News Update

Pay hike ni Arroyo, 'iskandaloso'

in

Ilang-Ilang Quijano

ISKANDALOSO ang panukalang 100% dagdag sa sahod ni Pangulong Arroyo at iba pang matataas na opisyal ng gobyerno, ayon kay Gabriela Rep. Liza Maza.

"Hindi na nahiya. Bago pa man matalakay sa badyet at bago pa man
ipagtulakan ang 100% dagdag-na-sahod sa mga opisyal ng gobyerno, higit na karapat-dapat mabigyan ng dagdag-na-sahod ang karaniwang mga manggagawa," sabi ni Maza.

Itinutulak ng militanteng kongresista ang House Bill 1722 para sa P125 dagdag-na-sahod ng mga manggagawa at HB 1962 para sa P3,000 across-the-board na pay hike ng mga empleyado ng gobyerno.

Sa panukalang 2009 badyet ng Malakanyang, itataas nang 100% ang sweldo ng mga opisyal ng gobyerno habang 50% lamang ang itataas sa sweldo ng karaniwang mga kawani sa loob ng apat na taon.

"Iskandalosong itaas pa ang sweldo ng Pangulo sa P120,000 mula P60,000 kada buwan gayong 25.4 milyong Pilipino ang halos hindi mabuhay sa P60 kada araw," ani Maza.