News Update

Pagsunod sa 'due process'

Atty. Remigio Saladero Jr.

SA PAGTANGGAL sa isang manggagawa, kailangan may sapat na batayan ang manedsment. Kung tinanggal ang isang manggagawa nang walang sapat na batayan, labag sa batas ang pagtatanggal na ito. Dapat siyang ibalik ng manedsment sa kanyang trabaho at babayaran pa siya ng backwages.

Paano ngayon kung may sapat na dahilan ang manedsment para tanggalin ang isang manggagawa? Maari bang tanggalin kaagad ang manggagawa?

Ang sagot ay hindi. Kailangan munang hingan ng manedsment ng paliwanag ang manggagawa tungkol sa pagkakasalang binibintang sa kanya. Dapat ay bigyan niya ng sapat na panahon ang manggagawa upang mapaliwanag ang akusasyon laban dito. Pagkatapos, kailangang magsagawa ng isang pormal na pagdinig (hearing) ang manedsment upang maipaliwanag ng manggagawa ang bintang laban sa kanya.

Pagkatapos ay pag-aaralan ng manesdment ang paliwanag at iba pang ebidensiyang pinakita ng manggagawa. Kung sa tingin ng manedsment ay dapat talagang tanggalin ang manggagawa, kailangan itong pormal na ipaalam sa manggagawa sa pamagitan ng isang liham. Sa madaling sabi, dapat bigyan ng manedsment ng due process ang manggagawa. Kapag nilabag ng manedsment ang prosesong ito, magbabayad siya ng danyos sa manggagawa.

Muling inulit ng Korte Suprema ang mga alituntuning ito sa kasong "Reynaldo Agullano vs. Christian Publishing and Catalina Pizarro" , G.R. No. 164850 na dinesisyunan ng Korte Suprema nito lamang Setyembre 25, 2008.

Sa nasabing kaso, isang printing manager sa isang kompanya na gumagawa ng libro itong si Reynaldo. Bahagi ng kanyang trabaho ang dumalo sa mga pagpupulong sa labas kung saan kailangan ang pagdalo ng kompanya .

Isang araw, hindi nadaluhan ni Reynaldo ang isang pre-bidding meeting sa Dept. of Education kung saan dapat nandoon ang kompanya. Noong araw ding iyon ay absent rin siya sa pagpupulong ng samahan ng mga printing company kung saan kasapi ang kompanya.

Pinadalhan ng human resource department (HRD) ng memorandum itong si Reynaldo na pinapasagot sa loob ng 24 oras kung bakit hindi siya nakadalo sa mga meeting. Gumawa naman ng sagot si Reynaldo na humihingi ng paumanhin sa pag-absent sa nasabing meeting. Nagbaba ng memorandum ang HRD na tanggal na si Reynaldo dahil sa madalas nito na pagpapabaya sa trabaho.

Nagdemanda ng illegal dismissal si Reynaldo. Nanalo siya sa Labor Arbiter at inutos nitong ibalik siya sa kanyang trabaho at bayaran ng backwages. Nag-apela sa National Labor Relations Commission (NLRC) ang manedsment ngunit ganoon pa rin ang desisyon. Umakyat sa Court of Appeals ang manedsment. Biglang nabago ang desisyon at sinabing ayon sa batas ang pagkatanggal kay Reynaldo. Napilitang dalhin ni Reynaldo sa Korte Suprema ang kaso.

Napatunayan ng Korte Suprema na naging pabaya nga si Reynaldo sa kanyang trabaho. Kaya may katuwiran ang manedsment sa ginawang pagtanggal sa kanya at hindi siya dapat pabalikin sa kanyang trabaho at bayaran ng backwages.
Ngunit nabigyan ba siya ng due process ng manedsment sa pagtanggal sa kanya?
Hindi, sabi ng Korte Suprema. Totoong may unang menorandum na binigay ang manedsment ngunit hindi ito nagsagawa ng hearing o pagdidinig upang mapaliwanag ni Reynaldo ang kanyang panig. Hindi rin sapat ang panahon na binigay ng manedsment kay Reynaldo upang makapagpaliwanag. 24 oras lamang ito at ayon sa Korte Suprema ay kulang na kulang ito. Pangatlo, hindi nakasaad sa memorandum ng manedsment kay Reynaldo na inaakusahan ito ng paglabag sa patakaran ng kompanya. Ang dating ng memorandum ay pinapaliwanag lamang si Reynaldo.

Dahil dito, dapat bayaran ng danyos ng kompanya si Reynaldo sa halagang P30,000.00, pagtatapos ng Korte Suprema.

Kaya kapag kayo'y tinatanggal, mga mambabasa, busisiing mabuti kung nakasunod ba ang manedsment sa patakaran tungkol sa due process. Maaring makakuha pa tayo ng danyos kapag nakalimutan niya ang bagay na ito.