News Update
'Libu-libong Pinoy na stranded sa Kish at Omani tulungan'
NANAWAGAN si Gabriela Rep. Luz Ilagan sa gobyernong Arroyo na tulungan ang mahigit-kumulang 5,000 Pilipino na stranded sa isla ng Kish, Iran at bayan ng Omani, Dubai dahil sa bago at mas mahigpit na mga regulasyon sa visa na ipinatutupad ng UAE (United Arab Emirates).
Napipilitang mamalagi sa mga bansang nasa border ng UAE ang mga Pilipinong pumapasok dito na may tourist visa, habang naghihintay ng papeles sa trabaho. Umano'y walang maayos na tirahan at pagkain ang mga migrante rito.
Ayon sa Asia Pacific Mission for Migrants, natutulak sa prostitusyon ang mga babaing migrante para makaagapay. Umano'y isang Pilipino rin kada buwan ang nagpapakamatay.
Sinabi ni Ilagan na dapat itigil ni Pangulong Arroyo ang labor-export policy o panghihikayat sa mga Pilipino na ibenta ang kanilang lakas-paggawa sa ibang bansa.
"Hindi alternatibo ang labor export sa malakas na pag-eempleyo at maunlad na kalidad ng buhay para sa mga Pilipino," aniya.
Inihalintulad niya ang labor-export policy sa "pagpapatapon ng mga di-marunong lumangoy sa dagat na may mga pating."
Dapat umaksiyon ang Philippine Embassy sa Abu Dhabi at Philippine Consulate sa Dubai na nakakaalam ng sitwasyon ng mga OFW sa Kish at Omani, dagdag ng kongresista.
Ilang-Ilang Quijano
RSS