News Update

Siyam na dinukot na lider-magsasaka sa Cavite, nasa kustodiya ng PNP

in

Ilang-Ilang Quijano / KR Guda

NASA kustodiya ng PNP (Philippine National Police) sa Kampo Vicente Lim sa Calamba, Laguna, ang siyam dinukot na lider-pesante, mahigit isang araw matapos mabalitang dinukot ang mga ito sa Silang, Cavite.

"Ipinapakita lamang nito na aktibong sangkot ang mga puwersang panseguridad ni Ginang Arroyo sa mala-Gestapo na pagdukot sa mga lider-pesante at aktibista," ayon kay Anakpawis Rep. Rafael Mariano.

Ayon sa Karapatan, hinarang ang mga biktima sa Brgy. Pasong Langka, Silang, Cavite ng mga miyembro ng Air Force, Batangas at elemento ng PNP.

Pinababa sila ng sinasakyang multicab. Tinali ang mga kamay, binusalan ng packing tape ang mga bibig, at isinakay sa magkakaibang mga sasakyan.

Sa pagkakasulat nito, isa lamang sa mga biktima, si Felix Nardo, ang kinasuhan ng illegal possession of explosives ng PNP.

Kasama ni Nardo ang mga lider-magsasaka na sina Neshley Carsino, Franco Remoroso, Bernardo Derain, Yolanda Caraig, Janice Javier, Jommel Igana, at drayber na si Mario Joson.

"Kalunos-lunos na nangyari ang pagdukot sa bisperas ng paggunita ng mga mamamayan sa Pandaigdigang Araw ng mga Desaparecidos," sabi ni Mariano, na tagapangulo rin ng KMP (Kilusang Magbubukid ng Pilipinas).

Sinabi ni Mariano na pinamumunuan ni Alvarez ang laban ng mga magsasaka sa kontrobersiyal na 197-ektaryang Aguinaldo Estate sa Barangay Tartaria, Silang, Cavite.

Mahigit-kumulang 2,000 pamilya ang nanganganib na mapalayas sa balak ng mga kaanak ni Hen. Emilio Aguinaldo na gawing commercial subdivision at golf course ang lupain.

Sa araw ng pagdukot kay Alvarez nakatakdang pag-usapan ng mga magsasaka ng Cavite at Batangas ang mga preparasyon para sa Linggo ng Pesante sa Oktubre, taunang protesta ng KMP laban sa umano'y bogus na Comprehensive Agrarian Reform Program.

Hiniling ni Mariano sa House Committee on Civil, Political and Human Rights na imbestigahan ang pagdukot at pagdetine sa siyam.

Mga opisyal din ng Kamagsasaka-Ka ang ilang miyembro ng Tagaytay 5, mga lider-magsasaka na dinukot noong 2006, kinasuhan ng rebelyon, at pinawalang-sala at pinakawalan noong Agosto 28.