.

Ito’y para umano masiguro ang makabuluhang gamit ng rekurso para makaagapay ang mga mamamayan ng daigdig sa mga epekto ng pagbabago ng klima at makapagsagawa ng mga hakbang upang ito ay mabawasan.

Malaki ang dapat na iambag sa pondong ito ng industriyalisadong mga bansa tulad ng US, EU at Japan na malaki ang pananagutan sa pag-init ng daigdig, aniya pa.

Sinabi pa ni Dr. Mendoza na hindi dapat magmula ang inisyatiba laban sa pagbabago ng klima sa pampinansiyang mga institusyon tulad ng World Bank na nagpopondo rin ng mga proyekto sa ekplorasyon ng langis at mineral, gayundin sa industriyal na pagtotroso.

“Hindi dapat sumasali ang isang bangko sa mga programa ng UN. Mas malamang, isusulong lamang nito ang adyenda ng mauunlad na bansa,” aniya.

Tugon ng gobyerno, nasaan?

Ginagawa pa lamang ng delegasyon ng Pilipinas sa COP 14 ang opisyal nitong posisyon. Pero ayon sa PCWA, wala itong konkretong panukala sa kung gaano kalaking pagbawas sa carbon emission ang hihilingin nito mula sa mauunlad na bansa.

“Mas kiling din ang gobyerno sa mga solusyon gaya ng carbon trading at clean development mechanism na kumbinyenteng mga dahilan lamang ng mauunlad na bansa at pribadong mga korporasyon para patuloy na magpakawala ng GHG sa kapaligiran,” puna pa ni Nolasco.

Panawagan ng PCWA sa mauunlad na mga bansa, bawasan ng 50% hanggang 90% ang kanilang carbon emissions sa susunod na tatlong dekada. Hinihiling din nito ang mas seryosong tugon ng gobyerno ng Pilipinas sa problema ng pagbabago ng klima at pag-init ng daigdig.

Noong Pebrero 20, 2007 iniutos ni Pangulong Arroyo ang pagbubuo ng Presidential Task Force on Climate Change sa pamamagitan ng Administrative Order 171. Pinangungunahan ito ni Kal. Angelo Reyes ng DoE. Tinalaga rin niya si Heherson Alvarez, dating kalihim ng DENR na Presidential Adviser on Global Warming and Climate Change.

Pero hanggang ngayon, wala pa ring komprehensibong plano at konkretong programa ang gobyernong Arroyo maliban sa paglalabas ng mga pahayag, pagbubuo ng task force, at pagtatalaga ng mga opisyal ng gobyerno, ayon sa PCWA.

Naniniwala ang alyansa na malaki ang magagawa ng mas malawak na pag-unawa ng mga batayang sektor sa problema at ang kanilang sama-samang pagkilos para solusyunan ito.

“Magsasagawa tayo ng mga protesta para pigilan ang mga proyekto tulad ng pagmimina na talamak na sumisira sa ating mga kagubatan, gayundin sa kabuhayan at kultura ng mga mamamayan lalo na sa mga katutubo,” ani Nolasco.

Pagkakaiba umano ng PCWA sa iba pang mga grupong makakalikasan na maraming pondo pero minimal ang naitutulong sa laban sa climate change, partisipante rito ang ordinaryong mga mamamayan.

Para sa katulad ni Aling Felina, mahirap nang hintayin pa ang magiging resulta ng girian sa internasyunal na mga pulong at pananalita ng gobyernong Arroyo. Kaya kasama ng iba pa, umano’y siya na mismo ang kokompronta sa mga salik pampulitika na nagdudulot ng napakalaking pinsala sa kanilang pang-araw-araw na buhay.

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <object> <embed> <param> <script>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options