News Update

Juday at Ryan, Stars of the Night sa 21st Aliw Awards

in

Boy Villasanta

ANG kulang na lang talaga kina Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo ay kasal.

Kahit sa harap ng maraming tao ay ipinakikita nila ang kanilang pagmamahal kesehodang magyakapan sila sa gitna ng kalsada.

Ano nga namang paki ng mga walang paki sa pribado nilang buhay basta't nagbibigay sila ng kasiyahan at kaligayahan sa mga mamamayan kung yaon ang reaksyunaryo at isa sa mabababaw na layunin ng aliw?

Kahit magmistulang alalay si Judy Ann kay Ryan sa ika-21 Aliw Awards ng Aliw Foundation, Inc. kamakailan ay wala siyang keber basta't kasama lang niya ang kanyang nobyo sa bawat sandali.

Gayunman, imbitado talaga si Santos sa gabi ng parangal kahit wala siyang nominasyon samantalang nominado si Agoncillo sa Best Male Emcee na kanya namang pinagwagihan kalaban sina Boy Abunda, Marc Nelson, Tim Yap, TJ Manotoc at Luis Manzano.

***

Ang ganda-ganda ni Juday sa kanyang fuchsia na gown at ang maginoo naman ni Ryan sa kanyang guhit-guhitang abong Amerikana na napapalooban ng itim na bilugang kuwelyong t-shirt.

Sila ang nagwagi bilang Stars of the Night, Male and Female, mula sa pagpili ni Joel Cruz ng Aficionado.

Ito lang ang tanging panahon na umakyat si Judy Ann sa entablado para magpasalamat.

"May maiuuwi rin pala ako. Akala ko, wala. Maraming salamat po," ang matipid na matipid na pahayag ng aktres.

Samantala, inihahandog ni Ryan ang kanyang panalo sa kanyang mga magulang, kay Alfie Lorenzo, kay Karol Santos, kay Noel Ferrer na kanyang manager at sa iba pang bumubuo ng management at kay Juday na idiniin niyang "my fiancée."

***

Pero kahit engaged na sina Ryan at Juday, wala pa ring linaw kung kailan at saan sila magpapakasal.

"Hindi pa po ako magpapakasal," sabi ni Santos sa mga peryodistang pampelikula na nagkober ng awards night kabilang sina Oghie Ignacio, Wendell Alvarez, Boy Romero, Jobert Sucaldito, Richard Pinlac, Art Tapalla, Voltaire Lanuza at iba pa.

Ito ay sa kabila ng kabi-kabilang publisidad na kesyo maaaring ngayon taong ito o sa susunod o sa susunod na ikalawang taon pa lalakad sa harap ng altar ang aktres.

***

Samantala, aminado ang isa sa mga miyembro ng Aliw Foundation’s Trustees na si Frank Rivera na may palitan ng envelope sa pagpapahayag ng mga nagwagi.

Sinabi ni Frank na "there was a scam. There was an envelope switching. Instead of Aria Clemente, Mauna Kea Chan won the Best Child Performer."

Madalas, sa mga bahagi ng palatuntunan, umaakyat sa entablado ang mga presentors pero pinabababa sila dahil may ibang nakatokang bilang.

Nakakahiya tuloy sa mga presentor lalo na at mga kilala pa silang tao.

***

• Best Child Performer: Mauna Kea Chan

• Best New Artist (Male): Lex Lopez

• Best New Artist (Female): Charice Pempengco

• Best Choral Group: UP Concert Chorus

• Best Instrumental Artist: Nonoy Libanan—Guitarist

• Best Dance Company (Classical/Folk): Halili Dance Co.

• Best Dance Company (Modern/Contemporary): Air Dance

• Best Cultural Group: Pagdungawan Cultural Group—Mati, Davao Oriental

• Best Emcee (Male): Ryan Agoncillo

• Best Emcee (Female): Miriam Quiambao

• Best Stand-Up Comedy Act (Male): John Lapuz

• Best Stand-Up Comedy Act (Female): Pokwang

• Best Classical Performer (Male): Ramon Acoymo

• Best Classical Performer (Female): Rachel Gerodias

• Best Stage Actor (Musical Play): Robert Seña ("Skin Deep")

• Best Stage Actor (Non-Musical or Straight Play):” Joey Paras (“Ang Bayot, Ang Maranwo at ang Habal Habal sa Isang Nakakabgungot na Paghihintay sa Kanto ng Lanao del Norte”)

• Best Stage Actress (Musical Play): Rachel Alejandro ("Avenue Q")

• Best Stage Actress (Non-Musical or Straight Play): Shamaine Centenera Buencamino ("Ang Kalungkutan ng mga Reyna")

• Best Stage Director (Musical Play): Nor Domingo ("Skin Deep")

• Best Stage Director (Non-Musical Play): Ricky Abad ("The Death of Memory")

• Best Musical Production: ("Pagong at Matsing") — Gantimpala Theater Foundation

• Best Non-Musical Production ("The Death of Memory")—Ateneo de Manila

• Best Performer in Hotel, Music Lounges and Bars (Male): Richard Poon

• Best Performer in Hotel, Music Lounges and Bars (Female): Olivia

• Best Performer in Hotel, Music Lounges and Bars (Group): Retrospect

• Best Musical Director: Gerard Salonga ("My Life on Stage")

• Best Stage Director: Freddie Santos ("My Life on Stage")

• Best Performance in a Concert (Male): Ogie Alcasid

• Best Performance in a Concert (Female): Nina

• Best Performance in a Concert (Group): Loboc Children’s Choir

• Best Major Concert (Male): Martin Nievera ("XXV")

• Best Major Concert (Female): Lea Salonga ("My Life on Stage")

• Best Major Concert (Collaboration): Nonoy Libanan, Vernie Varga, Isay Alvarez, May Bayot ("Music from the Heart")

• Lifetime Achievement Award: Ingrid Sala Santamaria, Ryan Cayabyab and Sining Kambayoka

• Special Awards: Joanna Ampil, Jed Madela and Arnel Pineda

• Hall of Fame: Alegria Ferrer, Ricky Davao and Irma Adlawan

• Special Concept Production: Wanders (Pagcor) and Always Yang (George Yang)

• Discovery of the Year: The Cardona Chorale and Musicale Ensemble

***

Samantala, kahit na umulan ay sige pa rin na nagtanghal si RJ Jimenez, ang "Pinoy Dream Academy" winner na nakakaladkad ang pangalan kay Weng Constantino.

Nang imbitahan ng Work in Progress Media Productions at National Nutrition Council si RJ para kumanta sa kampanyang "Wastong Nutrisyon: Alamin, Gawin at Palaganapin," hindi nag-inarte ang singer bagkos ay sumunod sa mga kasunduan.

Propesyunal talaga si Jimenez at maging si Inday Garutay na siyang nag-emcee ng show sa Dumaguete City sa Negros Oriental.

***

Bumalik na mula sa Jakarta at Bandung, Indonesia ang kontrobersyal na direktor na si Jowee Morel pagkatapos ng kanyang paggawa ng una sa serye ng mga dokyumentaryo tungkol sa HIV sa Asya.

"It was a very interesting shoot. Talagang we enjoyed the stint and at the same time, we learned a lot," pahayag ni Morel.

Ipapalabas sa Bali, Indonesia sa Agosto 2009 ang premiere showing ng mga documentary films ni Jowee kasama ang iba pa niyang mga obra tulad ng "Mga Paru-Parong Rosas (Pink Butterflies)," "When A Gay Man Loves," "Mona Singapore Escort" at "Latak."

Ang Asia Pacific Network Plus ang prodyuser ng dokyumentaryo at gagalugarin pa ni Morel kasama ang kanyang production staff na sina cinematographer PJ Rondina, editor Jan Endaya at production assistant Juniel Bajuyo ang mga bansang Nepal, Myanmar, Malaysia, Thailand, Philippines, Papua New Guinea at iba pa para ilantad ang mga lihim ng HIV at upang mabigyang-linaw ang mga isyu tungkol dito sa kaliwanagan at kamalayan ng sambayanan at sangkatauhan.

"Kailangang mahalin natin ang mga biktima ng HIV. Kailangang unawain natin sila at hindi isnabin at pandirihan," pahayag ni Jowee.

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <object> <embed> <param> <script>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options