News Update
Pagtakas sa bangungot
U Z. Eliserio

Larawan ni Ben Stiller sa pelikulang Tropic Thunder, mula sa website ng naturang pelikula.
ANG POSTMODERNIDAD ay yugto ng kasaysayan, ayon kay Fredric Jameson, kung saan nabubura na ang kamalayang pangkasaysayan. Sa panahong ito, ang katotohanan tungkol sa nakaraan ay kaalaman na lamang para mga game show. “For five thousand pesos,” maiisip nating sabihin ni Edu Manzano sa Game Ka Na Ba?, “ilang Filipino ang minasaker ng mga sundalong Amerikano sa Bud Dajo sa Mindanao?”
Sa kapitalismo, hindi natin nakikita kung paanong nililikha ang komoditi. Basta nasa harap na lang natin ang hamburger o computer, parang mahika. Hindi natin alam kung kontraktuwal lang ba ang crew ng fastfood na nagluto ng ating kakainin, ayaw nating alamin kung walong-taong-gulang na bata ba ang gumawa ng suot-suot nating Nike. Maaaring sabihing ang kasalukuyang multinasyunal na kapitalismo ang pinakamalaking komoditi, at sa pagbura ng proseso ng kasaysayan inaakala nating ito'y walang hanggan.
Ang Tropic Thunder (2008) ay postmodernistang pelikula sa pagbura nito sa kasaysayan. Sinusubukan nitong maging kritisismo ng representasyon, sapagkat ito'y pelikula tungkol sa paggawa ng pelikula. Kung gayon para sana itong hamburger na kayang magkuwento kung paano ito niluto, o computer na nagsasalaysay tungkol sa mga pinagsasamantalahang manggagawang lumikha rito. Ngunit bigo ang Tropic Thunder, ang potensiyal nito'y hindi naging aktuwal.
Ang banghay: May limang artistang kasama sa produksiyon ng adapsiyon ng nobela tungkol sa isang misyon sa pakikipagdigma ng Estados Unidos sa Vietnam. Ang mga ito, sa pangunguna ni Ben Stiller bilang Tugg Speedman, ay napasabak sa tunay na labanan nang mapasok sila sa teritoryo ng mga gumagawa ng heroin. Nadakip si Stiller, nanganganib ang kanyang buhay, ngunit ano ang magagawa ng apat niyang kasama? Mga aktor sila, hindi sundalo. Sa dulo, sa ngalan ng pakikipagkaibigan at dedikasyon, nagdesisyon silang iligtas ito. At bagaman hindi sila mahusay na mga sundalo, sila'y mga artistang gumaganap bilang mahusay na sundalo, at mahusay nilang nakumpleto ang kanilang di-inaasahang misyon.
Ang orientalismo'y terminong gamit ng mga kritikong post-kolonyal para ilarawan ang mga pamamaraan ng paglalarawan, pag-iisip, pagtingin at pagsulat ng mga Kanluranin na “lumikha” sa Silangan. “Lumikha” dahil ang kanilang mga tala ay hindi naman talaga tungkol sa mga bayan sa Silangan kundi sa kanilang mga bias bilang Kanluranin. Ang Pranses na si Jean Mallat ay naglabas ng libro noong ika-19 na siglo tungkol sa Pilipinas. Dito, ipinalabas niyang kakaiba, eksotiko, weirdo ang mga pang-araw-araw na buhay ng ating mga ninuno.
Halimbawa, ganito ang paglalarawan niya sa kasal: “The parents and friends of the couple would have started a veritable orgy which extends three days after the ceremony,” ang susing salita sa akin dito'y ‘parents’. Kasama ang mga magulang sa “perpetual libations of fermented liquors, interspresed with the most obscene dances; after which they went to bed promiscuously.” Kung pagbabasehan ang kanyang libro ang mga Filipino, lumalabas, ay panay ang aksaya, laging lasing at hindi makontrol ang libog.
Sa isang talata makakaaninag ng sabay na panlalait at inggit: “The Indians are the same everywhere; in the climates which prevail where they live, they have nothing to do but to bend down to satisfy alll their needs, and as long as their activity is not stimulated by an outside constraint, they will remain incapable of progress.” Dito'y lantad ang pagbibigay lehitimasyon ni Mallat sa pananakop, kung wala ito walang pag-unlad sa buhay ng mga sinasakop. Pero maaamoy din ang kanyang pagnanasa na maging katulad ng ating mga ninuno, na hindi kailangang paghirapan ang kanilang mga pangangailangan. Bagaman hindi naman eksaktong pinupulot lang ang pagkain sa mga isla, mistulang paraiso siguro kay Mallat ang isang mundong hindi nanunuot ang elyenasyon sa bawat aspekto ng buhay.
Orientalista ang pespektibo ng mga pelikula ng Hollywood tungkol sa gera sa Silangan. Dito mararanasan ng mga Amerikano ang kanilang “rite of passage,” ang kanilang pagbabanyuhay mula bata tungo sa ganap na lalaki. Panoorin na lamang ang mga katulad ng We Were Soldiers, Forrest Gump, Full Metal Jacket. Bagaman ang Tropic Thunder ay hindi pelikula tungkol sa gera kundi pelikula tungkol sa paggawa ng pelikula tungkol sa gera, pareho pa rin ang lohika nito. Napunta si Ben Stiller at ang kanyang mga kasama sa isang bansang kalapit ng Vietnam (hindi tinukoy nang eksakto sa pelikula) at sa pakikipagdigma ay nakilala ang kanilang tunay na sarili. Ang tauhang ginampanan ni Jack Black, halimbawa, ay nagapi ang pagkaadik sa heroin. Ang tauhang ginampanan ni Brandon T. Jackson naman, pagkatapos ng kanilang karanasan ay nagawang magladlad pagbalik sa Amerika.
Ngayon, hindi ko sinasabing mabuti ang pagiging adik o masama ang pagiging bakla. Hindi ko sinasabing magnanakaw si Ben Stiller. Ang pinupuntirya ko sa pelikula'y ang pagpoposisyon nito sa Silangan bilang mapanganib, maganda at misteryosang lugar kung saan matututo ang mga Kanluranin kung paano kumilos at mag-isip bilang mature na matanda.
Ang gera, lumalabas, ay rite of passage. Para lang palang pagtutuli ang pakikidigma. Hinuhugasan ang mga krimen ng mga sundalong Amerikano! Binubura sa kasaysayan ang kanilang sistematikong panggagahasa sa mga Vietnamese (para sa karagdagang impormasyon basahin ang Against Our Will ni Susan Bronwmiller). Pagtutuli lang pala ang pagbabagsak nila ng napalm sa Vietnam! Kailangan mo lang palang pumatay ng tao para makilala ang tunay mong sarili. Mabuti ang pananakop ng ibang bansa. Tama ang ginawa ng Amerika sa Pilipinas, sa Cuba, sa Afghanistan, sa Iraq!
Ano nga ba talaga ang nangyari sa Bud Dajo?
At sino nga pala si Daniel Smith?
Ang kasaysayan ay hindi bangungot na
dapat nating takasan. Ito'y dapat nating pag-aralan, nang sa gayon
ang pagbubura nito'y hindi maging kumpleto. Nang sa gayon ang
kasalukuyan nating pighati'y hindi magiging walang hanggan. ‘Wag
natin hayaang bingihin tayo ng Tropic Thunder at iba pang
produkto ng popular na kultura sa mga hiyaw, sigaw at iyak ng mga
pinagsamantalahan noon at ngayon.
Si U Eliserio ay nagtuturo ng popular na kultura sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas. Awtor siya ng dalawang nobeleta, Sa mga Suso ng Liwanag at Di Lang Anghel.
RSS