News Update

Fixed Period Employment: Hindi binigyan ng bisa ng Korte Suprema

Atty. Remigio Saladero Jr.

ISA sa mga taktika ng kompanya para hindi magiging regular sa kanilang mga trabaho ang kanyang mga manggagawa ay ang pagpapirma sa kanila ng kontrata na ang kanilang mga trabaho ay matatapos pagkatapos nang ilang buwan lamang.

Pagdating ng takdang panahon, tinatanggal na ng kompanya ang kawawang mga manggagawa nito. Kapag nangyari ito, may laban ba ang mga manggagawa? Ang kasong "Cherry Price, et. al. vs. Innodata Phils. , et. al" ., (G.R. No. 178505) , na hinatulan ng Korte Suprema noong September 30, 2008 ay makukunan natin ng aral tungkol sa bagay na ito.

Sa nasabing kaso, nasa information technology ang linya ng negosyo ng kompanya. Nagtatrabaho rito sina Cherry bilang data formatters. Bago sila nakapasok sa kompanya, may pinapirmahan sa kanilang kontrata na ang pamagat ay “Contract of Employment for a Fixed Period”. Nakalagay sa nasabing kontrata na ang kanilang mga trabaho ay hanggang isang taon lamang. Nakalagay din sa kontrata na maaari silang tanggalin ng kompanya sa kanilang mga trabaho kahit hindi anong oras basta’t may abiso na pinadala sa kanila tatlong araw bago sila matanggal.

Pagkatapos ng isang taon, sang-ayon sa kontrata, tinanggal nga ng kompanya itong sina Cherry.

Nagdemanda ng kasong illegal dismisal sina Cherry laban sa kompanya sa tanggapan ng Labor Arbiter.

Bilang depensa, ginamit ng kompanya ang kontratang pinirmahan nina Cherry. Sinunod lang naman daw ito ng kompanya kaya’t hindi siya maaaring sisihin dito. Hindi naman daw niya pinilit sina Cherry na pirmahan ito. Dahil sa kusang-loob na pumirma sina Cherry sa nasabing kontrata, dapat lamang na mangibabaw ang kontratang ito. Isa pa, wala pa raw silang isang taon sa kanilang mga trabaho kundi apat na buwan pa lamang. Kaya, paano sila magiging regular?

Hindi nakumbinsi ang Labor Arbiter at pinanalo sina Cherry. Nag-apela ang kompanya sa National Labor Relations Commission (NLRC) at nabaliktad ang desisyon. Pinanalo naman nito ang kompanya at sinabing legal ang pagkatanggal kina Cherry. Dinala nina Cherry ang kaso sa Court of Appeals pero ganun pa rin ang hatol. Napilitan sina Cherry na dalhin ang kaso sa pinakamataas na husgado, ang Korte Suprema.

Panig sa mga manggagawa ang naging hatol ng Korte Suprema.

Ayon sa Korte Suprema, ang batas ang mangingibabaw, hindi ang kontratang pinirmahan ng manggagawa. Batay sa Artikulo 280 ng Labor Code, ituturing na regular na empleyado ang isang manggagawa kung ang kanyang trabahong ginagawa ay mahalaga sa negosyo ng kompanya.

Ang negosyo ng kompanya ay ang data processing and data conversion. Sa ganitong negosyo, napakahalaga ng papel na ginagampanan ng formatting. Kailangang i-format ang mga datos para maunawaan ito ng mga kliyente ng kompanya. Sa madaling sabi, importante ang trabahong ginagampanan nina Cherry sa negosyo ng kompanya. Kung ganoon, dapat lamang silang ituring na regular sa kanilang mga trabaho.

Walang halaga ang kontratang pinirmahan nina Cherry, sabi ng Korte Suprema. Malinaw na ginawa ito ng kompanya para hindi maging regular ang kanyang mga manggagawa. Ito ang dahilan kung bakit nakalagay nilagay ng kompanya sa kontratang ito na maari siyang magtanggal ng manggagawa kahit kailan basta’t may tatlong araw na abiso. Ito rin ang dahilan kung bakit nagsinunagling ang kompanya sa harap ng Labor Arbiter na umabot na nang isang taon ang pagtatrabaho nina Cherry. Ayaw niyang mabigyan ng regular status ang kanyang mga manggagawa. Ito ay labag sa public policy, paglilinaw ng Korte Suprema. Kaya, hindi maaaring bigyan ng bigat ang nasabing kontrata.

Ibinaliktad ng Korte Suprema ang hatol at inutos sa kompanya na bayaran ng backwages at separation pay sina Cherry.