News Update

Manggagawa umalma sa 'pagkampi' ni GMA sa malalaking negosyo

in

Darius Galang

IWAKSI ang pambubusabos sa mga manggagawa ng malalaking negosyo.

Ito panawagan ng grupong KMU o Kilusang Mayo Uno sa patuloy na pagharang ni Pangulong Arroyo sa P125 dagdag-na-sahod para sa mga manggagawa.

Nagpiket ang daan-daang miyembro ng grupo sa harap ng Senado noong Oktubre 7 para igiit ang kagyat na pagsasabatas ng nasabing panukala.

Kamakailan, nagpahayag si Pangulong Gloria Arroyo na pipigilan ng gobyerno ang pagtataas ng sahod ng mga manggagawa sa gitna ng lumalalang pandaigdigang krisis pang-ekonomiya.

"Nagpapawis kami para sa aming mga employer pero tumatanggi silang bumawas mula sa kanilang limpak-limpak na salapi para dagdagan nang kahit kaunti ang aming nakalulunos na sahod," ayon sa KMU.

Binatikos pa ng grupo ang fiscal measures ng gobyernong Arroyo para isalba umano ang ekonomiya ng bansa, gaya ng pangongolekta ng VAT (Value-Added Tax) at pag-eengganyo ng dayuhang pamumuhunan.

Anila, "hindi napupunta sa batayang mga serbisyong panlipunan ang VAT" at "patitindihin ng dayuhang pamumuhunan ang pagsasamantala ng lakas-paggawa at likas-yaman ng bansa."