News Update

Pahapunan kay Gloria sa US, sinalubong ng protesta

in
Noel Sales Barcelona

PROTESTA ang isinalubong ng mga Pilipino sa US sa pahapunang handog ng US Chamber of Commerce at ng US-ASEAN Business Council kay Pang. Arroyo sa Willard Hotel noong Hunyo 24.

Pinangunahan ng Katarungan, isang alyansa ng mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao sa Pilipinas ang protesta, kasama ang ina ng nawawalang aktibistang si Jonas Burgos na si Edita Burgos na isa sa mga tumatayong tagapagsalita ng grupong Desaparecidos sa Pilipinas.

“Nang mabanggit sa amin ni Burgos hinggil sa pagkakadukot kay Jonas ng armadong mga lalaki sa isang mataong lugar, partikular sa isang restawran, at wala man lamang tumulong sa kanya, naipangako namin na hindi namin hahayaang mangyari pang muli ito. Kaya, handog namin ang protestang ito kay Jonas at sa kanyang namimighating ina,” pahayag ni Katrina Abarcar ng Katarungan.

Aniya, hindi sila nag-aksaya ng panahon nang malaman nilang iniurong ang pahapunang sa Hunyo 25 sana magaganap, sa petsang nabanggit sa itaas.

Ayon pa kay Abarcar, hindi nila ibig palampasin ang pagkakataong maipamukha kay Pang. Arroyo ang kanilang pagkadismaya ukol sa nangyayari sa bansa, lalo na sa usapin ng paglabag sa karapatang pantao ng mga mamamayan.

“Naging motibasyon namin [para idaos ang protesta] nang hindi man lamang pagkakabanggit sa usapin ng karapatang pantao sa Pilipinas nang magpulong ang dalawang lider,” ani naman ni Joanna Quiambao, miyembro ring ng Katarungan.

Nauna rito, isang mosyon ang inihain nina Rep. Joseph R. Pitts (Republican-Pennsylvania) at Rep. James L. Oberstar (Democrat-Minnesota) para agarang tugunan ang mga kaso ng pampulitikang pamamaslang sa Pilipinas noong 2007 na sinuportahan ng 49 na kinatawan mula sa iba’t ibang estado ng US.

Sa naturang mosyon, iginiit ang isang matatag na paninindigan para tuluyang mahinto ang pampulitikang pamamaslang sa bansa.

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options