News Update

Pagtigil ng Katas ng VAT ‘di kawalan’ sa mamamayan

in

Jean Campos

HINDI kawalan sa mga mamamayan ang nakatakdang pagtigil sa programang “Katas ng VAT”, ayon sa Gabriela, militanteng grupong pangkababaihan.

Inihayag kamakailan ni Sek. Rolando Andaya ng Department of Budget and Management na ipatitigil ang programa sa susunod na taon dahil sa pagbaba ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Kabilang sa programa ang pagbibigay ng P500 Milyong subsidyo sa maliliit na konsiyumer ng kuryente.

“Hindi naman talaga tinulungan ng ‘Katas ng VAT’ ang mahihirap, tinulungan lamang nitong pabanguhin ang imahe ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo na inutil sa pagpapabuti ng kalagayan ng mahihirap,” sabi ni Emmi de Jesus, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Sinabi pa ni De Jesus sa halos walang epekto sa lokal na presyo ng mga bilihin at serbisyo ang pagbaba ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

“Bababa lamang ang presyo ng mga bilihin at serbisyo kapag tinanggal ang 12% VAT,” aniya.

Samantala, sa isang kilos-protesta sa harap ng National Food Authority noong Setyembre 5, siningil ng grupong Kadamay (Kalipunan ng Damayang Mahihirap) ang ipinangako ng gobyerno na access cards sa mga maralita.

Anila, hindi naipamahagi sa mga komunidad ang nasabing mga kard para sa murang bigas ng NFA at tulad ng programang Katas ng VAT, ginamit lamang para sa imahe ng Pangulo.

Sinabi pa ng Kadamay na indikasyon ang pagkamatay ni “Mang Pandoy” sa tuberculosis kamakailan ng kabiguan ng gobyerno na masugpo ang kahirapan.

Simbolo ng kahirapan noong panahon ni dating pangulong Fidel Ramos si Felipe Natanio o mas kilalang “Mang Pandoy”.

“Ngayon, sa panunungkulan ni Arroyo, walang iniunlad sa kalagayan ng mga maralita, sa halip ay lumala pa. Kulang ang trabaho, mababa ang sahod, mahal ang mga bilihin, at wala pa ring tiyak at disenteng paninirahan,” sabi ni Carmen “Nanay Mameng” Deunida, tagapangulo ng Kadamay.