News Update
Arabo, manliligaw ni Lorna Tolentino
Boy Villasanta
HINDI talaga mababakante ang beauty ni Lorna Tolentino na kabibiyuda lang kay Rudy Fernandez noong Hunyo.
Hindi matatawaran ang panghalina ng aktres sa kanyang mga tagahanga, lalaki man o kapwa babae dahil nasa kanya ang gayuma na matindi at naiiba.
Tulad na lang nang magtungo sila ng kanyang mga anak na sina Rafael at Renz Marion Fernandez sa Holy Land kamakailan para ipagdasal ang kaluluwa ni Rudy at upang magtika rin para sa pagpapakasakit ni Hesukristo para sa sangkatauhan.
Naglalakad lang sila nina Rafraf at Renz nang bigla na lang may lumapit kay Renz na isang dayuhan, mukhang Arabo at matindi ang dating. Totoo, Arabo ang lalaki at kinausap si Renz.
***
Ayon kay Renz, nagtanong sa kanya ang mama kung ano ang pangalan ni Lorna Tolentino at sinabi naman ng ngayon ay nakakontratang talent sa GMA Network.
“Grabe ang tama ng Arab guy sa mommy ko. Hindi ko akalain na gano’n pala ang appeal ni Mama kahit na saan at kahit na kanino. Kasi, ngayon ko lang naranasan ang gano’n,” sabi ni Renz.
Ayon sa batang aktor, nais niyang bigyan ng Arabo ng isandaang kamel ang kanyang ina.
At ano ang ibig sabihin nito sa kulturang Arabo?
Gustong ligawan at makamtan ng isang lalaking Arab ang isang babae sa anumang lahi kung nag-aalay na siya ng mga kamel.
Nais na rin na pakasalan ng Arabo ang isang babae kung gayon.
***
Pero blinangka ni Renz ang Arabo. Gusto niyang matiyak kung talagang wagas ang paghanga at pagmamahal kinalaunan ng banyagang ito sa kanyang ina na hanggang ngayon ay nagdurusa pa sa pagkamatay ng kanyang mister.
“Talagang sinabihan ko ang Arab na kung talagang gusto niya ang kasama kong babae ay bigyan niya ng isanlibong kamel at isang gas station. Hindi nakapagsalita ang Arab pero alam mo bang talagang nahalina siya ni Mommy.
“Nagpaparating pa rin ang Arab ng magagandang salita kay Mommy pero siyempre, pasintabi kay Papa, hindi niya magagawa ito. Alam ko ‘yon dahil anak ako. Damdam ko ang nasa isip at nasa puso ni Mommy,” sabi ni Renz.
***
Kahit si LT ay hindi nagsasalita nang patapos pero mas pipiliin niya sa mga sandaling ito na si Rudy ang kanyang paglingkuran kahit na ang kaluluwa lang nito ang kanyang gabay.
Nagtayo nga ng foundation para sa cancer victims si Lorna at ito ay para sa alaala ni Daboy.
Si Rudy pa rin ang itinitibok ng puso ni Lorna.
Si Fernandez pa rin ang buhay at pag-ibig ni Tolentino, walang labis, walang kulang.
***
Hindi naman totoo na aalis na sa showbiz at sa Pilipinas si Gabby Concepcion para bumalik at magtrabaho muli sa Amerika. Ayon kay Mrs. Rose Flaminiano, kilala rin sa tawag na Mommy Rose, paano mangyayari ‘yon ay ang dami pang dapat gawin ng kanyang alaga.
“Hanggang sa last quarter ng 2009 ang mga trabaho ni Gabby kaya paano siya babalik sa Pilipinas at iwan ang showbiz. Kumikita naman siya rito sa Pilipinas at mababait sa kanya ang mga Filipino.
“Bakit naman ganyan? Kung saan-saan nanggagaling ang maling balita. Hindi totoo na babalik na si Gabo sa Estados Unidos. Baka maikling bakasyon lang, puwede pa,” paglilinaw ni Flaminiano.
***
Itinuwid din ni Mrs. Flaminiano ang balitang nagsisintir si Gabby sa paglalagay sa kanyang sa kabilang sinehan kung saan dalawa ang pinagdausan ng premiere night ng pelikulang “For The First Time” ng Star Cinema sa Megamall.
Sa isang cinema nakalagak si Gabby at sa kabilang cinema naman nakaistar si Sharon Cuneta kasama ang kanyang asawang si Senator Francis Pangilinan.
Nang maipakilala na si KC Concepcion, ang bidang babae sa pelikula at si Richard Gutierrez, ang kanyang katambal sa obra, dinalaw pareho ni KC ang kanyang ama’t ina para walang problema at hindi siya maakusahan na may kinikilingan.
“Kahit sa CR mo ilagay si Gabby kung para sa kapakanan ni KC, gagawin ‘yon ni Gabby,” tahasang wika ni Flaminiano.
***
Inilibing na si Tiya Dely noong Sabado sa Loyola Marikina City rin pagkatapos na siya ay sumakabilang-buhay noong ika-1 ng Setyembre.
Bago ang ang paghahatid sa kanya sa huling hantungan ay pinarangalan siya ng mga organisasyon na kumikilala sa kanyang kahusayan at karapatan para sa dakilang pagkilala.
Ang isa sa malalaking grupo na nagbigay ng luksang parangal kay Tiya Dely, ang tinaguriang reyna ng radyo, ay ang University of the Philippines College of Mass Communication sa pamamahala ni Dekana Dr. Elena Pernia.
Sinabi ni Dr. Pernia na mahalaga ang mga kontribusyon ni Tiya Dely, Fidela Magpayo Reyes sa tunay na buhay, sa pagsasahimpapawid kabilang ang pagbibigay-puri sa mga pangkaraniwang tao na may idinudulog na problema sa kanya.
Binasa rin ni Elena ang citation ni Dr. Nicanor G. Tiongson sa ina ng radyo nang gawaran ito ng UPCMC ng Gawad Plaridel, ang pinakamataas na parangal sa isang propesyunal at may etiketang broadcaster na mataas ang dahika at kalidad.
***
Ang kapwa guro ni Pernia sa UPCMC na si Jane Vinculado ay nagpahayag ng kanyang pagiging tagahanga ni Tiya Dely nang ginagawa nila ni Jun Austria ang video presentation noong 2006.
Nakakapangalisag-balahibo ang video presentation kay Tiya Dely dahil umabot ang kanyang kasaysayan mula noong kolonyal na pamahalaang Amerikano sa Pilipinas kung kailan nauso ang radyo.
Sinundan naman ang pagpapaalsa ng mga balahibo ng mga tagapakinig at tagapanood nang magsalita si Elizabeth Enriquez ng kanyang natatanging pakikibahagi ng buhay kay Tiya Dely.
Si Enriquez na propesora sa UP Mass Comm at kasalukuyang Vice Chancellor ng UP ay nagsabing bale kaibigan ng kanyang pamilya ang namatay. “My father-in-law was the manager of DZRH nang ilunsad roon ang radio career ni Tiya Dely kaya close kami,” pahayag ni Elizabeth na naglimbag ng libro tungkol sa kolonyal na radyo sa Pilipinas sa pamamagitan ng UP Press.
***
Ang dating taga-DWIZ at ngayon ay titser sa UP na si Mel Estonilo ang nagsilbing guro ng palatuntunang pangnekrolohikal. “Hindi ko akalain na bilang isang fan ay magiging emcee ako sa eulogy ni Tiang,” sabi ni Mel.
Tinanggap naman ni Didi Reyes Villonia, ang babaing anak ni Tiya Del yang lahat ng magagandang salita ng mga nagtalumpati para sa kanyang ina.
“This I have to finally divulge. Alam ba ninyo na noong 2005 I had to retire from my work para samahan sa radio booth ang mother ko. Bulag na kasi siya at hindi na masyadong makakita. Ipinagpapagawa ko siya ng idiot board na sixty font pero hindi na rin niya nabasa kinalaunan.
“I was her eyes. Talagang ako ang nagbabasa para sa kanya at sinasabi ko naman sa kanya nang malakas at malinaw para memoryahin niya. Nagpapasalamat ako sa inyong walang sawang pagmamahal sa aming ina,” sabi ni Didi.
***
Kaya naman pala napagkamalang ina ni Didith Reyes, ang kontrobersiyal na singer, ay Didi ang pangalan ng tunay na anak ng namayapang broadcaster.
Nagpahayag ng kalungkutan si Boots Anson Roa sa pagpanaw ni Tiya Dely. Si Tiya Dely na kasagsagan ang kasikatan nang hindi pa nagsisimula si Boots sa showbiz at nang sumikat ay naging kasinsikat din ng kanyang idolo.
“She’s a loyal friend,” sabi naman ni Baby O’Brien.
Nagbigay-pugay rin si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa loob ng 15 minuto gayundin, natagalan naman ang amang kongresista ni Senator Chiz Escudero.
Hindi nagpahuli sa pakikiramay si Susan Roces gayundin sina Pepe Pimentel at Manuel Morato.
Pinarangalan din nina Deo Macalma at ng buong DZRH ang kamatayan ni Tiya Dely, isang institusyon sa radyo at telebisyon.
RSS
Arabong Na-Mesmerize
Nanggaling din ako sa Holy land last January at hindi ako artista pero mula't sapul, hanggang sa ngayon na 51 years old ako, panay ang paghanga ang natatanggap ko.
5,000 camels ang inoffer ng Egyptian sa aking mister. My husband is caucasian at hindi siya nagtaka na nabighani sa akin ang arabo.
Pati ang isang stall vendor sa Old City na Jewish ay tapatang naghayag na maganda daw ako.
Iba kasi ang features nating mga Pinay kaya ganun. At hindi rin sila nahihiyang isiwalat ang ganun.