News Update
Umamin na raw si John Wayne Sace sa Star Magic, nakabuntis siya
Boy Villasanta
PUERTO PRINCESA, Palawan—Sinabi ng magandang lady broadcaster na si Ruth Rodriguez ng DYPR sa lungsod na ito na siya ay vindicated sa kanyang pagpupunyagi na maihatid ang katotohanan sa publiko ito man ay personal o pansarili.
“Yehheeeyyyy!” pahayag ni Rodriguez na nagbubunyi.
“Nag-text po kasi si Tito Ed (Edgar Cruz, isang movie reporter) sa akin. Nakipag-usap na raw si John Wayne sa Star Magic at nagtapat na siya na nakabuntis siya. ‘Yon ang sabi ni Tito Ed,” pahayag ni Ruth sa isang eksklusibong panayam sa Palawan Radio na nagdiriwang ng ika-42 taong anibersaryo ng media outlet.
“Magsasabi ba naman ako ng kasinungalingan. Hindi ko ugali ‘yon,” dagdag ng komentarista.
***
“At lumipat na rin ng bahay si John
Wayne,” pagtatapat ng lady announcer na kaibigan ng kaibigan
ni Sace.
Umalis na ang batang aktor sa bahay na nasa likod ng
tindahan ni Juanita Calzado, ang matandang babaing tumangging
magkomento tungkol sa isyu na may itinatagong babaing buntis si John
Wayne.
Nakadalawang buwan din sina John Wayne at ang kanyang mga magulang sa bahay na nasa may iskinitang nasa gilid at tapat ng pagawaan ng lapida.
Tatlong libong piso ani Aling Anita ang renta sa bahay nina John Wayne.
***
Samantala, ipinagbigay-alam ni Rodriguez na lumuwas muna sandali si John Wayne pa-Maynila para makapagtrabaho sa taping o shooting.
Matatandaan na nagsimula siya sa pelikula sa pamamagitan ng Dekada ‘70 ni Chito Roño bilang anak na bunso nina Vilma Santos at Christopher de Leon.
Naging kapartner din ni Sace si Maja Salvador sa mga teleserye ng ABS-CBN.
Iniwan muna ng aktor si Cheche, ang babaing buntis na laging kasama ni John Wayne.
***
Samantala, sa siyudad ring ito idinaos ang swimsuit competition ng ika-8 Miss Earth.
Bagamat hindi ipinahayag ang nagwagi dahil sa pinakaaraw ng kompetisyon ito ipapahayag, nagbigay naman si Puerto Princesa City Mayor Edward Hagedorn ng isang libong dolyar sa isa sa mga contestant ng paligsahan ng magaganda sa buong mundo.
Si Miss Canada, Denise Garrido, isang dalawampu’t isang taong gulang na mula sa Bradford, Canada ang nagwagi bilang Miss Puerto Princesa City.
***
Nobenta y uno ang mga kalahok na nanggaling pa sa iba’t ibang bansa sa buong daigdig na maglalaban-laban sa Miss Earth 2008 na gaganapin sa ika-9 ng Nobyembre, 2008 sa Clark Expo Amphitheater sa Angeles City.
Si Karla Paula Henry ng Cebu City ang kinatawan ng Pilipinas sa timpalak na ito na naglalayong pangalagaan ang kapiligiran at kalikasan sa pamamagitan ng kampanya ng mga beauty queen.
Kokoronahan ni Miss Earth 2007 na si Jessica Nicole Trisko ng Canada ang mananalong reyna ng mundo na papalit sa kanyang trono.
***
Nag-motorcade pa anglahat ng mga kinatawan ng mga bansa sa Miss Earth 2008 sa buong siyudad.
Nagkasabay nga ang mga Miss Earth 2008 sa eroplano at ang aktres na si Angelica Jones.
Maraming eksena ang nangyari. Kasabay rin ng mga contestant at ni Angie sa Cebu Pacific ang peryodistang pampelikula na si Mario V. Dumaual.
Nang lumapag na sa paliparan ng lunsod na ito ang eroplano, ipinakilala ni Mario si Angelica sa mga kalahok.
At alam ba ninyo ang ginawa ng mga dayuhang reyna ng kagandahan, nagpalitrato sila kay Angelica nang sabihin ni Dumaual na artista sa Pilipinas si Jones.
***
Ang Miss Colombia ang agresibong nakipag-usap kay Angelica. “Marunong siyang mag-Ingles kaya hindi ako nahirapan. Kuwento siya nang kuwento. Ang dami pang mga contestant na nanghihingi ng email ad ko at naghihingian talaga kami,” kuwento ni Angelica na sabik na sabik.
Paborito ni Jones si Miss Colombia at nalaman na ng aktres na may kasintahan na ang Latina.
Nang sabihin ni Dumaual kay Angelica na kantahan niya ang mga Espanyola ng Spanish song, ang tanging nakanta lang niya ay isang salita, ang “besame…”
“Pero talagang ang ganda ni Miss Colombia,” sabi ni Angelica.
***
Kinagabihan naman ay naging mahalaga at importante ang papel na ginagampanan ni Angelica para sa nutrisyon. Siya ang napili ng Work in Progress Media Productions bilang tagapagbigay ng aliw sa madla.
'Yon muna ang kanyang inakalang papel pero nang magsimula na siyang mag-guest sa radyo ay nasimulan na niyang makapagbigay ng mga impormasyon tungkol sa tamang pagkain at kalusugan.
Pagkanta at pagsayaw ang mga pangunahing katangian ni Angie na kanyang ipinakita sa Mendoza People’s Park sa puso ng siyudad na ito.
Sorpresa ang paglilintaya ni Angelica ng mga bagay na kanyang sinasandigan para sa malusog na buhay.
***
“Lagi po akong umiinom ng ce. Kumakain ako ng mga gulay at prutas kaya naman nagagandahan ako sa aking kutis. Tapos, marami akong nakakain na vitamins and minerals. ‘Yan ang mahalaga.
“Alam ba ninyo na mahilig akong kumain ng kalabasa?” tanong na sagot din ng aktres.
“Nag-i-exercise din po ako nang regular. Kailangang pawisan nang todo ang isang tao para maganda ang flow ng kanyang dugo at para mawala ang mga bad cholesterol at uric acid.
“Gusto ko po ang program ninyo na ‘Wastong Nutrisyon: Alamin, Gawin at Palagapin.’ Kaya nga pinapupurihan ko sa Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa kanyang project na ito,” pahayag ni Angelica.
***
Kasama ni Jones sa parada pa lang ang mahusay na komedyanteng si Inday Garutay na lingid sa ating kaalaman ay may malalim at may malawak na pagtingin sa buhay.
Ngayong nakapagpundar na siya ay nagpagawa siya ng isang gymnasium sa may panulukan ng Aurora Boulevard at Santol sa may Sta. Mesa, Maynila.
“Healthy lifestyle po ako dahil may gym ako. Ako rin ang nagtuturo,” pahayag ni Inday na impersonator ni Inday Badiday.
“Kailangang masusustansiyang pagkain ang kainin natin,” pagkumbinsi ni Garutay na Christopher Borja sa tunay na buhay, lalaking-lalaki ang pangalan subalit tumitilamsik ang kanyang mga daliri.
Pinagkaguluhan sa Mendoza Park at sa lansangan si Angelica at Inday. Kilalang-kilala na sila sa buong Pilipinas.
***
Patuloy ang “Jowee Morel Film Marathon” sa UP Diliman Videotheque at tatlong magagandang pelikula ang kasama sa retro, ang Mga Paru-Parong Rosas (Pink Butterflies), When A Gay Man Loves at Latak ng Outline Films.
Pero pinakaaabangan ay ang Moving Dreams na kasaysayan ng pagdidirek ni Morel sa pelikula.
Itinataghal ang mga obra mula alas kuwatro ng hapon hanggang alas siyete ng gabi.
Go na kayo!
Related Articles
- Masaya’t malungkot na Pasko ng mga artista
- Misteryoso nga ba ang pagkamatay ni Didith Reyes?
- Noche Buena ni Lorna sa puntod ni Rudy
- John Lloyd Cruz, nakipagbati sa kanyang discoverer at ang mahuhusay sa showbiz ayon sa Cinema One, Famas at Star Awards
- Ang kabuluhan ng 2008 Cinema One Originals Digital Film Festival
RSS