News Update

Napipintong pagsibak ng 2,000 empleyado ng NFA tinutulan

in

Noel Sales Barcelona

NAGPROTESTA ngayong araw ang daan-daang kawani ng National Food Authority (NFA) sa harap ng Sugar Regulatory Administration para tutulan ang napipintong reorganisasyon ng ahensiya na sisibak sa mahigit 2,000 empleyado.

Diumano’y nalulugi ang NFA kaya kailangang magbawas ng redundant o sobrang mga kawani.

Pahayag ng NFA Employees Association (NFA-EA), hindi makaturangang ipasa ang kapalpakan ng mga namumuno sa NFA sa mga kawani na walang kinalaman sa pagkalugi ng ahensiya.

Duda rin si Roman Sanchez, pangulo ng NFA-EA, na layon nina Administrador Jessup Navarro ng NFA at Sek. Arthur C. Yap ng Department of Agriculture, na pahinain ang kanilang unyon na kritiko ng "palpak na mga patakaran ng NFA."

Damay sa sibakan ang mga opisyal ng unyon, aniya.

Mariing tinutulan ng NFA-EA ang pagsasapribado ng ahensiya dahil lalo umano nitong isasapanganib ang seguridad sa pagkain ng bansa sa gitna ng krisis sa bigas.

Tinututulan din nila ang NFA Decoupling Bill na inihain sa Kamara. na Layon ng panukalang batas na ipagpaubaya ito sa pribadong mga kompanya ang pag-aangkat ng bigas habang magiging facilitator na lamang ang NFA.

“Magpapasko pa naman. Karamihan sa mga kasamahan natin dito, na sa NFA lamang umaasa ng ikinabubuhay,” sabi pa ni Sanchez.

Habang isinusulat ang balitang ito, wala pang naririnig na komento mula sa administrador ng NFA at maging mula kay Yap.