News Update

Halaga ng sapatos at tao

in
Joy Sta. Maria*

Napadaan ako minsan sa isang sikat na tindahan ng rubber shoes sa isang mall. Habang abala sa pagtingin-tingin ng sapatos, di ko sinasadyang marinig ang usapan ng dalawang salesboy sa tabi ko, “Naghahanap ‘yung customer kanina ng made in USA! Hahaha! Wala siyang makikitang ganun!” sabi ng isa. Sagot naman nung isa, “Oo nga! Kung meron man, grabe siguro, ang mahal nun!”

Napaisip ako, bakit nga bihira kang makakakita ng sapatos na made in USA? Marami ang makakasagot nito. Ito’y sapagkat mas mura ang labor sa mga bansang Asya-Pasipiko.

Naisip ko lang ang pangyayaring ito nang mapanood ko ang bidyo ng dayuhang bandang Radiohead para sa kanta nilang “All I Need”. Bahagi ito ng kampanya ng MTV EXIT upang ipabatid sa mga tao ang malaking problema ng ilegal na pangangalakal at paggawa, halimbawa na ang child labor, sa mga bansang Asya-Pasipiko.

Ipinapakita sa bidyo ang dalawang bata na magkaibang-magkaiba ang uri ng pamumuhay. Sa isang banda ay isang Kanluraning bata na namumuhay nang matiwasay. Lahat ay meron siya – masarap na pagkain, magandang bahay na matitirhan at mahusay na edukasyon. Sa kabilang banda naman ay isang bata mula sa Asyanong bansa, walang maayos na matutulugan, halos hindi kumakain at napipilitang magtrabaho sa isang pagawaan ng sapatos. Maiksi lamang ang bidyo, pero malinaw ang mensahe nito.

Ano nga ba ang halaga ng isang simpleng sapatos na araw-araw isinusuot at ginagamit? Sa iba ay maliit na bagay lamang ito na puwedeng palitan kapag naluma na o nasira. Ngunit sa iba, ito’y isang produkto ng paghihirap, kapalit ang pawis, dugo, buhay at pagkatao.

Maganda ang hangarin ng MTV EXIT at Radiohead sa paggawa ng bidyong ito. Ibinubukas nito ang isipan ng marami sa isang isyu na mahalagang matigil at mapuksa. Pero maliban sa pagmulat ng isipan, sana ay magkaroon din ng aksiyon upang mahuli ang mga gumagawa nito at huwag hayaan na ang mga tao ay maloko, magamit at maabuso.

Kung tutuusin, ang isyu ng ilegal na pangangalakal ay maliit na tipak lamang sa isang napakalaking yelo ng mga isyu. Higit pa sa ipinapakita ng bidyong ito ay isang mas malalim na isyung sangkot ang nakararami sa atin.

Ang isyu ng pagpapahalaga sa sarili.

Malinaw na nakikita sa bidyo ang isang stereotype, kung saan ang mga Kanluraning lahi ay nasa mataas na lebel, samantalang mababa ang tingin sa mga bansang Asya-Pasipiko na tila mga alipin na walang halaga. Maski sa kuwento ko sa umpisa ay halata sa usapan ng dalawang salesboy ang paniniwala na mas mahal ang halaga ng mga bagay-bagay sa mga Kanluraning bansa.

Ito ba ang puno’t dulo ng mga panloloko at pang-aabuso na nararanasan ng ating lahi? Patuloy na mananatili ang mga problema tulad ng ilegal na pangangalakal kung may mga tao na mababa ang tingin sa halaga ng mga tao sa Asya-Pasipiko. At kung hahayaan rin natin na mangyari ito sa sarili natin. Kung pahahalagahan lang natin ang ating sarili higit pa sa isang sapatos na inaapak-apakan at kinakaladkad kung saan-saan, baka mas malayo sana ang narating natin ngayon. Walang sino man ang makapagsasabi ng halaga ng isang tao. Hindi ito maikukumpara sa kahit anong bagay na maiisip mo.

Ano nga ba ang halaga ng isang simpleng sapatos na araw-araw isinusuot at ginagamit? Higit pa sa inaakala mo. Ayon nga sa huling mga salita ng bidyo:

Some things cost more than you imagine.

 

*Gradweyt ng UP College of Fine Arts si Joy, mahilig rin siya sa musika at manaka-nakang nagsusulat.