News Update
Vhong, parang namanhikan na sa pamilya ni Desiree
Boy Villasanta
MATAGAL-TAGAL na rin naman ang pag-iibigan nina Vhong Navarro at Desiree del Valle at marami na ang nag-aabang sa kasalan ng magsing-irog.
Kaya lang ay nagpahayag na si Desiree sa nauna nang panayam namin sa kanya na hindi pa sapat ang panahon para lumagay sila sa tahimik ni Vhong.
“Marami pa po kaming balak sa career namin. No weddings yet,” pahayag ni del Valle.
***
Pero sa takbo ng mga pangyayari, mukhang madadali ang pag-iisang-dibdib nina Navarro at Di, palayaw ni Desiree.
Sa pagdalaw muli namin sa Barangay Manguisian sa Lopez, Quezon kung saan ang bahay ng mga lolo at lola ng aktres (at nilakhan ng kanyang inang si Lourdes del Valle), maraming sorpresa at pasalubong na ibinigay sa amin ang pamilya ni Desiree.
Nagbabalik din sa aming alaala ang pagsisimula sa TV soap ng bituin dahil sa kanyang kauna-unahang teleserye na “Tabing Ilog,” sa totoong buhay, ang tahanan ng mga del Valle sa Lopez ay nasa tabing-ilog.
Napapaligiran ng mga luntian at bulaklak ang bahay ng mga del Valle.
At nang umagang ‘yon ay inilabas ng tiya ni Di na si Josephine del Valle ang isang makapal na photo album.
***
Ang photo album ay naglalaman ng mahahalaga at sentimental na mga alaala at larawan ng mga del Valle lalo na sa kasalukuyan na kapagdiriwang lang ng kaarawan ng abuwela ni Desiree.
Nandoon sa rekuwerdo ang pagbisita sa bukid ni Desiree lalo na ang paglulupak niya ng saging na saba na ang tawag sa Quezon “niyubak.”
Todo ang pagbayo ni del Valle ng pambayo sa malaking kahoy na sulong o katumbas ng isang malaking kahoy na almires.
***
At ang nakakaintrigang litrato ay ang magkasama sa larawan na sina Vhong at ina ni Desiree.
Aprub na aprub na nga ba si Lourdes na maging manugang na opisyal si Vhong?
Boto na ba siya sa komedyante samantalang nang huli natin siyang makausap ay ayaw niyang magsalita kahit na isang kataga tungkol sa relasyon ng kanyang anak sa komedyante.
At ang nakakapigil ng hininga ay ang pagsasama ng mga magulang ni Vhong at ng pamilya del Valle sa isang larawan.
Sa isang restoran ay naghapunan ang mga Navarro at del Valle. Magkakatabi sina Vhong, ang kanyang ama at madrasta samantalang sa kabilang panig ay sina Lourdes at Desiree.
Pamanhikan na nga ba ito?
***
Sabi naman ni Josephine ay wala pa sa isip ng kanyang pamangkin ang pag-aasawa.
At itinanggi rin ni Jo na nagli-live in ang magkatipan sa isang condo sa Quezon City.
“Naku, hindi kami payag sa ganyan. Iba ang pamilya namin. Kahit si Desiree, ayaw niya ng ganyan,” pahayag ni Josephine.
Ito ay sa kabila ng mga sitsit na nagsasama na sa ilalim ng isang bubong sina Desiree at Vhong.
***
Samantala, ang kasama dati sa ABS-CBN ni Desiree na si Roselle Nava ay nagtaguyod ng kampanya ng wastong nutrisyon sa Sorsogon City kamakailan.
Siya ang napili ng National Nutrition Council at Work in Progress Media Productions na mag-endorso sa Sorsogon City ng tema.
Umaga pa lang ng Sabado ay nasa Sorsogon City na si Nava kasama ang komedyanteng si Ate Shawie.
Sa hapon ay nag-motorcade sina Roselle, Ate Shawie at ang tatlong Mascot na sina Pineapple, Camote at Carrot.
Nagpapahalaga siya ani Roselle sa kanyang kalusugan kaya balanced diet ang kanyang sinasabakan.
***
Taga-Bicol din pala si Roselle at taga-Legazpi City ang kanyang mga ninuno sa panig ng kanyang ama. “Sayang, hindi lang talaga ako marunong magsalita ng Bicolano,” pahayag ni Nava.
Pero ang kanyang tiyahin, si Tita Baby Belenia ay matatas sa pagbi-Bicolano lalo na sa pakikinig.
Kaya naman namili sina Roselle at Baby ng maraming pili nuts para ang kultura ng Bicol ay laging buhay sa kanilang alaala.
***
Umuwi na rin sa Legazpi City ang beteranong aktor na si Paquito Diaz at ang ganda-ganda, ang laki-laki ng kanyang ipinagawang bahay sa siyudad na ito.
Nagkasakit sa puso si Paquito, naospital, dumanas ng malubhang karamdaman.
Payat na payat nga ngayon si Diaz at mabuti na lang at nakaligtas sa kanyang sakit hindi tulad ng kanyang nakababatang kapatid na si Romy Diaz na namatay nang dahil sa atake sa puso at alta presyon.
Nagpapagaling si Kits sa kanyang bayang tinubuan kasama ang kanyang misis na matiyaga ring nag-aalaga sa kanya.
***
Matiyaga ring dumalaw sa lalawigan si Joko Diaz para malaman ang kalagayan ng kanyang ama, makapagmano, makahalik at makapaglingkod sa kanyang mga magulang.
Ayon sa mga taga-Legazpi, ipinagmamalaki nila ang mga tulad ni Paquito at sa katunayan, dumaranas ang aktor ng magandang pagtrato sa kanya ng mga kababayan.
Alam ba ninyo na may itinalaga pang pulis para kay Tito Kits kung iikot sa lunsod ang mahusay na character actor na lalong lumutang ang galing nang maging kontrabida ni Fernando Poe, Jr.?
Kadadalaw lang ni Joko sa kanyang ama at sakripisyo ang pagmamaneho niya ng labindalawang oras mula Maynila hanggang Legazpi pero sulit naman sa pagmamahal sa kanyang mga magulang.
***
Umalis patungong Indonesia ang mahusay at kontrobersyal na direkor na si Jowee Morel (“Mga Paru-Parong Rosas (Pink Butterflies), “When A Gay Man Loves,” “Latak” at napakarami pang iba) upang gumawa ng isang natatanging dokyumentaryo tungkol sa HIV.
Umalis si Jowee kasama ang kanyang production staff na kinabibilangan nina Juniel Bajuyo, Jan Endaya at PJ Rondina.
Unang destinasyon nina Morel ang Jakarta kung saan kukuha siya ng mga imahen na nagpapakilala sa lunsod at pagkatapos ay pupunta agad sila sa Bandong Province upang doon itutok ang panayam at mga biswal sa isang biktima ng HIV.
***
Inamin ni Morel na matindi ang diskriminasyon laban sa mga taong may HIV o AIDS sa Bandong.
“Dito po talaga, binabato ng mga tao ang mga may HIV at lalo na pag may AIDS. Talagang literal na bato ang tumatama sa mga victims kaya nakakaawa sila,” pahayag ng kontrobersyal na direktor.
Kaya ang kanyang resolusyon ay gumawa ng isang obra na maghahatid ng mga positibong mensahe tungkol sa makabagong salot na ito sa kalusugan ng mundo.
“We should reorient our people about the proper treatment, especially social and psychological treatment of the disease. Kailangang compassionate ang isang tao sa pagtingin sa kaso ng HIV,” sabi ni Morel.
***
Samantala, tagumpay ang pagtatanghal ng “MYX Mo,” ang concert na inorganisa ng MYX TV para sa mga kabataan.
Matatandaan na ang MYX ang siyang matinding istasyon ng mga bagong Orihinal na Pilipinong Musika o OPM.
Ito rin ang instrumento kung paano ang mga lokal na talento tulad ng batambatang sikat na sikat sa ibang bansa na si Charice Pempengco ay lalo pang makilala sa ibayong-dagat nang dahil sa kanyang kaibang tinig na minahal ni Oprah Winfrey at Ellen de Generis, kapwa TV hostess sa dayuhang telebisyon.
Related Articles
- Masaya’t malungkot na Pasko ng mga artista
- Misteryoso nga ba ang pagkamatay ni Didith Reyes?
- Noche Buena ni Lorna sa puntod ni Rudy
- John Lloyd Cruz, nakipagbati sa kanyang discoverer at ang mahuhusay sa showbiz ayon sa Cinema One, Famas at Star Awards
- Ang kabuluhan ng 2008 Cinema One Originals Digital Film Festival
RSS
swarding pumanaw na On
swarding pumanaw na
On November 20th, 2008 Anonymous
Paglilibing kay Zorayda, paglalamay kay Tiya Dely at paglalagay sa kabaong ni tita swarding kasama si palito