News Update
Pulitiko tumataya laban kay Pacman
SA GITNA ng hina-hinala na pera-pera lamang ang nakatakdang paghaharap nina World Boxing Council lightweight champion Manny Pacquiao at Oscar dela Hoya sa darating na Disyembre, marami na ang nagkalat na kesyo-kesyo - na maaaring manalo ang Pambansang Kamao, o magulpi ni Golden Boy.
Umakyat ng umakyat ng timbang si Pacquiao upang mapanalunan ang korona ng WBO lightweight division ilang buwan na ang nakakaraan. Matapos ay marami nang inihanay na pangalan upang sunod na makakatunggali ng Pinoy na kampeon.
Hanggang humantong sa isang desisyong si Dela Hoya na nga ang kakalabanin niya, para umano sa huling laban ng premyado ring boksingero.
Kumpara kay Dela Hoya, na natural na malaki at mabigat ang timbang, nasa dehado si Pacquiao, na nanggaling sa mababang timbang. Tinitignan ng ilang kampo na ang ipinakita ni Pacquiao laban sa natural na lightweight na si David Diaz - kung saan niya napanalunan ang korona ng lightweight - ang magsisilbing susi upang matalo ang isa nang icon ng boksing. Ngunit taliwas naman ito sa mas nakararaming nagkomento na mahihirapan si Pacquiao kay Dela Hoya.
Malinaw sa umpisa pa lamang ng negosasyon para sa magiging laban na pera lamang ang habol ng magkabilang kampo sa magiging salpukan. Ngunit dehado pa rin ang Pambansang Kamao sa usaping hatian ng malilikom na salapi. Sa ilang pagtantiya, may nakikinita nang senaryo na 70-30 ang itinatayang magiging hatian ng dalawang boksingero sa magiging kita ng kanilang paghaharap.
At sa pinakahuling mga pagpapasiklab ng salita ukol sa kanilang pananaw para sa laban, nagpahayag si Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, sa isinagawang budget hearing para sa Games and Amusement Board (GAB), na matatalo si Pacquiao sa tinaguriang Golden Boy ng boksing.
"He is going to be pulverized there. I believe he has no chance at all. Pacquiao will be destroyed by Dela Hoya, (Pupulbusin siya roon. Naniniwala akong wala siyang (Pacquaio) tsansa doon. Dudurugin si Pacquiao ni Dela Hoya" ani Rodriguez, ayon sa website ng House of Representatives.
Isa ang Kongresista sa marami na ang pananaw ay pera-pera lamang ang laban at hindi sa prestihiyo na maging kampeon o anupaman. "The way I see it, this is only money for Manny Pacquiao (Sa nakikita ko, ito ay para lamang sa pera para kay Manny Pacquiao)," pahayag niya.
Naghain rin ng isang resolusyon ang GAB sa ilalim ng pamunuan ni Eric Buhain na lumalaban kontra sa magiging laban. "Alam po naman natin Pacquiao is a national treasure and we want to ensure his safety," ang saad ng GAB Chaiman.
Sinabi ni Buhain na ang resolusyon ay ipinadala na sa nangangasiwa kay Pacquiao maging sa mga international boxing bodies tulad ng World Boxing Council, World Boxing Association, International Boxing Federation at ang World Boxing Organization. Ngunit aminado siya na hindi kaya ng GAB na pahintuin ang laban dahil gaganapin ito sa US.
Pinayagan na ng Nevada Boxing Commission na ituloy ang laban sa Disyembre 6.
Darius Galang
RSS