News Update

Polisiya ng DOH hinggil sa breastfeeding hinihintay

in

Ilang-Ilang Quijano

SINISI ng isang NGO (non-governmental organization) na nagtataguyod sa karapatan ng mga bata ang mahinang polisiya ng gobyerno sa breastfeeding sa pagiging bulnerable ng mga batang Pilipino sa melamine, kemikal na lasong natagpuan sa milk products mula sa Tsina.

"Nakakaalarma na sa iba't ibang sektor ng lipunan ang melamine scare. Naniniwala kaming mas maliit ang panganib nito sa mga sanggol mula anim hanggang 24 na buwan kung itinulak ng gobyerno ang exclusive breastfeeding para sa mga ito," ani Madella Santiago, project officer ng Association for the Rights of Children in Southeast Asia o Arcsea.

Sinabi ni Santiago na dapat magkaroon ng mas aktibong hakbang ang DOH (Department of Health) para mapigilan ang potensiyal na pagkalason ng libu-libong sanggol.

"Naghihintay pa kami ng pahayag sa DOH na itinataguyod ang breastmilk, sa halip na artificial milk," aniya.

Sinabi pa ng Arcsea na karapatan ng bawat bata na "maprotektahan laban sa mga kapitalista na gagawin ang lahat, kahit maglagay ng nakalalasong kemikal sa pagkain, para kumita."

Nanawagan din ang grupo ng pag-aamyenda sa Milk Code para malimitahan ang mapanlinlang na mga patalastas hinggil sa artificial milk.