News Update
P 7 rollback sa produktong petrolyo hiniling
Rodalyn S.M. Capilo
DAHIL sa patuloy na pagbaba ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, hiniling grupong Bayan (Bagong Alyansang Makabayan) sa mga kompanya langis na ibaba ng P7 kada litro ang kanilang singil sa mga produktong petrolyo.
“Hindi sapat ang P1 kada litrong rollback kamakailan sa presyo ng langis. Patuloy na bumababa ang pandaigdigang presyo nito pero hindi tumutugon ang transnasyunal na mga kompanya ng langis,” sabi ni Renato M. Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan.
Ayon sa grupo, P7 kada litro ang nararapat na rollback dahil katumbas ito ang itinaas ng presyo ng mga produktong petrolyo mula buwan ng Mayo hanggang Hunyo.
Higit pa nga rito ang itinaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa nakaraang apat na buwan, sabi ni Reyes.
“Kinokontrol ng Big Three ang 90% ng pumping stations at nagdodomina din sila sa iba pang aspeto ng industriya. Ito ang dahilan kung bakit kaya nilang tanggihan ang rollback kahit ipinatutupad na ito maliliit na kompanya ng langis,” paliwanag ni Reyes.
Sinisi rin ng Bayan ang gobyernong Arroyo na bigong obligahin ang malalaking kompanya ng langis na ipatupad ang nasabing rollback.
Nagbabala ang Bayan ng malawakang mga kilos-protesa ngayong Setyembre hanngang hindi naipapatupad ang makatarungang rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo.
RSS