News Update

Maging mapagbantay

ALARMISTA raw si dating Sek. Avelino Cruz ng Department of Defense, na sinabi kamakailan ang naiisip, pero hindi nawiwika ng marami, maliban sa militanteng mga grupo: na posibleng kagatin ni Pangulong Arroyo ang temptasyon na ibaba ang emergency rule dahil sa lumalalang sitwasyon sa Mindanao, kundi man ito ang kanyang balakin simula’t sapul.

Kahit pa umigting ang labanan sa pagitan ng AFP (Armed Forces of the Philippines) at rebeldeng MILF (Moro Islamic Liberation Front), at sumiklab ang ‘teroristang’ mga atake sa iba’t ibang panig ng bansa, nangako si Sek. Cerge Remonde, hepe ng Presidential Management Staff, na hindi idedeklara ni Arroyo ang emergency rule. Ilang beses na raw niyanig ang administrasyong Arroyo ng krisis, pero lagi nitong itinataguyod ang demokratikong proseso at hindi sumasandig sa polisiya ng kamay na bakal. Wala umanong batayan ang takot na nililikha ni Cruz sa isip ng mga mamamayan.

Dahil sagasa sa demokratikong proseso ang mismong pagkakaupo at pananatili sa puwesto ni Arroyo, wala gaanong halaga ang naunang argumento. Laging binabayo ng krisis ang administrasyon dahil nga, mula sa kontrobersiyang Hello Garci hanggang sa NBN-ZTE, interes pansarili ang pinamamayagpag, salaulain na ang mga institusyon gaya ng Commission on Elections, Kongreso, at Korte Suprema.

Suriin na lamang ang argumentong hindi sumasandig ang gobyernong Arroyo sa mga taktikang pang-diktador gaya ng pagdedeklara ng emergency rule. Pebrero noong 2006 nang magdeklara ang Pangulo ng state of national emergency kahit wala ni isang patak ng dugo ang dumanak. Nag-usap-usap lamang umano ang ilang opisyal ng AFP, disgustadong mga sundalo, at makakaliwang grupo, kinailangan nang magtayo ng mga checkpoint, magbaba ng curfew, arestuhin ang ilang mga personahe ng oposisyon, at busalan ang midya.

Ngayon pa kayang mahigit kalahating milyong sibilyan na ang apektado ng giyera sa MILF at sumabog ang isang bus sa Digos City sa isa diumanong ‘teroristang' atake na ikinamatay ng anim na katao?

Totoong may bahid-pulitika ang pagsasalita ni Cruz, na nagbitiw noon sa gabinete dahil kumontra sa tulak ng administrasyon para sa Cha-cha (Charter Change). Isa na siya ngayong konsultant ni Sen. Mar Roxas na tatakbo umanong presidente. Tulad ng iba pa sa hanay ng uring reaksiyunaryo, may pansariling interes si Cruz sa pagtutuloy ng halalang 2010, na kinulapulan lamang ng pagsasaalang-alang sa demokratikong proseso. Pero dapat ding seryosohin ang kanyang babala.

Bilang dating mataas na opisyal sa usaping pandepensa, kabilang si Cruz sa nagpatupad ng kampanyang kontra-insurhensiyang Oplan Bantay Laya. Tinamaan ng kampanyang ito hindi ang mga rebeldeng komunista, kundi ang hayag na kilusang masa at progresibo na ang mga miyembro’y pinatay, dinukot, tinortyur, hinaras, inaresto, at kinasuhan ng mga awtoridad ng Estado.

Katakut-takot na mga paglabag sa karapatang pantao sa ngalan kuno ng kontra-insurhensiya ang umiral na polisiya para makapanatili si Arroyo sa puwesto. Sa ngalan kuno ng kaayusan at kapayapaan sa Mindanao, hindi niya ito magagawa? Ayon kay Cruz, na masasabing kabisado kahit papaano ang lohika ng pinagsilbihang Pangulo, ito mismo ang kanyang gagawin kung hindi babantayan ng taumbayan.

Kontrolado raw ng mga awtoridad ang sitwasyon sa Mindanao. Kung gayon, bakit bantulot pa rin ang AFP na ipatigil ang air strikes na kumitil sa buhay ng anim na sibilyan, at posible ng di-dokumentadong ilan pa?

Walang indikasyong rerendahan ang pabara-barang mga opensibang militar at sa malapit na hinaharap, na huhupa ang digma. Kaya’t wala ring dahilang hindi umalagwa ang takot na maaaring gamitin ang kamay na bakal.

Ayon na rin ito sa pagkakakilala ni Cruz kay Arroyo na walang pinalalampas. Duda siya sa pahayag ni Solicitor General Agnes Devanadera na hindi alam ng Pangulo ang mga detalye ng nabalahong Memorandum of Agreement on Ancestral Domain na siyang ikinasimula ng giyera. Bagkus, naniniwala siyang niluto ito ng isang opisyal na “nauubusan na ng ideya” sa kung papaano kakapit pa sa puwesto.

Ngayon, bigo muli ang Cha-cha. Kung magdedeklara ng emergency rule, may mahahanap na kakampi si Arroyo sa US na may interes pangmilitar at pang-ekonomiya sa Mindanao at uhaw na manghimasok sa ngalan naman kuno ng ‘giyera kontra-terorismo’. Palalampasin ba niya ang posibleng huling pagkakataon na manatili ang immunity mula sa samu’t saring krimeng kanyang ginawa sa loob ng pitong taon?

Malamang na hindi. Maliban sa kung itataas ng taumbayan ang antas ng pagbantay at paglaban.--(IDQ)