News Update
Panggigipit ni Winston Garcia?: Presidente ng Courage nakapagpiyansa sa kasong libelo
Noel Sales Barcelona
NAGPROTESTA ngayong araw, Setyembre 2, ang mga miyembro ng pambansang sentro ng mga manggagawa sa gobyerno, ang Courage (Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees) dahil sa nakaambang pang-aaresto sana laban sa pambansang pangulo nito na si Ferdinand Gaite dahil sa kasong libelo na isinampa sa kanya ni Winston Garcia, pangulo at pangkalahatang tagamapahala ng GSIS (Government Service Insurance System) noong 2004.
Nakapaghain naman ng piyansa si Gaite, sa tulong ng kanyang
abogadong si Atty. Ame Sato. Si Judge Jesus Mupas ng Pasay City
Regional Trial Court Branch 112 ang humahawak sa kaso ni Gaite.
Kinasuhan ng libelo si Gaite
dahil sa isang bukas na liham na nalathala sa mga pahayagang The Manila
Times at Today (na ngayon ay Manila Standard Today). Ibinasura ito sa mababang hukuman at maging sa Court of Appeals.
Subalit, batay sa rekomendasyon ni State Prosecutor Roland G. Ramirez noong Disyembre 16, 2006, dapat na kasuhan si Gaite dahil sa malisyoso ang naging pahayag nito laban sa presidente ng GSIS. Inaprubahan naman nina Asst. Chief State Prosecutor Richard Anthony D. Fadullon at Chief State Prosecutor Jovencito R. Zuño ang pag-aasunto.
Naniniwala naman ang mga kasapi ng Courage na pandarahas at panggigipit lamang ito sa kanilang lider na sinisiraan ni Garcia.
Dagdag pa nila, lalo nilang igigiit ang pagpapatalsik kay Garcia dahil delikado diumano ang pondo ng mga kasapi kapag nanatili ang naturang opisyal.
Samantala, pinagbantaan naman ni Pasay Police chief Senior Police Supt. Mariano Valerio ang mga demonstrador na itataboy sila palabas ng bakuran ng city hall ng Pasay dahil wala silang maipakitang permit sa kanilang pagrarali.
Tinatayang nasa 10 pulis na pawang armado ng kalibre .45 na baril ang pumalibot sa mga ralyista subalit dahil sa pakikipagnegosasyon, pinayagan ang mga miyembro ng Courage na tapusin ang kanilang programa nang hanggang alas-12:00 ng tanghali.
RSS