News Update
Apela ni GMA para sa OFW na nasa death row, pinuna ng Migrante
Soliman A. Santos
NAGPAHAYAG ng pagkabahala ang Migrante International sa apela ni Pangulong Arroyo sa prinsipe ng Saudi Arabia para mapababa ang sentensiya ng mga OFW (overseas Filipino workers) na nasa death row sa halip na igiit ang isyu na tinortyur umano ang naturang mga OFW para umamin sa krimen na hindi naman nila ginawa.
“Ang paghingi ng komutasyon ay para na ring pag-amin na sila nga ang gumawa ng krimen. Pero iginigiit ng magkapatid na Gonzales at ni Arcilla na wala silang kasalanan” sabi ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante.
Sinabi pa ni Martinez na magandang pagkakataon sana ang pagbisita ni Pangulong Arroyo para ipahayag ang pagkabahala ng gobyerno ng Pilipinas hinggil sa paggamit ng tortyur sa mga OFW na inaakusahan.
“Ipinakita lamang ni Pangulong Arroyo ang kanyang kawalang-muwang sa kaso at kawalan ng pakialam sa hinaing ng mga biktima. Mas maganda sana kung umapela siya na repasuhin ang kaso para matiyak na inosente ang mga OFW na ito sa mga kasong ipinaparatang sa kanila,” ani Martinez.
Idinagdag ni Martinez na hindi lamang ito ang pagkakataon na nakatanggap sila ng reklamo ng pagtortyur sa mga OFW. Ibinigay halimbawa niya ang kaso ni Joselito Alejo na nahatulang mapugutan ng ulo noong 2001. Bandang huli, napatunayang inosente si Alejo nang muling imbestigahan ang kanyang kaso.
“Paulit-ulit na sinasabi sa amin ni Edison Gonzales, isa sa tatlong OFW na nasa death row sa Saudi Arabia, na tinortyur sila para umamin. Hanggang sa ngayon, iginigiit nila na hindi nila pinatay ang mga kapwa Pilipinong sina Romeo Lumbang, Jeremias Bucud at Dante Rivero," sabi ni Martinez.
Binatikos din ng Migrante ang patse-patseng pagresolba ng gobyerno sa usapin ng mga OFW na nasa death row. Anila, dapat dalhin ng gobyerno ang lahat ng 11 kaso ng OFW na nasa death row sa Saudi Arabia.
Ayon sa grupo, anim na OFW na ang naparusahan ng kamatayan sa naturang kaharian mula noong 2001. Kabilang dito sina Antonio Alvesa, Sergio Aldana, Miguel Fernandez, Wilfredo Bautista, Reynaldo Cortez at Jenifer Beduya.
“Dapat agaran at lahatan ang aksiyon ng Pangulo. Umuusad ang oras at ayaw natin ng isa pang Jennifer Beduya na mahatulan ng kamatayan dahil lamang sa kapabayaan,” sabi ni Martinez.
RSS