News Update

Jpepa niratipika ng Senado: Parang 'magnanakaw sa gabi,' ayon sa No Deal! Movement

in

Ilang-Ilang Quijano

PARANG "magnanakaw sa gabi" na niratipika ng Senado pasado alas-onse ng gabi noong Oktubre 8 ang Jpepa (Japan-Philippines Economic Partnership Agreement) sa botong 16-4.

Kabilang sina Sen. Edgardo Angara, Rodolfo Biazon, Alan Peter Cayetano, Miriam Defensor- Santiago, Jose "Jinggoy" Estrada, Juan Ponce Enrile, Gregorio Honasan, Panfilo Lacson, Loren Legarda, Ramon Revilla Jr, Manuel Roxas II, Juan Miguel Zubiri, Manuel Villar Jr., at Manuel Lapid sa mga pumabor sa Senate Resolution 555 para sa ratipikasyon ng kontrobersiyal na kasunduang pinirmahan ni Pangulong Arroyo noong 2006.

Kumontra naman dito sina Aquilino Pimentel Jr., Ana Consuelo "Jamby" Madrigal, Benigno "Noynoy" Aquino, at Francis Escudero.

Ayon kay Arnold Padilla, tagapagsalita ng No Deal! Movement, "Parang mga magnanakaw sa gabi, ninakaw nina Santiago, Roxas, at iba pang senador na pro-Jpepa ang soberanya at patrimonya ng mamamayang Pilipino." (Like a thief in the night, Santiago, Roxas, and other pro-Jpepa senators have robbed the Filipino people of our sovereignty and patrimony.)

Sinabi ng grupo na kukuwestiyunin nila sa Korte Suprema ang Jpepa, na ipinagkakaloob sa mga dayuhang Hapon ang iba't ibang pribilehiyo na umano'y labag sa 1987 Konstitusyon.

Anila pa, dapat managot ang mga senador na pro-Jpepa sa pag-aapruba ng kasunduang "ilegal" at "kontra-Pilipino."

Sa isang pahayag, sinabi ni Roxas, co-sponsor ng panukala, na napapanahon sa kasalukuyang pandaigdigang krisis pang-ekonomiya ang pagpasa sa Jpepa.

"Kailangang manatili ang ating competitiveness sa mga kapitbahay nating bansa sa Asean, na may kani-kaniyang kasunduang pang-ekonomiya sa Japan," aniya.

Pero sa talumpati ni Aquino, na bumoto kontra sa Jpepa, sinabi nitong "mas maraming disbentahe" ang kasunduan para sa Pilipinas kaysa sa "inaasam-asam na mga benepisyo."

"Ibinigay natin ang halos lahat at nagkasya sa status quo bilang benepisyo," (We gave away practically everything and instead settled for maintaining the status quo as our sole benefit) ani Aquino.

Sa ilalim ng Jpepa, pinanatili umano ng Japan ang proteksiyon sa mga produktong agrikultural nito habang halos walang proteksiyon ang mga produktong Pilipino.