News Update
Desisyon ng Korte Suprema sa executive privilege ikinabahala
Jack Dison Pablo
IKINABAHALA ang desisyon ng Korte Suprema na pagbigyan ang hininging executive privilege ni dating National Economic Development Authority Sek. Romulo Neri sa imbestigasyon ng Senado sa $329 Milyong kontratang NBN-ZTE.
Ayon kay Senate President Manny Villar, “Isa itong malagim na pangitain. Sa desisyong ito makikita natin kung paano dedesisyunan ang mga isyu [gaya ng Charter change] sa hinaharap.”
Sinabi naman ni Sen. Mar Roxas na bagaman nirerespeto niya ang pinal na desisyon ng Korte Suprema, naniniwala siyang “hindi dapat gamitin [ang executive privilege] sa mga proyekto, tulad ng NBN-ZTE, o iba pang isyung may kinalaman sa graft and corruption.”
Ipinagtibay ng Korte Suprema noong Setyembre 4 ang desisyon nito noong Marso na hindi kritikal sa paggampan ng tungkulin ng Senado ang pagsagot ni Neri sa tatlong tanong hinggil sa alam ni Pangulong Arroyo sa nasabing kontrata.
Samantala, nadismaya rin ang College Editors Guild of the Philippines o CEGP sa nasabing desisyon.
“Mapanganib ang desisyon ng Korte Suprema para sa susunod na mga imbestigasyong magsisiwalat ng mga anomalya sa gobyerno. Maaari nang gamitin ng mga kurakot na opisyal ang executive privilege para pagtakpan nag kanilang mga kasalanan,” ani Vijae Alquisola, pambansang pangulo ng CEGP, organisasyon ng mga pahayagang pangkampus.
RSS