News Update

Orihinal na kontrabida

MAY kakaibang hapdi ang buladas ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo na ninais niyang mag-iwan ng “pamana ng kapayapaan” sa Mindanao, nga lamang ay napilitan siyang iabandona ang 11-taong usapang pangkapayapaan sa MILF (Moro Islamic Liberation Front) dahil sa pagtataksil ng huli. Simula nang umalingasaw ang usapin ng MOA (Memorandum of Agreement) on Ancestral Domain, malinaw na ang pagtataksil ay nasa bahagi ng gobyerno, at hindi ng mga rebeldeng Moro.

Ang gusto lamang ng ating mga kababayang Muslim, maresolba ang mga ugat ng kawalang-hustisya na nagtutulak ng kanilang istorikal na pakikibaka. Pero iba ang problemang tunay na nireresolba ng Pangulo: kung papaano makapangyungapit sa poder lampas sa 2010 o di mapatalsik bago nito.

Dahil palpak—at sadyang nilikha ng gobyernong Arroyo para pumalpak—nahubaran na ng maskara ang MOA na iskema para ilusot ang Charter Change. Tulad ng naunang mga tangka, binigo ito ng pagtutol ng mga mamamayang isinasara ang lahat ng siwang ng posibilidad na makatagal pa ang isang peke, kurakot, at berdugong Pangulo.

Pero sa Mindanao, sumambulat na ang gulo. Sa halip na mamuo ang pagkakaunawaan, nahati ang mga Kristiyano at Muslim dahil na rin sa panunulsol ng mga lokal na pulitiko at warlord na natakot para sa kanilang kapangyarihan at pagmamay-aring lupain. Sa halip na mahawi ang landas para sa pangmatagalang hustisya’t kapayapaan, lalo pang inginudngod ni Arroyo sa putikan ang adhikain ng mga Moro nang pakawalan ang AFP (Armed Forces of the Philippines) sa mga komunidad para tugisin ang dalawang lagalag na kumander ng MILF na sina Kato at Bravo. Sa halip na dumulog sa mga proseso ng pormal na usapang pangkapayapaan para imbestigahan ang mga paglabag sa mga kasunduan sa ilalim nito, militaristang solusyon ang itinapat.

Binasbasan pa ng Philippine National Police ang pag-aarmas ng mga sibilyan. Kataka-taka bang sumulpot muli ang mga grupong vigilante na nagpapaypay sa apoy ng karahasan at kontra-Muslim na isterya?

Dahil tuluyan nang nilusaw ang peace panel ng gobyerno, hindi na masisingil pa ang mga tropang AFP na nagpawi ng uhaw sa digma nitong nakaraang buwan. Nagdusa hindi ang mga rebelde, kundi ang mga sibilyan. Naitala ng National Disaster Coordinating Council na may 500,000 mamamayang apektado ng sagupaan—lumikas mula sa kani-kanilang mga tahanan o nawalan ng kabuhayan. At di man naiuulat nang masinsin at nadedemonyo sa midya gaya ng mga atake ng MILF, katakut-takot ang mga paglabag sa karapatang pantao ng AFP.

Naisadokumento ng Kawagib - Moro Human Rights Group ang pagkamatay ng 13 sibilyan dahil sa strafing at mortar shelling sa opensibang militar sa North Cotabato, Lanao del Norte at Maguindanao. Sa mga biktima, isa ang buntis, tatlo ang menor-de-edad, tatlo ang matanda, at isa ang dalawang-buwang sanggol. Walong sibilyan naman ang sugatan (kabilang ang apat na menor-de-edad at isang pitong-buwang sanggol) dahil sa walang diskriminasyong pagpapaulan ng militar ng mga bala’t bomba. Inaresto ng AFP ang mga pinaghihinalaang rebelde at sinunog ang mga bahay ng mga pamilya kapwa Kristiyano at Muslim, ayon pa sa Kawagib. Iniulat din ng Philippine Daily Inquirer na ni-ransack at ninakawan ng mga sundalo ang mga bahay ng mga lumikas na residente ng Brgy. Dapiawan sa Datu Saudi, Maguindanao.

Dahil tila nakakasa ang todo-giyera, takot pang umuwi ang libu-libong bakwit na nagkalat sa nagsisiksikang mga evacuation center. Walang katiyakan maliban dito: na ang DDR o disarmament, demobilization, at reintegration na inilalakong solusyon ng Malakanyang ay di katanggap-tanggap na polisiyang saksak-sa-likod sa mga rebeldeng Moro. Halos pinasusuko sila nang walang bitbit ni isa sa mga ganansiyang nakamit simula nang mag-umpisa ang usapang pangkapayapaan.

Alam ito ng militar. Kaya nga humihingi na si Brig. Gen. Jorge Segovia, acting chief ng sentrong kumand ng AFP, sa Kongreso ng dagdag na pondong pandigma. Ang kasunod na hakbang, walang iniwan sa imahinasyon.

Matinding kapinsalaan ang idinulot at idudulot pa ng suntok-sa-buwan at nakasusulasok na ambisyong maitulak ang Cha-cha. Bumulwak na ang dugo ng ating mga kababayang Muslim. Ang kanilang istorikal na adhikai’t pakikibaka, ginamit lamang ng Pangulo para sa sariling kapakanan nito.

Gaya ito ng paggamit ng gobyernong Arroyo sa krisis pang-ekonomiya, dumatal nang dahil din sa mga polisiyang palpak, para isalba ang bulok na imahen matapos ang eskandalong NBN-ZTE. Nagngangalit pa rin ang mga maralita sa Kamaynilaan sa “Katas ng VAT” o programang welfare na pinondohan ng buwis na piniga mula sa naghihirap nang mga mamamayan. Hinahayaan nitong bumida ang kontrabida, kapalit ng kaduda-dudang barya-barya.

Sa nakaambang pag-igting ng giyera sa Mindanao, nawa’y huwag makalimutan ang orihinal na kontrabidang nagbitbit ng intensiyong marumi at taksil. Mahapding pakinggan ang buladas na si Pangulong Arroyo pa ngayon ang maka-kapayapaan. Parang nagsisiksik ng asin sa sariwang sugat ang mga daliring siya ring naghiwa sa laman ng bayan. (IDQ)