News Update
Tagahanga ni FPJ, palaban pa rin
Boy Villasanta
NANG ipagdiwang ng mga mahal sa buhay na naiwan ni Fernando Poe, Jr. ang kanyang kaarawan kamakailan lang, muling umigkas ang timyas ng pakikibaka sa kanilang hanay.
“Ipagpapatuloy namin ang laban ni FPJ,” pahayag ni Rez Cortez na nakasuot pa rin ng t-shirt na kulay asul bilang tanda ng pagiging marubdob na tagahanga ng namayapang aktor.
Ito ay sa kabila ng pagsasabi sa kanya ni Susan Roces na lumayo na sumandali sa pakikisangkot sa pulitika dahil baka mapabayaan niya ang kanyang pamilya, ang asawang si Candy at ang kanilang mga anak.
Pero matigas ang ulo ni Rez. “Kung para sa bayan ay handa kong ipagparaya ang aking kaligayahan,” sabi ng isa sa mga lider ni FPJ.
***
Malaki na ang iniusad ng persona ni Cortez mula sa pagiging kontrabida at character actor tungo sa isang aktibong aktibista. Hindi man nakahanay si Rez sa mga progresibo at makakaliwang aydentipikasyon sa pakikipaglaban, nasa kanya ang init ng protesta anuman ang kulay ng pulitika, gaano man kalalim o kababaw ang kanyang ideyolohiya.
Kahit saan daanin ay nakikipagtalo si Cortez kung nakasalalay ang kanyang paninindigan.
Kahit sa showbiz, isa siya sa mga tagapagtatag ng Nagkakaisang Manggagawa ng Pelikulang Pilipino na pinamumunuan ni Joel Lamangan.
***
Nagmamartsa rin si Rez at bagamat hilaw ang kanyang matayog na pulitika ng pakikibaka, maaaring dito ito mag-ugat kung talagang seseryosohin niya ang paglaban sa masamang sistema.
Marami siyang isasaksripisyo kabilang ang nakasanayan na niyang ilaw-dagitab at mga pahanga ng kanyang mga tagasubaybay.
Kung mapapalalim pa ni Cortez ang kanyang ideyolohiya sa pamamagitan ng pakikipagpingkian at pakikipagtalakayan sa mas abanteng paniniwalang-pulitikal sa ating lipunan, mas mauunawaaan ni Rez ang kanyang adhika at tunguhin.
Pero kung nakasandig at nakababad lang siya sa laban ng lumpen at pakikipagsosyalan, mas marami pa siyang kakaning bigas.
Ang tunay na mandirigma ay hindi natatakot na makipagtalamitan sa iba pang antas ng pananalig lalo na sa pagpapalaya ng sambayanan.
***
Katulad si Rez ng kanyang idolo na si FPJ na bagamat tinitingnang mabait at may potensyal na lider, kailangan pa ring may mabawas at maalis na mga katangiang burgis ang tulad niya. Ang pagtatakwil sa kaginahawahan para sa kaunlaran ng higit na nakararami ang isang maaaring gampanang papel sa tunay na buhay ng isang Rez Cortez.
O kahit magkagayon ay maaari rin naman siyang makipagtrabos-kuwenta sa mga puwersa na nagpapahirap at nagsasamantala sa kanyang mga kauri.
Ang pagtataguyod sa kanyang mga ka-anakpawis ang higit na magpapaalsa sa diwa ng pakikibaka at pakikipaghimagsik ni Rez.
Ang multo ni FPJ ay nakabantay at nagkalat pa rin kahit na saang sulok ng buhay sa lipunang ito kaya naman maaskad kung babalewalain lang natin ito.
Gawing inspirasyon at umusad pa sa mga pakikipaglaban ni FPJ sa paglaya sa mga nagsasamantala sa kapwa.
***
May isang kapisanan naman na nagbubuo upang makatulong sa mga atletang Pinoy na walang nakuhang premyo man lang kahit isa sa nakaraang Beijing Olympics sa China kamakailan.
Isa si Monsour del Rosario sa mga aktor at naging kinatawan ng Pilipinas sa Olympics sa ibang bansa na kasama ni Atty. Ariel Inton, isa sa mga nangungunang konsehal ng Lunsod ng Quezon.
Ayon kay Inton, nagpasabi na si Monsour na tutulong sa mobilisasyon ng mga natatagong talentong Filipino sa palakasan para makapagsanay sa ilalim ng Philippine Councilors League.
“Naghahanap kami ng mga pulitiko o public servant o kahit na mga simpleng mamamayan lang na tutulong sa mga deserving nating athletes para makapagsanay at nang makakuha man lang tayo ng ginto sa mga susunod na Olympics,” pahayag ni Inton.
Sa isang pagtitipon ng mga konsehal sa Quezon City kabilang sina Jorge Banal, Bong Suntay, Dante de Guzman, Doray Delarmente, Martin Misa, Jun Ferrer, Boy Calalay, Toto Medalla at marami pang iba, itataga nila sa bato na makapagsasanay sila ng atletang mahuhusay.
***
Marubdob ang pagtulong ni Monsour sa mga adhika nina Inton. Bilang artista at taga-showbiz, mapapatunayan ni del Rosario na walang pagkakaiba ang showbiz at pulitika sa pamamalakad ng lipunan.
Na ang bawat isa ay para sa kabutihan ng mga tao—ng mga tagapanood ng pelikula, telebisyon at bidyo at tagapakinig ng musika—ang layon ng isang taga-showbiz gayundin ang pulitiko.
Pero sa katuusan ay ang tama at dalisay na paglilingkod sa bayan ang dapat asahan sa mga taga-showbiz at taga-pulitika.
Ang pelikula o TV show ba ng mga artista ay para sa kapakanan ng publiko o pansarili lang lalo na ang mga eskapistang mga panoorin?
Ang gawain ba ng isang pulitiko o mga pulitiko ay para sa kagalingan ng kanyang mga nasasakupan o para lang sa pag-unlad na pansarili ng isang serbisyo publiko?
‘Yan ang una at huling responsibilidad ng mga taga-showbiz at mga taga-pulitika.
***
Bakla na naman ang ginagampanan ni Allan Paule sa isang panoorin pero hindi sa pelikula sa pagkakataong ito kung saan ay maraming beses na siyang nagbading.
Sa tanghalan naman nagbakla si Allan sa pamamagitan ng pagganap bilang closet queen na umiibig sa kapwa lalaki pero may asawang babae.
Napatunayan muli ni Paule ang kanyang kahusayan sa pag-arte hindi lang sa TV o pelikula kundi sa buhay na buhay na teatro.
Sa Bay Central sa Baywalk sa Roxas Boulevard nagpakabakla si Allan nang gampanan niya ang papel sa “Jokla Club.”
Nakakaintriga ang pamagat na “Jokla Club” dahil ito ay katunog at halaw ang pamagat sa nobela ni Amy Tan na “Joy Luck Club” na ipinelikula rin sa Hollywood.
Matagal na palang dula itong “Jokla Club” dahil labinsiyam na taong gulang na ito.
***
Napapayag din si Paule na gumanap na bakla sa stage play dahil ang lugar na pinagtanghalan ay kapitbahay lang ng kanyang bar at restoran na Brigada sa Bay Central.
Kaya kahit anong oras na may ensayo ay puwede ang aktor na inalagaan ni Lino Brocka.
Bakit naman bar ang napiling negosyo ni Allan?
“Kasi, ‘yong misis ko, mahilig sa night life. Kami, mahilig. Kaya nagkasunod kami na bakit hindi na lang bar ang aming negosyohin?” tanong ng mahusay na aktor.
“Madali lang naman ang adjustment ko sa mga kasama ko sa play,” pahayag ni Allan.
Isa si direktor Roni Bertubin sa mga naniniwala sa kakayahan ni Paule kaya kinuha niya ito sa dula.
Kasama rin bilang aktor si Roni at nadiyahe pa si Allan dahil natabunan anya siya ni Bertubin sa pag-arte. “Kasi, subdued na bakla si Allan sa play. E, ako, iskandalosa kaya may comparison and contrast,” pahayag ni Roni.
May isa pa siyang kasamang stage actor na napakahusay rin.
Pati na rin si Sherwin Ordoñez na bagay na bagay sa papel na parang babaing payat na emosyunal.
Siyanga pala, katabi lang ng bar ni Allan ang puwesto ni
Sherwin sa Bay Central kaya magkasundo silang dalawa sa mga lakad.
RSS