News Update
Boykot sa Globe Telecom inihahanda ng mga OFW
INIHAYAG ng Migrante International na inihahanda ng kanilang kasaping mga organisasyon ng OFW (overseas Filipino worker) sa 22 bansa ang bokyot sa lahat ng mga produkto ng Globe Telecom bilang simbolikong protesta sa pagkakaso ng kompanya sa mga lider na nagtataguyod umano sa karapatan ng mga migrante.
"Nagalit ang Migrante sa Globe dahil nakipagkutsabahan ito sa gobyernong Arroyo sa pag-iimbento ng kasong arson, destruction of property at conspiracy to commit rebellion laban kay Atty. Remigio Saladero Jr. at 26 pang iba kabilang sina Bayani Cambonero, founding member ng Migrante-Southern Tagalog, at Frances Tolentino, coordinator ng Migrante Party-list noong 2004,” ani Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante.
Kaugnay diumano ang mga kaso ng panununog ng cell site ng Globe sa Lemery, Batangas noong Agosto 2, 2008.
Si Atty. Saladero ay "tagapagtaguyod ng karapatan ng mga unyonista at mga OFW na namomroblema," at humahawak ng mga kaso ng illegal recruitment at paglabag sa labor contract, ayon pa kay Martinez.
"Nakakalungkot na ang Globe, na nakikinabang sa mga OFW, ay kasangkapan pa sa tumitinding pampulitikang persekusyon ng gobyernong Arroyo sa mga aktibista," dagdag pa niya.
Nanawagan ang Migrante International sa mga OFW na ipanawagan ang pagpapalaya kay Saladero at pagbasura ng mga kaso laban kay Cambronero, Tolentino, at iba pang mga akusado.
Ilang-Ilang Quijano
RSS