News Update
Ang katotohanan sa away ni Gabby at ng kanyang talent manager
PATULOY na naggigirian sina Gabby Concepcion at Rose Flaminiano, ang prodyuser ng FLT Films at kasalukuyang talent manager ng aktor.
Ito ay mula nang kuwestyunin ni Gabby ang halaga at eksaktong bilang ng kanyang kinikita.
Naging mainit ang bawat isa sa pagsagot sa mga akusasyon hanggang magsalita na nga si Gabby sa kanyang tunay na saloobin sa isyu.
Si Rose, kilala rin sa tawag na Mommy Rose, ang humahawak ng lahat ng pera ni Gabo na mula sa kanyang trabaho sa showbiz. Bilang isang tagapamahala ng karera ng aktor, may karapatan siya na kontrolin at palagusin ang mga bayad ng bituin sa kanyang mga palad pero ang lahat ay iniuulat niya sa kanyang alaga.
***
Pero nagduda pa rin ni Gabby dahil sa kanyang pagbibilang ay parang hindi umakma sa bilang ni Mommy Rose kaya may mga tanong ang aktor na kailangang sagutin ng manager.
May punto pa nga na nais nang makipagsabwatan ni Gabby sa ibang manager para maikumpara ang lahat ng rekotitos ni Mommy Rose pero nagtimpi ang aktor.
Para sa kanya ay hihintayin niya nang sa tamang panahon ang paliwanag ng kanyang manager at pinakakautangan ng loob sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas.
***
Kaya ang kasong ito ay kultural bukod sa panlipunan at sikolohikal.
Kultural dahil ang mga Pinoy ay madaling makisali sa pagtanaw ng utang na loob sa nakatulong sa kanila.
May hangganan ang paglalantad ni Gabby sa kanyang saloobin kay Rose bagamat may asimilasyon na siya ng pagiging liberal nang siya ay matagal na naninrahan sa Estados Unidos. Pero matay man naming isipin at pansinin ay Pinoy na Pinoy pa rin ang kaugalian ni Gabby lalo na sa pakikipagkapwa sa masalimuot na lipunan ng tunggalian ng kapangyarihan.
***
May nais lang malaman na paliwanag si Gabby kung saan napunta ang kanyang pera kaya kinuha niya si Atty. Raymond Fortun upang siya ay idepensa.
Pero hindi nga karaka-rakang maghihiwalay ang landas nina Rose at Gabby dahil nakakontrata ang aktor sa pangangasiwa ng talent manager.
At sa kabaitan ni Concepcion o sa pagpapaubaya niya na siya ay alagaan at paikutin sa mga palad ni Mommy Rose, siya pa rin ang maninikluhod sa kanyang panginoon.
Gayunman, kung talagang aalagwa si Gabby ay ipapamarali niya ang kanyang tunay na damdamin bagamat lalabanan at tutunggaliin din siya ng mga Flaminiano na malalim at malawak ang koneksyon sa larangan ng batas.
***
Nang kasama nga namin si Mommy Rose kamakailan ay may kausap siya sa telepono.
Ang sabi niya at bilin ay sa ngalan na ni Gabby ilagay ang tseke na bayad sa mga gawain nito.
“Sa pangalan na lang ni Gabby isulat ang tseke at siya na lang ang magpa-encash at bigyan na lang niya ako ng komisyon. Gano’n na lang at nang maayos ang lahat,” pahayag ni Rose.
Saan nga kaya hahantong ang awayang ito?
***
Maapektuhan kaya ang pagtatanghal ni Angelica Jones na “Beyond Tragedy” sa Metro Bar sa West Avenue sa Quezon City sa sigalot na ito sa pagitan nina Gabby at Rose?
Kasi ba naman ay nakati-katihan ng mag-inang Beth Jones at Angelica Jones na imbitahin si Gabby na mag-guest sa kanyang concert sa pamamagitan ni Mommy Rose.
“Kaibigan ko kasi ang anak ni Mommy Rose na si Lizette Flaminiano. Nasa kanila kami ni Mommy no’n nang sabihin ko kay Mommy Rose na igi-guest ko si Gabby sa show ko.
“Wala naman daw problema, sabi ni Mommy Rose. Pati si Gabby ay nakausap ko at willing naman siya. Sana naman ay makarating siya. Hindi naman ako kasali sa away nila, di ba?” tanong ni Angelica.
***
Bukod kay Gabby ay panauhin din ni Angee, palayaw ni Angelica, sina Long Mejia, Brod Pete, Mojak, Polo Ravales, Giselle Sanchez at Faith Cuneta.
“Naku, sana naman ay walang sablay. Sana naman ay walang problema kay Gabby. Pero alam kong walang magiging problema,” pagtanaw sa optimismo ni Angelica.
Sinisiuguro naman ni Beth na darating si Gabby na ngayon pa lang ay iniintriga na may gusto kay Angelica.
“Ano” Sobra naman ‘yon. Bilib at hanga ako kay Gabby bilang aktor pero hanggang do’n lang. Walang masamang ibig sabihin ang paghanga ko sa kanya. Hindi pa ako artista ay tagahanga na niya ako,” sabi ni Angelica na ang ganda-ganda ngayon.
Siya lang anya ang nag-make-up sa kanyang sarili.
Kinantiyawan namin siya ng mga peryodistang pampelikula na sina Melba Llanera, Vinia Vivar at Fernan de Guzman na baka manligaw sa kanya nang tuluyan si Gabby dahil kamukha siya ng asawa ng aktor ngayon na si Genevieve Yatco Gonzales na tubong-Biñan, Laguna.
“Sus! Kayo talaga. Malapit lang kami ni Gabby dahil may duet kami na kakantahin at lagi kaming nag-i-ensayo,” paliwanag ni Angelica.
***
Ngayon pa naman na wala nang kasintahan si Jones dahil siya rin ang nagsabi na nakipagkalas na siya sa kanyang katipan na isang Muslim.
Tapos na anya ang mga kabanata ng kanyang pag-ibig.
Tapos na ang mga nakaraan kina Long Mejia, Bok Inciong, Paolo Bediones, Vhong Navarro at Bobby Yan.
Sa lahat sa kanila ay kay Bobby tinamaan nang husto si Angelica.
Ikinukuwento pa nga ng mga taga-“One Morning” ng mga Channel na 4, 9 at 13 na nagpunta pa roon sa love show ni Yan si Jones pero wala noon sa live show si Bobby kaya malungkot na malungkot ang aktres.
“Wala pa ring asawa si Bobby kaya naman hindi ko siya makakalimutan. Pero parang nagbago na siya. Hindi ko alam, huh, pero parang, e,” obserbasyon ni Angelica.
***
Aminado rin ang bituin na siya ay nalulong sa alak at sigarilyo nang walang mangyari sa relasyon nila ni Bobby at kahit nang wala pa siyang kaugnayan kay Yan ay naninigarilyo at umiinom na siya ng alak.
“Pero nang masunugan kami ng dalawa naming unit ng apartment, talagang nagbago na ako. Kaya lang, nang kasusunog pa lang ang bahay namin, naninigarilyo na ako at umiinom.
“Kaya siguro sinunog ng Diyos ang bahay namin para matuto ako. Para mauntog ako. Ngayon, malinis na ang buhay ko. Nagsisi na ako. Tuwang-tuwa na ngayon ang Panginoong Diyos sa akin,” pahayag ng aktres.
***
Samantala, ipapalabas muli sa University of the Philippines Film Institute UPFI Cine Adarna ang kontrobersyal na pelikulang “Latak” ng Outline Films sa direksyon ni Jowee Morel.
Dahil sa tagumpay ng unang pagtatanghal noon sa UPFI Cine Adarna rin na handog ng UPCAST, ngayon naman ay ang Department of Social Work and Community Development ang maghahandog ng palabas.
Uncut pa rin ito na magtatampok sa kahubdan nina Mercedes Cabral, Marc Jacob, Zach Urdaneta at Chanel Latorre.
Tampok din sa obra ang pinsang-buo sa asawa si Pia Millado na ang ganda-ganda at kahit benyte otso anyos na ay sariwang-sariwa pa rin tulad ng isang kapipitas lang na bulaklak.
Sa ika-27 ng Setyembre nakatakdang ipalabas muli ang “Latak.”Boy Villasanta
RSS