News Update

Gobyernong Arroyo ‘ipokrito’ sa paghingi ng public apology sa BBC

in

KASUKLAM-SUKLAM, ayon sa grupong Gabriela, ang pagiging iprokrito ng gobyernong Arroyo sa paghingi ng public apology mula sa BBC (British Broadcasting Company) hinggil sa umano’y rasista at malaswang pagsasalarawan ng mga Pinay bilang mga domestic helper sa comedy show na Harry and Paul.

“Humihingi ng public apology ang gobyernong Arroyo mula sa BBC dahil hindi dahil gusto nitong depensahan ang dignidad ng mga Pilipino kundi depensahan ang labor export policy lalo dahil host ang gobyerno sa nalalapit na Global Forum on Migration and Development,” sabi ni Emmi de Jesus, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Sinabi ng grupo na hindi nagpakita ng pagmamalaskit ang gobyernong Arroyo kay Grace, OFW (Overseas Filipino Worker) na ginahasa sa Kuwait kamakailan na tinaggahan umano ng tulong ng embahada. Hindi rin umano nagprotesta ang gobyerno nang ginahasa ng sundalong Kano si Hazel sa Okinawa, Japan noong Pebrero ngayong taon.

“Dapat maalarma at magalit ang bawat Pilipino…hindi ito ang unang pagkakataon na nabibiktima ang OFWs ng rasistang pagsasalarawan at komento. Hindi ito ang huling pagkakataon. Sa huli, mananagot ang gobyerno dahil sa patuloy na pagluluwas nito ng mga Pinay bilang mga komoditi kapalit ng mga dolyar,” ani de Jesus.

Samantala, sinabi ng Migrante International na lalong nagiging bulnerable ang mga Pinay OFW sa abuso dahil sa pagsasalarawan sa kanila sa palabas ng BBC bilang mga sex object.

Magsasagawa sa Oktubre 10 ng kilos-protesta ang Migrante International, Bagong Alysansang Makabayan, at Gabriela sa harap ng Department of Foreign Affairs para singilin ang gobyernong Arroyo sa labor export policy na humantong sa umano’y pambabastos sa imahe ng mga Pinay DH.