News Update

Magsasaka ng Bukidnon, di nagpapatinag sa militarisasyon

Kharen Joy Zuasola

MUSUAN, Maramag, Bukidnon – Patuloy ang laban para sa kabuhayan ng mga magsasaka ng Central Mindanao University (CMU) sa kabila ng pinaigting na operasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para diumano’y durugin ang mga rebeldeng komunista.

Pero hindi lamang mga New People’s Army (NPA) ang tinutugis ng militar. Ayon sa Buffalo-Tamaraw-Limus Farmers’ Association (BTL), target ng panghaharas ng militar ang mga sibilyan, kabilang ang kanilang mga miyembro.

Banta sa buhay

Isa sa pangunahing target ng kampanyang kontra-insurhensiya ng gobyerno ang Bukidnon. Binigyan ng espesyal na atensiyon ng 4th Infantry Division ng AFP ang mga bayan ng San Fernando, Quezon, Pangantucan, Valencia at Malaybalay.

Kaagapay ng AFP sa mga operasyon ang mga miyembro ng Citizens Armed Force Geographical Unit, at Revolutionary Proletarian Army (grupong bumiyak sa NPA at lumagda ng kasunduang pangkapayapaan sa gobyerno), at Philippine National Police.

Mahigit 100 puwersang militar ang nakatalaga sa CMU simula Setyembre 2008. Pinaniniwalaang hinayaan ni Dr. Rodrigo Malunhao, OIC president ng unibersidad, na magkampo sila sa loob ng mga gusali sa kampus at pasukin ang mga komunidad ng magsasaka.

Sa isang panayam, sinabi ni Florentino Macote, tagapangulo ng BTL, na apektado ang kanilang organisasyon ng militarisasyon. Umano’y pinagbantaan ang buhay ng kanilang mga lider sa komunidad. “Nangangamba para sa kanilang kaligtasan ang aming mga miyembro dahil binabansagan kaming simpatisador ng NPA,” sabi ni Macote.

Ang BTL ay organisasyon ng tatlong organisasyong pangmagsasaka na dalawang dekada nang nakikipaglaban para manatili sa kanilang lupain sa CMU. Mayroon itong 800 miyembro.

Noong Setyembre 24, ayon kay Macote, limang sundalo ang dumating sa kanilang komunidad, nagpapanggap na mga istap ng isang non-government organization. Sa sunod na araw, nakipaglaro ang mga ito ng basketball sa mga residenteng nagpipista. Nagpakilala silang mga estudyante ng CMU at kinapanayam ang mga magsasaka.

Idineklara lamang ng mga sundalo ang tunay nilang identidad noong Oktubre 2 nang bigla silang sumama sa pulong ng organisasyon. Magkokondukta umano sila ng sensus sa erya.

Mahigit isang buwan nang nasa kampus ang militar. Sa umaga, nagkokondukta sila ng sensus. Sa gabi, rumoronda silang bitbit ang mga M16 at M203. Isinasagawa nila ang mga operasyon sa mga pangkat na may lima hanggang 14 sundalo. Anila, iniutos ito mismo ni Malunhao.

Nagbabahay-bahay ang mga militar para sa sensus. Iniinteroga nila ang mga magsasaka, at kanilang mga anak, hinggil sa kanilang trabaho, kinabibilangang mga organisasyon (gaya ng progresibong mga party-list na Bayan Muna, Gabriela, at Anakpawis), at rekrutment ng NPA o Moro Islamic Liberation Front sa erya.

Noong Oktubre 16, dalawang sundalo ang pumasok sa bahay ni Macote. Hinanap ang lider sa kanyang asawa at anak na tanging naroroon. “Nangangamba akong sumunod sa mga lider-magsasaka na pinaniniwalaang pinatay o dinukot ng militar,” ani Macote. Nangyari ang parehong tipo ng insidente sa bahay ng iba pang mga magsasaka ng BTL.

Hinanakit ni Macote, nakikibaka nang ligal ang kanilang organisasyon pero ipinipilit pa rin ng militar na sila’y mga NPA. Sarado umano ang isip ng mga ito, anuman ang kanilang paliwanag.

Pakikibaka sa kabuhayan

Ayon sa BTL, apektado ng militarisasyon ang kanilang kabuhayan. Maraming magsasaka ang hindi na makapagtrabaho sa bukid nang dahil sa takot.

Pero sinabi ni Macote na hindi tuluyang naparalisa ang kanilang organisasyon. Patuloy umano ang kanilang kampanya para sa tunay na reporma sa lupa. Kabilang sila sa mga benepisyaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program (Carp) na kinansela ng gobyerno ang Certificate of Land Ownership Award pero nanatili sa 400-ektaryang lupain dahil sa sama-samang pakikibaka.

Nagkakampanya rin ang BTL para sa pagtaas sa farmgate price ng mais, palay, at iba pang produktong agrikultural, at dagdag-na-sahod para sa mga manggagawang bukid.

Ani Macote, nakapako ang sahod ng mga manggagawang bukid sa P80 hanggang P100 kada araw, mababa sa minimum wage at daily cost of living sa rehiyon. Wala rin silang natatanggap na mga benepisyo.

Itinutulak din ng BTL ang organic farming dahil nakakalason at mahal ang kemikal na mga pataba at pestisidyo.

Patuloy na nakikipag-ugnayan ang BTL sa iba pang mga organisasyong pangmagsasaka sa probinsya. Malaking bagay para sa mga magsasaka ang pagtatayo ng mga asosasyon at pakikipagnegosasyon sa mga panginoong may-lupa, sabi ni Macote.

Dayuhang interes

Kinokondena rin ng BTL ang pagpasok at pagpapalawak sa probinsya ng mga plantasyong agrikultural at korporasyon ng pagmimina.

Ayon kay Bryan Magadan, deputy secretary general ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) – Bukidnon, pinapaboran ng gobyerno ang interes ng mga korporasyon mula sa kapitalistang mga bansang US, Japan, at China.

Dahil umano sa mga kasunduang pang-ekonomiya na pinirmahan ni Pangulong Arroyo gaya ng Japan Philippines Economic Partnership Agreement (Jpepa), lalala ang “pangangamkam at palit-gamit ng lupa.”

Naniniwala ang Bayan – Bukidnon na interesado ang mga dayuhan sa Mindanao, partikular sa probinsiyang ito, para makapagtayo ng mga plantasyon ng pinya, palm oil, saging, tubo, at jathropa na kinakailangan ng kanilang mga industriya.

Mahigit 120,000 ektarya na sa Bukidnon ang pagmamay-ari ng dayuhang mga korporasyon.

May 200,000 ektarya sa Pantaron Range, bulubundikin sa hangganan ng Bukidnon at Agusan del Sur, ang minimina ng mga kompanya gaya ng Bonaventure, Assissi Mining, at St. Ignatius Mining.

Sa CMU, mahigit 10 ektarya na ang tinaniman ng jathropa. May 80,000 ektarya pang tinatarget sa mga bayan ng Wao at Talakag.

“Ang pagpapalayas ng BTL mula sa kanilang lupain sa CMU, gaya ng pagpapalayas ng iba pang magsasaka at lumad sa probinsya, ay collateral damage sa paghabol sa tubo ng mga kapitalista,” sabi ni Magadan.

Walang atrasan

Sinabi ni Macote na walang ibang paraan para mabuhay kundi ang lumaban. Tanggapin man nila ngayon ang iniaalok na pera ng CMU para lisanin ang kanilang lupain, wala silang lupaing aariin saan man sila magpunta.

“Walang atrasan!” aniya, nang nakangiti pa rin.


Si Kharen Joy Zuasola ay pangkalahatang kalihim ng National Union of Students of the Philippines - Bukidnon. Isinalin ng Pinoy Weekly ang artikulo mula sa orihinal na Ingles.