News Update

Cristy, hahabulin ni Nadia sa korte, kahit saan, kahit kailan

in

Boy Villasanta

LUMALALA ang sigalot sa pagitan nina Nadia Montenegro at Cristy Fermin mula nang isulat ni Cristy sa kanyang mga kolum na hiwalay na sina Nadia at ang esposo nitong dating mayor ng Caloocan City na si Macario “Boy” Asistio.

Sinabi ni Nadia na hindi pa sila hiwalay ni Boy. Oo, anya, wala sa kanyang piling si Boy at nasa malayong bundok pero sa puso at diwa ay sila pa rin ang magkasama sa hirap at ginhawa.

“Kung nasa bundok man sa Bicol si Boy, kami pa rin. At sa kanya ang bundok na ‘yon,” galit na galit na pahayag ni Nadia.

“May araw ka rin, Cristy,” pagbabanta ni Montenegro.

***

Nakausap namin ng peryodistang pampelikula na si Melba Llanera si Nadia sa tapat ng O.B. Montessori de San Juan na pag-aari ng mga Arellano-Concepcion.

Sa loob ng eskuwelahan nakaburol ang ama ni Gabby Concepcion na si Rollie Concepcion na namatay kamakailan nang dahil sa atake sa puso.

Sinabi ni Martin Delgado, kaibigang matalik ni Gabby at siyang tagasagot sa mga tawag sa telepono kay Gabby (ayaw munang magpainterbyu sa media ng mga sandaling ‘yon na hindi pa dumarating mula sa Amerika ang kanyang inang si Baby Arellano Concepcion kaya pribado pa ang burol kay Rollie), na naninimdim pa si Gabo mula nang mamatay sa sakit sa puso ang ama nito.

“Nagda-drive siya sa may 9 de Pebrero sa Mandaluyong nang manikip ang kanyang dibdib at mahilo siya kaya dinala siya ng kanyang kasama sa kotse sa Lourdes Hospital pero dead on arrival na si Daddy Rollie,” payayag ni Martin.

***

Isa lang si Nadia sa mga labas-masok sa lamay kahit na bawal ang ibang mga kaibigan, katrabaho at media sa loob bago mag-Biyernes (ika-26 ng Setyembre, 2008).

Ayon kay Nadia, nasa tabi siya ni Gabby sa mga laban nito. At bagamat hindi kinakalaban ni Cristy si Gabby ay parang gayon na rin ‘yon dahil ang representasyon ni Montenegro ay si Concepcion pero tahimik lang nga si Fermin sa bagay na ito.

Ang isa pang kalaban ni Nadia ay si Mommy Rose Flaminiano, ang prodyuser ng FLT Films at talent manager ni Gabo.

Nag-iiringan sina Nadia at Rose.

Ito ay mula nang sabihin ni Montenegro na “Gabby’s career is in wrong hands.”

Siyempre’s nagreak agad si Mrs. Flaminiano, kilala rin sa tawag na Mommy Rose.

“Bakit? Sino ba siya? Ano naman ang makukuha ko sa kanya kung papatulan ko siya? Pulos mantika lang ang makukuha ko sa mukha niya,” panunudyo ni Flaminiano.

Gayunman, walang masabi si Mommy Rose kung nais siyang sulutin ni Nadia sa pangangasiwa ng propesyon ni Concepcion.

***

“Hindi naman kami magkakilala n’yang si Nadia. Ngayon ko lang siya nakilala at nakaharap although alam kong artista siya noon,” sabi ni Mrs. Flaminiano, ang misis ng kontrobersyal ding abugado na si Atty. Jose Flaminiano.

“Kaya lang bakit naman siya magsasalita ng ganyan?” tanong ni Rose.

Nang sabihin nga ng lady producer na pulos mantika lang ang makukuha niya kay Nadia ay sumagot naman ang aktres at sinabing “Mataba rin naman siya, a.”

Hindi nakontento si Mrs. Flaminiano at sumagot din: “Kung mataba ako, at least, matangkad naman ako. E, siya, mataba na nga ay punggok pa,” sabi ni Rose nang tawa nang tawa.

***

Pinagbibintangan si Mommy Rose na may kagagawan ng kamatayan ni Rollie dahil tawag umano ito nang tawag kina Gabby kaugnay sa pagsasampa nito ng demanda na breach of contract na nagkakahalaga ng P22 million.

“Bakit ako nadamay d’yan. Wala akong pakialam d’yan. I respect Daddy Rollie. Ni hindi kami nag-away n’yan. Walang katotohanan na ako ang dahilan ng kanyang kamatayan.

“Mahal ko si Daddy Rollie. Hindi ko siya idinadamay sa kaso na isinampa ko kay Gabby. Magkaiba ‘yon,” pahayag ni Mommy Rose.

Pero sinabi naman ni Gabby ayon sa panayam sa kanya ng peryodistang pampelikula na si Marinel Cruz na ayaw niyang patawagin na si Flaminiano sa kanilang bahay dahil baka makaapekto pa sa sakit ng matandang Concepcion.

***

Nang araw ng Biyernes ay dumating ang asawa ni Rollie na si Baby at pagkatapos na makapiling nang taimtim ang asawa ay sinimulan nang buksan sa publiko ang pakikiramay nito sa mga Concepcion.

Pati lahat ng mga kaibigan sa showbiz ni Gabby ay humugos.

Hindi lang nga kami nakarating sa burol dahil nasa San Fernando City sa La Union kami para sa isang malaking proyekto na may kaugnayan sa nutrisyon ng bansa.

Pero nakikiramay kami sa mga Concepcion.

Inilibing si Daddy Rollie sa Loyola Memorial Park sa Marikina City noong Linggo, ika-28 ng Setyembre.

***

Pagkatapos ng paghahatid sa huling hantungan ay hindi pa hahantong sa wakas ang laban ni Nadia kina Rose at Cristy.

Kahit saan anyang korte ay lalabanan niya si Cristy at kakampi niya si Gabby sa laban kay Mrs. Flaminiano.

Nais nang tumiwalag ni Gabo sa limang taong kontratang kanyang pinirmahan kay Mrs. Flaminiano kaya kinuha niya ang serbisyong legal ni Atty. Raymond Fortun para labanan ang mga Flaminiano at makalaya siya sa kaugnayan at kasunduan dito.

Matatandaan na si Rose ang unang umasikaso sa kasong bigamya at palsipikasyon ng mga dokumento ni Gabby ng mga nakaraang panahon at malaya ngang nakabalik sa bansa ang aktor at naging mataginting ang kanyang pagpasok muli sa eksena.

***

Papasok din sa eksena ang mang-aawit na si Buddy Castillo sa Lunes, ika-6 ng Oktubre, 2008 sa pangunguna niya sa pista ng Barangay Dulong Bayan sa Bacoor, Cavite na pinamumunuan ni Chairman Relito Tela.

Imbitado ni Buddy ang mga sikat na sina Tia Pusit, Angelica Jones, Victor Wood, Didith Reyes, Wow Girls, Tsik Boys, Queen Agoncillo at marami pang iba.

Kakanta kaya si Buddy kahit na ito ay kanyang teritoryo.

Sa totoo lang, sayang ang talento ni Castillo pag hindi niya ibinalik at pinanday nang husto.

***

Aminado naman si Jake Cuenca na talagang nililigawan niya si Bea Alonzo.

“Lumalabas po kami,” pahayag ni Jake sa paglulunsad ng Star Magic Catalogue 2009 para sa ABS-CBN sa EDSA Shangri-La Hotel sa Mandaluyong City.

Ayon kay Cuenca, mahal na mahal niya si Bea at wala pang hihigit sa damdaming kanyang nararamdaman para sa aktres.

“Madalas po kaming lumabas at alam niya, seryoso ako sa panliligaw sa kanya,” pahayag ni Jake na apo sa pamangkin ni Manuel Morato.

Sinabi pa ni Jake na huwag magselos si John Lloyd Cruz dahil ang pag-aartista ang prayoridad ni Alonzo at hindi pag-ibig.

Bukod rito ay aminado si John Lloyd na nagdi-date rin sila ni Bea. “Alam na naman ninyo ang nangyari kay Bea. Ang dami niyang problema lately kaya kailangang samahan ko siya at alagaan,” sabi ni Cruz.

Pero mukhang hanggang doon lang ‘yon dahil naipahayag niya ang intensyon na makilala nang personal at husto si Marian Rivera.

Nais din niyang makasama sa mga proyekto si Angel Locsin.

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options