News Update
Huwag ka lang sanang magsulat
Danilo Araña Arao
KAHIT na marunong
kang bumasa, kaya mo bang umintindi? Nakakakita ka nga pero
nagmamasid ka ba? Ang nasa utak mo ba’y produkto ng malalimang
pag-iisip? Ang iyo bang panulat ay kayang magmulat?
Ipagpaumanhin po ang
tendensiyang maging matalinghaga, pero ganito ang epekto ng
kasalukuyang sitwasyon sa akin. Parating may hiwagang kaakibat ang
malalimang pagsusuri ng pagkakaugnay-ugnay ng mga bagay-bagay –
isang pangunahing tungkulin ng peryodista, lalo na ng isang
kolumnista.
Bakit may hiwaga? Magbigay tayo ng tatlong halimbawa.
Una: Isang malaking
misteryo kung bakit nagbago ng isip ang isang retiradong pulis na
magpunta sa Senado para ipaliwanag kung bakit nahulihan siya ng
malaking pera sa Rusya at hindi niya ito idineklara. Hindi ko rin
maubos-maisip kung bakit hindi alam ng mismong pinuno ng kapulisan
kung saan nanggaling ang perang hawak ng retiradong pulis na ito;
hindi naman daw galing sa bangko at hindi niya pinayagan ang
pagdadala ng ganoon kalaking halaga.
Ikalawa: Nakatakdang
bumalik sa Pilipinas ang isang dating mataas na opisyal ng gobyernong
nasangkot sa isang multi-milyong anomalya dahil hindi inaprubahan ng
Estados Unidos ang aplikasyon niya para sa political
asylum. Kahit sabihing sibilyan na
siya’t wala nang koneksiyon sa administrasyong Macapagal-Arroyo,
nagtataka ka ba sa pahayag ng isang miyembro ng Gabinete na
ipapasailalim muna sa debriefing
ang taong ito kaya baka manatili siya sa kalinga ng gobyerno sa loob
ng isa o dalawang araw? Mabilis ding sinabi ng opisyal na itong wala
nang bisa ang warrant of arrest
na ipinalabas ng Senado noon dahil matagal na raw tapos ang
imbestigasyon nito.
Ikatlo: Isang
beteranong labor lawyer
ang inaresto kamakailan dahil sa salang multiple
murder. Kung isasakonteksto sa
napakaraming kaso ng pulitikal na pamamaslang at pagdukot, bukod sa
iba’t ibang porma ng intimidasyon sa mga kritikal sa gobyerno,
hindi masisisi ang mga militanteng grupo sa panawagan nitong
mag-ingat ang lahat
(miyembro man o hindi) dahil may panibago na namang serye ng
pag-atake sa hanay nila. Ang nakapagtataka lang: Bakit nananatiling
walang pakundangan ang mga nasa kapangyarihan, lalo na ang mga pulis
at sundalo, sa pagpapatahimik (permanente man o hindi) sa mga patuloy
na tumutuligsa sa pamahalaan? Sa kabila ng mga batikos na nakuha ng
pamahalaan mula sa mga lokal at pandaigdigang organisasyon, patuloy
pa rin ang mga pulitikal na pamamaslang at pagdukot. Ang paglabag sa
karapatang pantao ay umaabot din sa hanay ng midya, dahil marami na
ring peryodista ang tinakot, dinemanda, ipinakulong at pinatay mula
nang manungkulan si Macapagal-Arroyo noong 2001.
Aaminin kong sa
simula lang naman ang hiwaga’t pagtataka, dahil makikita naman ang
pagkakaugnay-ugnay sa matamang pag-iisip at pagsasakonteksto ng mga
isyu. Ang simpleng paliwanag sa mga tanong ay ang patuloy na
pagtatakip at pagsisinungaling ng mga nasa
kapangyarihan hinggil sa napakaraming katiwalian. Ang unang dalawang
halimbawa’y nagpapakita ng korupsiyon, samantalang ang huli’y
nagpapakita ng pasismo (wala nang iba pang terminong magpapaliwanag
sa malawakang pagpatay sa mga aktibista’t peryodista!).
Pero sa huling
pagsusuri, ang malawakang pag-abuso sa kapangyarihan ay simpleng
paliwanag sa tatlong halimbawang nabanggit. Malinaw ang intensiyon ng
mga opisyal na samantalahin ang pagkakataon habang nasa kapangyarihan
pa sila, sa porma man ng pagpapayaman sa sarili o paglikida sa mga
tinitingnan nitong kaaway.
Ang kadalasang
aroganteng tono ng mga nasa kapangyarihan ay repleksiyon lang ng
kanilang hindi-masukat na kapangyarihan sa ating lahat,
at alam na alam nila ang katotohanang ito. (Natatandaan mo pa ba ang
pahayag ng isang opisyal na kay Jesus Christ na lang mag-apila ang
magulang na tutol sa pagpapalaya sa pumatay sa anak nila?).
Malinaw na ang mga
komplikadong paliwanag ng mga nasa kapangyarihan ay may layunin lang
na hindi maintindihan ng mamamayan ang mga isyung mayroon namang
simpleng paliwanag. Kapag sinasabi nilang hindi magkakaugnay ang mga
isyu at dapat tratuhin ang mga ito bilang mga hiwalay na insidente,
iniiwasan lang nila ang pagsasakonteksto ng kasalukuyang kalagayan.
Sa sobrang dami ng
isyung dapat talakayin, talagang hindi ka
mawawalan ng paksang tatalakayin kung gusto mong seryosohin ang
pagsusulat. At kung mahusay kang manunulat, malamang na maraming
maeengganyong sumulat din ng sarili nilang mga artikulo.
Pero sana’y hindi
ka lang makontento sa pagsusulat, bagama’t importanteng gawain
ito’t kaya nitong makapagmulat.
Walang pong
masama sa pagsama sa mga kilos-protesta. Sa panahong ito, maaaring
sabihing ang paglahok sa mga ito ay tanda ng iyong pagiging
responsableng mamamayan kahit na, sa pamantayan ng mga nasa
kapangyarihan, ikaw ay tataguriang aktibistang dapat na takutin o
permanenteng patahimikin.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.
RSS