News Update
Sirko bilang siklo’t simbolo
Danilo Araña Arao
NAKAKAINIP, nakakainis, nakakatawa’t
nakakaawa.
Ang ating
kinabukasa’y bolang pinagpapasa-pasahan ng mga payaso sa loob ng
sirko. Sa likod ng kanilang makulay na kasuotan ay ang kanilang
maitim na hangarin. Ang ngiti sa kanilang labi’y repleksiyon ng
kanilang pagiging ganid.
Pagmasdan ang mga
leong paikot-ikot sa bilugang tanghalan.
Mukhang mang maamo’t nirendahan para hindi makapaminsala,
mababangis pa rin sila. Pero hindi kapansin-pansin ang kanilang tunay
na ugali dahil kaya nilang magbigay-kasiyahan sa publiko. Ang
kanilang pagtalon-talon at panaka-nakang paglalakad nang dalawang paa
lang ay tunay namang nakakaaliw. Nakakatakot mang ilagay ang ulo sa
kanilang bunganga, ginagawa ito ng mga payaso dahil alam nilang hindi
sila sasakmalin ng mga ito.
Magkaiba man ang pinanggalingan – ang leon ay makapangyarihan sa kanayunan samantalang ang payaso’y madalas na nasa kalunsuran – aasahan mong hindi sila magkakabanggaan. Akala mo ba’y nasasaktan ang mga leon sa paglatigo sa kanila?
Sa bahagi ng tahimik na mamamayang nagsisilbing buhay ng isang sirko – saan pupulutin ang huli kung wala ang suporta nila? – ang kanilang pagkaaliw ay maaaring umabot sa pagkabaliw kung tuluyan silang mapaniwala sa pagiging maamo ng mga leon at sa pagiging mabait ng mga payaso.
Posibleng mangyari ang pagkawala ng sariling pag-iisip, dahil ang sirko ay planadong palabas at may layuning magbigay ng ilusyon. May sinusunod itong programa na dinidikta ng isang ringmaster (na gusto kong tawaging ringleader). Madali siyang makilala dahil isa siyang dayuhan. Interesanteng patuloy pa rin ang kanyang walang pakundangang pagtatakda sa dapat na mangyari sa loob ng tanghalan kahit na popular siyang nanalo sa halalang ginanap sa kanyang bansa kamakailan. Gaya ng maaasahan sa isang sirko, maraming nagkakaroon ng ilusyong malaki ang magiging pagbabago sa kanyang pagiging ”lider ng malayang mundo” – madalas na napapaisip ako: ”Nasaan kaya ang mundong ito?” – pero anong klaseng pagbabago ba ang mangyayari kung ang mismong hugis ng tanghalan ay nananatiling bilog?
Sa bawat pagkumpas ng dayuhang lider, bulag na sumusunod ang mga payaso’t leon. Nagmumukhang malinis ang kanilang intensiyon dahil napapatingkad ang kagandahan ang mga ilusyon. Sa bawat kalapating naglalaho dahil sa epektibong paggamit ng mahika, naririnig ang palakpakan ng mga tao, at hindi na nila iniisip kung saan napupunta ang mga ito. Kung piliin mang palitawin ang kalapati ng mga payaso, hindi na naitatanong kung saan nanggaling ito at kung bakit bali ang pakpak.
Ano na ang nangyari sa mga hindi lumitaw? Patuloy pa rin kaya ang kanilang paglipad, o tuluyan nang binawian ng buhay sa kamay ng mga payaso? Pero nakabibingi ang mga palakpaka’t hiyawan ng mga katabi kaya walang oras na mag-isip.
Heto na’ng mga leon! Hinahabol nila ang mga unanong nagtatakbuhan sa loob ng tanghalan. At dapat lang na matakot sila! Napakaliit nila kumpara sa mga dambuhala. Tinagurian ang leong ”hari ng kagubatan,” pero sa bahaging ito ng mundo, mas kilala itong makapangyarihan sa kanayunan. Aba, saan ka nakakita ng leong nakapangalan sa kanya ang kalakhan ng lupang dating pag-aari ng mga unano?
Nakangiting nagkukumpas ang ringmaster.
Naintindihan ng mga payaso ang gusto nito. Inilabas ng mga payaso ang
kanyon, at may isang “malas” na unanong ibinala rito. Sinindihan
ang mitsa. Isa. Dalawa. Tatlo. Apat. Lima!
Lumipad ang unano sa
ere at sigurado akong alam mo na ang
susunod na eksena (ilang libong unano ba ang ibinabala sa kanyon
bawat araw?): Nabutas ng ibinalang unano ang tolda at hindi na alam
kung nasaan siya. Pero patuloy pa rin ang palakpakan at hiyawan. Wala
nang pakialam ang mga tao kung sa kabilang lupalop na kinabagsakan ng
kawawang unano’y pinahihirapan siya ng bagong amo. Hindi na
mahalaga ito, dahil malaki ang naitutulong ng padalang pera sa
pamilya niyang patuloy na pinapahirapan ng mga leon at payaso at
dinidiktahan ng ringmaster.
Pero sa
patuloy na panonood mangyayari ang pagmumulat: Unti-unting mapapansin
ng manonood ang kahangalan ng pagtatanghal, partikular ang namumuong
galit ng mga inaapi. Ang bilugang tanghalan – sa wakas ay makikita
nila! – ay mekanismo ng pambibilog sa ulo ng nakararami. Tulad ng
inaasahan sa mulat at nagngangalit na mga dating tahimik na tao,
tutulong silang agawin ang bolang pinagpapasa-pasahan ng mga payaso
at, sa pamumuno ng naghihirap na maliliit na tao (na napakarami
pala!), sabay-sabay silang aalis sa sirkong matagal silang inapi’t
pinagsamantalahan.
Ang kanilang lipunan
ngayo’y walang mga ringmaster,
leon at payaso. Hindi na ito isang sirko na nagbibigay ng ilusyon ng
kasiyahan at kaayusan. Hindi na bilog ang tanghalan ng buhay. Sa
katunayan, wala nang hugis ito kahit na malinaw ang oryentasyon ng
pagkakapantay-pantay ng lahat.
Paumanhin po sa iyo
kung nawawala ka sa diskursong ito’t nalulunod sa dami ng mga
simbolo. Halika, sumama ka sa paglaban at paglabas sa sirkong naging
siklo na ng ating buhay na aba.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.
RSS