News Update
Utos ng korte na ilipat ang detenidong pulitikal na si Echanis sinuway
Ilang-Ilang Quijano
SINUWAY ng DOJ (Department of Justice) at PNP (Philippine National Police) ang utos ng Manila Regional Trial Court na ilipat ang detenidong lider-masasakang si Randall Echanis sa PNP Custodial Center.
Noong Setyembre 1, tumanggi si Col. Cesar T. Magsino, hepe ng PNP custodial group, na ilipat si Echanis mula sa Manila City Jail dahil sa umano'y hinihintay pang permismo mula sa DOJ.
Nagdesisyon noong Agosto 29 si Judge Thelma Bunyi-Medina ng Manila RTC Branch 29 na hindi ordinaryong kriminal si Echanis at may sapat na batayan para ilipat sa Camp Crame.
"Ang pagsuway ng DOJ at PNP sa utos ng korte ay tahasang pagmamayabang, kawalang pakundangan sa rule of law, at kawalang respeto sa mag proseso ng korte para lang patuloy na sikilin si Echanis gaya ko noong 2007," sabi ni Bayan Muna Rep. Satur Ocampo.
Kapwa-akusado ni Echanis si Ocampo sa kasong multiple murder kaugnay ng nahukay diumano na mga kalansay ng militar sa Hilongos, Leyte.
Dinidinig pa ng Korte Suprema ang kaso matapos magpetisyon ni Ocampo, na inaresto at nakapagpiyansa noong nakaraang taon.
Sinabi ng kongresista na 15 sa mga kalansay na natagpuan sa Hilongos ay una nang nahukay sa Albay noong 2004. Umano'y gawa-gawa lamang ng militar ang kaso para gipitin ang mga kritiko ng gobyernong Arroyo.
Si Echanis ay deputy secretary general for external affairs ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at inaresto noong Enero 28 sa Bago City habang nakikipagpulong sa mga magsasaka.
RSS