News Update
Isang umagang di malaman kung uulan o aaraw
Rolando B. Tolentino
Pinirmahan ang MOA-AD, giniyera ang Mindanao.
Giniyera ang Mindanao, nanghingi ng P10 bilyon dagdag sa budget ang militar para matalo ang rebelde.
Nanghingi ng P10 bilyong dagdag ang militar, kinaltasan ng P100 milyon ang budget ng edukasyon.
Pinirmahan ang MOA-AD, giniyera ang Mindanao.
Labas sa saklaw ng konstitusyon ang MOA-AD, papalitan ang probisyon sa konstitusyon.
Papalitan ang probisyon, isasabay na ang cha-cha ni Gloria Arroyo.
Makakatakbo ulit bilang lider si Arroyo.
Binan ang gatas galing sa China, maraming sanggol at hayop sa zoo ang nangamatay.
Dalawang milyong kilong gatas ang ibinebenta sa mga tindahan sa bansa, pero hindi ito dapat inumin.
Nagmaganda si DOH Secretary Duque, media op habang nag-iikot ng groseriya.
Dampot nang dampot ng gatas, hindi naman pala gawa ang lahat sa China.
Ayaw naman magbigay ng listahan ng brand ng gatas na ban ang DOH, basta gawa raw sa China, huwag bilhin.
Nag-strike ang manggagawa sa Kowloon, ayaw ibigay ng management ang kaukulang dagdag na P50 sa arawang sahod.
Kulang sa P800,000 ang utang ng Kowloon sa manggagawa, tinanggal ang 73 nagprotestang manggagawa.
Dalawang araw lamang na benta ng siopao (7,000 piraso sa P47 bawat order) ang katumbas nito, ayaw pang ibigay ng management ng Kowloon.
Huwag kumain ng siopao at pagkain sa Kowloon habang welga, pinatutubo lamang ang management at pinag-iimbutan ang manggagawa.
Kiss-bago-umalis, kalakaran sa manggagawang babae matapos mag-time out.
Bilang din ang oras para umihi, kaya kalakarang magka-UTI (urinary tract infection) ang marami sa kanila.
Di na natiis, nagwelga sila, tinanggal ang 43 opisyal ng unyon at empleyado.
Matagumpay na naipanalo ang welga, naibalik ang tinanggal, naihabol ang back pay.
Pabor ang desisyon ng NLRC (National Labor Relations Commission), may dagdag na dangal nang makakapasok ang nagtagumpay na manggagawa.
Nag-Oktoberfest sa Ortigas nitong Setyembre ang isang kompanya ng beer.
Pinakamahabang linya ng manginginom ang tinarget, makakapasok sa Guinness Book of World Records.
Umulan at habang binabaklas ang entablado, 20 manggagawa ang seryosong nakuryente.
Isang Linggo, walang maparadahan sa buong Cubao.
Laban ng Ateneo at La Salle sa basketball, kay raming may kotseng dumumog sa Araneta Coliseum.
Marami ang nakita kong driver na nakikipagsigawan sa security guard, paikot-ikot ang kotse, huli na sila sa game.
Isang Huwebes ng gabi, nag-champion na sa UAAP ang basketball team ng Ateneo.
At marami ang nagdiwang at nagluksa habang nilunod ng ulan ang gabing iyon.
Mayroon akong kagurong tukso ko ay “dikya,” pasintabi sa lamang-dagat na walang gulugod.
Parang karinderya ang buhay, bukas sa lahat ng gustong kumain.
Puwede sa lalake, pwede rin sa babae.
At minsan pinagsabihan, basta huwag sa sariling bakuran.
Pabalang na sagot ay “Sino kaya?” nang minsang mapasok rin ako sa insidenteng hindi naman namunga.
At naalaala ko ang kapangyarihan ng dikya, may kuryente ang galamay nito.
Mayroon akong kagurong tukso ko ay dikya, pasintabi sa lamang-dagat na nagiging higante sa mas maruming tubig.
RSS