News Update
Pagsalag sa ‘lahatang atake’ ng Estado
in
Soliman A. Santos
HINDI nagkamali ang Tagaytay 5 sa pagsasabing marami pang naghihintay na laban isang araw matapos silang palayain noong Agosto 28. Dalawang araw lamang ang lumipas matapos ang deklarasyong iyon, siyam na magsasaka ang dinukot ng mga ahente ng estado sa parehong rehiyon kung saan din dinukot ang Tagaytay 5 noong Abril 2006.
Kagaya rin ng mga kasapi ng Tagaytay 5, tinortiyur at ibinilanggo ang ngayo'y tinaguriang Silang 9 at pilit na pinaaaming mga kasapi sila ng NPA o New People's Army.
Ayon sa CEMJP (Cavite Ecumenical Movement for Justice and Peace), na siyang sumusubaybay sa kaso, dinukot at tinortiyur sina Renato Alvarez, 63; Franco Romeroso, 27; Felip Nardo, 24; Bernardo Derain, 36; Mario Joson, 55; Jommel Igana, 19; Yolanda Caraig, 48; Neshley Cresino, 27; at Janice Javier, 26, noong Agosto 31 sa Brgy. Tartaria, Silang, Cavite.
Ayon naman sa pulisya, "inaresto sa isang checkpoint" ang mga biktima dahil nahulihan ng mga baril ang mga ito. Kinasuhan ng illegal possession of firearms ang Silang 9 subalit agad ring pinalaya ng prosecutor sa Cavite noong Setyembre 2 dahil walang mailabas na ebidensiya ang mga pulis.
Salaysay ng pagdukot
Pauwi na sana ang grupo ng mga magsasaka noong madaling araw ng Agosto 31 galing sa isang pagpupulong kaugnay ng taunang paggunita ng October Peasant Campaign nang harangin sila ng tinatayang 20 elemento ng pulis-Silang , Special Operations Group, SWAT, Provincial Mobile Group at Regional Special Operations Group.
Pilit umano silang pinababa sa sinasakyang nilang multi-cab, piniringan ang mga mata at itinali ang kanilang mga kamay sa kanilang likod. Dinala sa isang kalapit na lugar at doon pinagtatanong at tinortyur para umaning mga kasapi sila ng NPA.
Bagamat mas mahabang panahon ang iginugol ng Tagaytay 5 kaysa sa Silang 9, dinanas din nila ang diumano'y "mala-impyernong karanasan" sa loob ng kampo.
Isang halimbawa ang pagbabanta ng panggagahasa ng isang opisyal kay Cresino. Inutusan umano siyang maghubad ng kanyang damit. Samantala, pinaakyat naman sa poste si Javier dahil hindi nila sinasagot ang mga tanong ng mga pulis.
Kuwento ni Diane Mariano, tagapag-ugnay ng CEMJP, umabot sa puntong nagmakaawa si Javier nang tutukan siya ng baril ng isang opisyal. Tinakot rin umano ang biktima na bubuhusan siya ng gasolina at saka sisilaban.
Kinuryente naman sa ulo at ari sina Derain and Nardo habang pinaaaming mga kasapi sila ng NPA. Inutusan rin umano si Nardo na maghukay ng sarili nilang libingan.
Samantalang kinumpirma ng pulisya ang "pag-aresto" sa mga lider-pesante, itinanggi nilang tinortiyur nila ang mga ito.
Mariin namang kinondena ng KMP (Kilusang Magbubukid ng Pilipinas) gobyernong Arroyo at PNP (Philippine National Police) dahil sa naturang pagdukot at pagtortyur. Ayon sa KMP, bahagi lamang ito ng "sistematikong pandarahas at opensiba" ng gobyerno sa kilusang magbubukid.
Ang mga kasapi ng Silang 9 katulad ng Tagaytay 5 ay kasapi rin ng Kalipunan ng mga Magsasaka sa Kabite o Kamagsasaka-Ka, na nasa ilalim naman ng pamumuno ng KMP.
"Talagang iba ang pagtrato ng gobyernong Arroyo sa aming mga magsasaka," ayon kay Imelda Lacandazo, ikalawang tagapangulo ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog-Katagalugan na kinabibilangan din ng Kamagsasaka-Ka.
"Pinapaslang ang aming mga lokal at pambansang lider, dinudukot, sinasampahan ng gawa-gawang kaso at inaaresto ang aming mga organisador nang grupo-grupo," aniya pa.
Lahatang atake
Sinabi pa ng KMP na "lahatang atake" ang inilulunsad ng gobyernong Arroyo sa mga magsasaka.
Ibinigay na halimbawa ng KMP ang pagkakabilanggo kay Randall Echanis, ang kanilang deputy secretary general, ang pagpaslang kay Eddie Gumanoy noong 2003, ang pagkawala ni Nilo Arado noong nakaraang taon, ang pagpaslang kay Celso Pojas sa Davao City noong Mayo 2008, ang pag-aresto sa Tagaytay 5 at Antipolo 4 at ang pagdukot sa Silang 9.
Ayon kay Willy Marbella, deputy secretary general ng grupo, ginagawa ng gobyerno ang mga ito sa kilusang magsasaka dahil nagmukhang istupido ang gobyerno sa kaso ng Tagaytay 5.
Samantala, sinabi naman ni Axel Pinpin, isa sa Tagaytay 5, na ang panonortiyur sa Silang 9 ay bahagi ng paghahasik ng lagim ng Estado para takutin ang mga organisasyong pangmasa. Ang Kamagsasaka-Ka at ang kasama nitong Samahan ng mga Magsasaka sa Batangas, halimbawa, ay kapwa aktibong tumututol sa mga malawakang kumbersiyon ng lupa sa Cavite at Batangas.
Balintuna umano na habang nananawagan ang gobyerno ng pagpapaunlad sa agrikultura, pinapaslang, dinudukot o ibinibilanggo ang mga agrikulturista at organisador.
Ibinigay na halimbawa ni Pinpin ang biktima ng sapilitang pagkawala ng agrikulturistang si Jonas Burgos, ang pagkabilanggo ni Echanis at ni Eduardo Serrano, isang industry agriculturist.
Estupidong estilo
"Ang lahat ng ito ay nakapaloob sa programa ng gobyerno na dahasin at takutin kami sa pag-oorganisa sa malawak na bilang ng magsasaka. Alam namin na ito ay isa sa mga estilo ni national security adviser Norberto Gonzales, gaya ng pagsasampa ng gawa-gawang kaso, kahit na gaano ito kaistupido at kahina, ay ginagawa para pigilan ang aming pag-oorganisa at kampanya," ayon naman kay Marbella.
Subalit dahil umano sa masinop na pagpapalaganap ng impormasyon, pinapaboran sila ng opinyon publiko at lalo lamang natitiwalag sa mamamayan ang gobyernong Arroyo.
Pinaplano ng KMP na magsampa ng posibleng mga kaso laban sa mga lumalabag sa kanilang karapatan at ibibilang ang mga insidenteng ito sa mga anti-mamamayan at anti-magsasakang programa ni Pangulong Arroyo na siya nilang gagamiting ebidensiya sa sandaling matanggal na sa kapangyarihan ang pangulo.

RSS