News Update

Maui, inind’yan ang premiere night ng sariling pelikula dahil sa co-star?

in

Boy Villasanta

NAGMAMAGANDA si Maui Taylor sa mga sandaling ito.

Imagine, inind’yan niya ang kanyang sariling premiere night samantalang siya ang bida sa Torotot ng Viva Entertainment.

Natapos at natapos ang okasyon, ni anino ng aktres ay hindi nakita samantalang kung tutuusin ay sentro siya ng istorya ng pelikula.

Gaano katotoong kaya wala si Maui sa premiere showing ay dahil kay Precious Adonna, ang bagitang aktres na nakilala sa “Three Days Of Darkness” ni Khvan de la Cruz kasama si Katya Santos?

Nai-insecure at naiinggit umano si Taylor kay Precious dahil mukhang pinapaboran ng Viva Films ang baguhan.

“May show daw po si Maui kaya hindi makakarating,” pahayag ni Adonna ilang minuto bago magsimula ng pagtatanghal.

 

***

Gaano katotoong may hidwaan sila?

“Ay, naku, wala po. Intriga lang ‘yon. Kasi, parang kapatid na po ang turing ko kay Maui kaya walang masamang nangyayari sa amin,” wika ng seksing bituin na anang peryodistang pampelikula na si Voltaire Lanuza ay kamukha ni Snooky Serna.

Mas marami umanong exposure si Precious kaysa kay Maui?

“Naku, hindi po. Wala naman pong kinikilingan ang direktor namin. Pantay lang po kami ng mga eksena ni Maui. Wala pong lamangan,” depensa ng matangkad na bituin.

 

***

Ang “Torotot” ay kuwento ng dalawang pag-asawahan na nag-iputan sa ulo ang mag-asawa. Tampok sa obra sina Maui, Precious, Baron Geisler, Anton Bernardo at Yul Servo.

Batay sa isang artikulo ng broadcaster na si Julius Babao sa isang broadsheet ang kuwento ng pelikula na pinamagatang Destierro. Naibigan agad ni Maryo J. de los Reyes ang istorya kaya ginupit niya ang pahinang pinaglimbagan ng kuwento at ipinasa sa scriptwriter na si Jun Lana na nagawan agad ng makulay na dulang pampelikula ng manunulat.

***

Noong una ay R-18 ang rating ng pelikula mula sa Movie and Television Review and Classification Board pero umapila ang produksiyon sa pamamagitan ng supervising producer na si Junne Torrejon-Rufino.

Sa ikalawang pagrerebyu ay nahatulan ng R-13 ang pelikula kaya puwede na itong maipalabas sa SM cinemas at mapanood ng mga kabataang may edad na trese pataas.

“Gusto kong mamulat ang mga kabataan sa crime of passion. At saka, it’s high time na mag-liberate tayo sa ganitong mga tema para umunlad tayo,” wika ni Maryo.

 

***

Samantala, kahit R-18 ay handa nang tanggapin ni Jowee Morel ang klasipikasyon ng kanyang pelikulang Latak ng Outline Films. Matatapos na nang lubusan ang editing ng pelikula dahil inihahabol sa premiere showing nito sa ika-21 ng Agosto sa UP Film Institute Cine Adarna.

Ang UP CAST ang nag-organisa ng pagpapalabas.

Importante ang pelikulang ito para kay Jowee dahil ang daming nangyaring kabanata sa kanyang buhay sa paggawa nito mula sa pre-production hanggang sa shooting hanggang sa post-prod.

Una na ay ang nangyari kay Akiro, ang batang singer na nag-acting workshop pa naman sa Outline Films sa Merville Park Parañaque City. Ayon sa kanya, sinabi ng production staff na siya ay kasama sa Core 20, ang grupo kung saan kukunin ang mahahalagang suporta sa pelikula.

Umasa si Akiro na siya ay mabibigyan ng malaking papel pero ayon sa kanya, tumawag ang isang Production Assistant o PA at sinabing maliit lang ang papel na kanyang gagampanan.

“Siyempre po, nagulat ako. Nalungkot ako kaya iniiyak ko ‘yon. Imagine, may dala-dala pa naman po akong maraming damit tapos, e, extra lang ang labas ko. Sa may likod lang daw po ako makikita,” kuwento ni Akiro nang magbukas ang kanyang Betuir’s Spa & Salon sa 21 Kamias Road, Barangay Piñahan, Kamuning, Quezon City.

 

***

“Kaya po, ang ginawa ko, hindi ako makatulog, naglasing ako. Minsan, hindi po ako kumakaian kaya nangayayat ako. Pero isang araw ay bigla ko na lang naisip na bakit pinahihirapan ko ang sarili ko. Nagnegosyo po ako. May nakita ako na naluluging beauty parlor sa Pasig, ‘yong Singing Sensation Shop. Binili ko po ‘yon.

“Okey po ang dating ng pera. Hanggang isang araw, bigla na lang umalis ‘yong baklang nagma-manage ng parlor. So, nag-panic ako. Ang ginawa ko, nag-enroll ako nang biglaan sa Ricky Reyes Learning Institute at ako na mismo ang namahala ng parlor,” pahayag ni Akiro.

Mahusay kumanta si Akiro dahil produkto siya ng Grand Music Palace nina Roger de Leon at Prof. Ryan Regala Manal na matatagpuan sa panulukan ng 18th Avenue at P. Tuazon Street sa Murphy, Cubao.

Kasama ni Akiro sa paaralang ‘yon sina Stef Prescott, Ronnie Liang, Ava Jugueta at iba pang mga estudyante at ngayon nga ay si Didith Reyes.

 

***

Napapag-usapan na rin lang si Didith Reyes.

Alam ba ninyo na kamakailan ay nagpagupit si Fr. Sonny Ramirez sa Reyes Haircutters sa panulukan ng Anonas Street at Aurora Boulevard sa may Proj. 3?

Sa beauty salon na ‘yon nagtatrabaho si Didith at nakita siya ni Fr. Sonny.

“Alam mo ba, Didith, na ang daming mga seminarista sa Dominican Order noon na lumabas sa pagpapari dahil sa’yo?” pahayag ni Fr. Ramirez na ikinagulat ni Reyes.

“Iba ka talaga, Didith. Marami ka pang magagawa,” sabi ni Fr. Sonny.

Kilala ni Fr. Ramirez si Idan Cortez, ang kompositor na lumikha ng kantang “Nananabik” ni Didith.

“Nandito sa Pilipinas si Idan. Mga tatlong buwan siya rito. Sasabihin ko sa kanya na i-compose ka uli ng kanya. This time, inspirational na,” pagbabalita ni Fr. Sonny.

 

***

“Tingnan mo nga naman. When it rains, it pours talaga,” wika ni Didith kaugnay sa mga suwerteng lumalapit sa kanya.

Nagbo-vocalize na siya para makabalik sa pag-awit ay nanalo pa siya sa kaso ng anti-violence against women and children na kanyang isinampa laban sa dati niyang kasintahan na si Eulogio “Ely” Disonglo ng Biñan, Laguna.

Tapos ay dumating sa kanyang buhay paring Dominikano.

“Nagpapasalamat talaga ako sa magagandang kapalaran na dumarating sa akin ngayon,” naluluhang pahayag ni Didith na nagpasikat ng mga awiting “Nananabik,” “Aliw,” “Bakit Ako Mahihiya?” “Hatiin Natin Ang Gabi,” Araw-Araw, Gabi-Gabi” at napakarami pang iba.

 

***

Samantala, sinagot naman ng Supervising Producer na si Dennis Adobas ang mga akusasyon ni Akiro sa kanyang hindi pagkakasama sa “Latak.”

Ayon kay Dennis, kaso lang ng hindi pagkakaunawaan ang nangyari sa pagitan ni Akiro at ng Outline Films.

“Mabait naman si Akiro. Kaya lang, gusto niya na malaki agad ang kanyang role. Sabi nga niya, kung hindi rin lang bida, huwag na lang. Kunsabagay, karapatan niya ang magpaliwanag at mangatwiran,” pahayag ni Dennis.

Sinabi ni Adobas na magkakabati na rin sina Akiro at ang mga taga-Outline Films.

“Sana ay matapos na ang intrigang ito. Sawang-sawa na ako sa mga intriga,” sabi ni Morel.

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options