News Update

Pag-aresto ng gobyerno ng Malaysia sa lider migrante ng Nepal kinastigo

in

Kinondena ng Migrante International ang pag-aresto ng mga awtoridad ng Malaysia sa lider migranteng si Ramesh Tufan noong Nobyembre 8, 2008.

Si Tufan na siyang puno ng Department of Foreign Affairs ng Nepal Labour Organization, isang apilyado ng IMA o International Migrants’ Alliance ay inaresto sa isang paliparan sa Malaysia matapos dumalo sa IAMR (International Assembly of Migrants and Refugees) sa Maynila noong Oktubre 28-30, 2008.

Ang IAMR ang ipinangtapat ng IMA at Migrante sa katatapos din lamang na ikalawang Global Forum on Migration and Development na pinangasiwaan ng gobyerno ng Pilipinas.

Ayon kay Garry Martinez, bagong halal na tagapangulo ng Migrante, patunay lamang ito ng mapanikil at anti-migranteng katangian ng gobyerno ng Malaysia.

“Hinihiling namin na agad na palayain si Tufan at wakasan ang paninikil ng gobyerno ng Malaysia sa mga nagtataguyod sa kapakanan ng mga migrante” sabi ni Martinez.

Binatikos din ni Martinez ang gobyerno ng Nepal dahil sa pagkunsinti nito sa pag-araesto kay Tufan.

Ayon pa kay Martinez, patunay lamang ito ng papalalang panunupil sa mga dayuhang manggagawa dahil na rin sa lumalalang pandaigdigang krisis sa kasalukuyan.

Ibinigay na halimbawa pa ni Martinez ang pag-aresto sa migranteng aktibistang si Victor Toro sa US at ang deportasyon kay Gil Lebria, isang lider ng mga migranteng Pilipino sa Kuwait.