News Update

Si Rosa Rosal ang nagsasalin ng dugo kay Francis M

in

Boy Villasanta

 

HANGGANG sa pagkaratay sa karamdaman, magkakaibigan at magkakasama sa trabaho ang nagtutulungan.

Totoo ito sa kaso ni Francis Magalona at sa mga kaibigan at ninun niya.

Si Rosa Rosal, ang mahusay na aktres at limampu't walong taon nang volunteer ng Philippine National Red Cross, ang may kagagawan kung bakit walang mintis na nasasalinan ng dugo si Francis na maysakit na leukemia.

Bukod sa katungkulan at karapatan ito ni Rosa bilang sosyo-sibikong nilalang at mamamayan ng Pilipinas, may piyudal na koneksyon si Rosal sa mga Magalona.

Magkakaibigan at magkakasama sila ng mga magulang ni Kiko-sina Pancho Magalona at Tita Duran-sa LVN Pictures. Malamim ang kanilang mga pinagsamahan.

At para sa kustombre ng mga Pinoy, mahalaga ang may pinagsamahan. Ito ang bukal ang pagtutulungan.

***

Nang malaman ni Rosal na may kanser sa dugo si Magalona, tinawagan agad niya si Senador Dick Gordon. "Sabi ko kay Senator Gordon, walo ang anak n'yan. Tulungan natin ‘yan. Kasi, mahal ang dugo kaya kailangang bayaran niya. Pumayag naman si Senator Gordon," kuwento ni Ms. Rosal sa paglulunsad ng "Sine Klasiks" na pinasimunuan ng Independent Filmmakers Multi-Purpose Cooperative kung saan itinampok ang aktres bilang kauna-unahang artistang Pilipino na pinarangalan ng IFC.

Ipinalabas nga ang mga klasikong pelikulang "Anak Dalita," "Badjao," "Biyaya Ng Lupa" at "Sakada" sa panahon na inalayan ng parangal si Rosa.

"Mabuti nga ito dahil buhay pa ako. Hindi tulad ng pagbibigay ng tribute sa iba na patay na," pahayag ni Rosa sa Robinsons Galleria Movieworld Cinema 3 kamakailan kung saan ginanap ang pagdiriwang.

***

Maituturing na idinaan din ni Rosa sa palakasan ang pagkakaloob ng dug okay Francis pero ito ay batay na kahingian ng mga pagkakataon at malubha ang kondisyon ng aktor kaya naman ito ay isa nang klasikong halimbawa ng pagtulong ng non-government organization na tulad ng PNRC.

Sinabi ni Ms. Rosal na ang ahensiyang ito ang ipinagmamalaki niyang tanggapan at pangunahing NGO sa bansa.

Ipinagmamalaki rin niyang dito siya konektado.

Kaya nga talagang taas-noo ang kanyang pagmamalaki rito.

***

Ang isa pang nagbibigkis sa mga Magalona at Danon, ang tunay na apelyido nin Rosal, ay ang pagkakaibigan na sobra pa sa parang tunay na magkapatid nina Francis at Toni Rose Gayda, ang kaisa-isang anak ni Rosa.

Matagal nang may pinagsasamahan sina Toni Rose at Kiko lalo na nang pareho silang nag-artista at lalung-lalo na rin nang magkasama sila sa "Eat Bulaga" ng Television and Production Exponents, Inc. na pag-aari ni Tony Tuviere na isinasahimpapawid sa GMA Network.

Ayon kay Toni Rose, kakakausap lang niya kay Francis ilang araw ang nakakalipas nang bigyan ng parangalan ng IFC ang kanyang ina. "Tawanan kami nang tawanan sa telepono. He has improved a lot. He's very jolly when I talked to him. Parang wala siyang sakit. Lokohan pa nga kami nang lokohan, e", wika ni Gayda na ganda-ganda pa rin hanggang ngayon.

Mga binata na ang mga anak ni Toni Rose, matatangkad na, sina John at James.

***

"Gusto ko na ngang makabalik si Francis sa show at nang makasama na namin. Miss na miss ko na siya. Ay naku! Napakabait talaga ni Francis. Kaya lang siyempre, sa chicks, naku!

"Wala siyang sinasaktang tao. Napakabuti niya kaya how I wish na gumaling na siya agad," papuri ni Toni Rose umpukan ng mga peryodistang pampelikula.

Umuwi na sa kanilang bahay sa Antipolo si Kiko at nagpapahinga na roon.

Nandoon na siya nang bigyan siya ng fundraising show ng kanyang mga kasamahan sa "Eat Bulaga" sa Zirkoh Bar sa Timog Avenue.

Nanghihinayang si Toni Rose at hindi man lang siya naimbitahan sa pabenepisyong ‘yon samantalang kasama niya sa palatuntunan ang mga nagpadisir nito.

***

Nasa karosasan naman ng kalusugan ang mga beteranang aktres na sina Mila del Sol, Perla Bautista, Oscar Obligacion at Delia Razon na naglaan ng oras para makibahagi sa parangal kay Rosa, ang kanilang ka-LVN star.

Ayaw mang ipagtapat ni Mila ang kanyang tunay na edad, larawan siya ng matipunong nilikha. Ubanin na siya pero malakas pa rin kahit na inaalalayan na paminsan-minsan ng kanyang yaya.

Paano nga ba nagtatagal ang buhay ng mga tulad nina Mila at Rosa na dalaga na nang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong 1941?

"Ako, I don't eat pork. I only eat fish and vegetables. I don't smoke. I don't drink. I sleep early as nine in the evening," sabi ni Aling Rosa.

Si Mila ay maingat sa kanyang katawan at hindi siya masyadong nagpapagod.

Si Delia ay hindi basta-basta nagpapalipas ng pagkain at si Perla kahit na kaoopera lang sa kanyang mga dibdib dahil may nakita ang manggagamot na cysts sa mga ito, batambata pa rin ang hitsura na animo'y singkuwenta anyos lang.

Si Mang Oscar kahit may tungkod na ay maipagkakamali mong sisenta lang pero apo na niya ang PRO ng Cultural Center of the Philippines na si Irene Obligacion Rada.

***

Nagdiwang naman ng kanyang kaarawan si Didith Reyes noong ika-17 ng Setyembre, 2008 at alam ba ninyo kung sino at saan siya nagdiwang?

Sa Grand Music Palace sa panulukan ng 18th Avenue at P. Tuazon Street sa Murphy, Cubao sa Quezon City.

Dito kasi nagsasanay si Didith sa pagkanta. Dito ibinabalik ni Prof. Ryan Manal ang ginuntuang tinig ng aktres at mang-aawit. "Malapit nang maibalik ni Didith ang kanyang boses. Mga lima o anim na pasadahan na lang at maaabot na niya uli ang matataas na nota," pahayag ni Ryan.

Naghanda si Manal at si Roger de Leon, ang kawaksi sa buhay ni Ryan, ng pansit at inumin para ipagdiwang ang kumpleanyo ni Reyes.

Dumating din ang kaisa-isang anak ni Didith na si Arvy Reyes na dating nagtrabaho kay Imelda Papin.

***

"Pagbubutihin ko na talaga this time. Alam ko na marami ang umaasa sa akin at nagmamahal kaya hindi ko sila dapat biguin," sabi ni Didith, ang nagpasikat ng mga awiting "Nananabik," "Bakit Ako Mahihiya?" "Araw-Araw, Gabi-Gabi," "Aliw," "Hindi Kami Damong Ligaw" at napakarami pang ibang musika.

Kasama nga siya sa pista sa Barangay Dulong Bayan sa Bacoor, Cavite at kakanta ang mahusay na singer pagkatapos ng maraming taon.

Makakasama niya sa pagtatanghal sina Angelica Jones, Queen Agoncillo, Jao Mapa, Tia Pusit, ang Wow Girls, ang Tsik Boys, Kenneth Reyes at si Victor Wood.

Ang show ay sa pamamagitan ni Chairman Relito Tela at si Buddy Castillo, ang singer na ala-Elvis Presley at nagpatanyag ng mga awiting "Listen," "We Are Binata" at "Jeepney King" sa panahon ng pamamayagpag ni Johnny de Leon sa DZXL bago mag-Martial Law.

***

Samantala, pinaninindigan ni Rose Flaminiano, ang prodyuser ng FLT Films at manager ni Gabby Concepcion na hindi puwedeng makipagnegosasyon ang aktor kaninuman at kung may proyekto si Gabby na hindi dumaan kay Rose, kilala rin sa tawag na Mommy Rose, maghahain siya ng Temporary Restraining Order o TRO.

***

Matutuloy na rin sa wakas ang paggawa ng direktor na si Jowee Morel ng mga documentary ng HIV victims sa Asya. Kadarating lang ni Jowee mula sa Bangkok, Thailand kung saan siya nakipagmiting sa mga lider ng foundation at network na nangangalaga sa paghahatid ng tamang impormasyon tungkol sa HIV at AIDS.

Unang gagawan ni Jowee ng dokyumentaryo ang Indonesia. "Malaysia sana ang una pero Indonesia na lang ang ipinauuna," sabi ni Morel.

Pagkatapos nito ay pupunta siya sa Myanmar, ang dating Burma at sa Nepal para gawan din ito ng docu sa AIDS.

Palabas naman ang "Latak" sa Sabado, ika-27 ng Setyembre, 2008 sa UP Film Institute Cine Adarna. Si Jowee ang direktor ng "Latak."

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options