News Update

Ang dapat managot sa krisis





SINISIGURO raw ni Pangulong Arroyo: Hindi tayo maaapektuhan ng pandaigdigang krisis sa ekonomiya. Pero kapani-paniwala pa ba ito?

Kalimutan na nating ito ang presidenteng nagsabing hindi na siya tatakbo noong 2004, na gaganda ang buhay ng mga maralita dahil sa EVAT (Expanded Value-Added Tax), na iginagalang ng militar ang karapatang pantao sa kabila ng iniuulat ng mga eksperto sa United Nations. Hindi pa rin tayo mapapaniwala ni Arroyo.

Sa bawat bigwas ng krisis sa ekonomiya sa panahon ni Arroyo, ordinaryong mga mamamayan ang napupuruhan. Mula sa krisis sa bigas hanggang sa pagsirit ng presyo ng langis, hindi ang dambuhalang mga korporasyon ang pumapasan, kundi ang ordinaryong mga mamamayang pumipila sa mga tindahan ng bigas at namamasahe sa pampublikong mga sasakyan. Lalong hindi ang gobyerno, na kabaliktaran pa ang ginagawa: sa panahong tumataas ang pinapasan ng mga mamamayan na presyo ng langis, lalong hinuhuthutan nito ang taumbayan sa pamamagitan ng pangongolekta ng VAT.

Maganda ang pagsusuri ni Paul Quintos, ekonomistang maka-manggagawa mula sa Eiler, Inc. (Ecumenical Institute for Labor Education and Research, Inc.), hinggil sa epekto ng pandaigdigang krisis ngayon sa mga manggagawa. Aniya, “Ang mismong problema ng stagflation noong huling bahagi ng dekada ’70 ang ginamit na dahilan ng monopolyo kapital para paigtingin ang mga atake sa uring manggagawa.” Sa panahon ng krisis, pinagdidiskitahan ng mga kapitalista ang ginagastos ng gobyerno sa mga serbisyong panlipunan sa halip na silipin ang sistemikong problema. Pinagdidiskitahan ng mga kapitalista ang sahod, pati na ang karapatan ng mga manggagawa.

Ang layunin nito ay para protektahan ang interes at prebilehiyo ng mga kapitalista.

Ipinagmamalaki ng gobyernong Arroyo na hindi maaapektuhan ng pandaigdigang krisis ang ating mga bangko tulad ng pagbagsak ng malalaking bangko sa US. Pero kasabay nito, hinihikayat niya ang tuluy-tuloy na paggastos ng taumbayan, laluna’t paparating na ang Pasko. Kinakabahan na ata ang Pangulo. Alam niyang puro pambobola lang ang sinabi niyang hindi tayo maaapektuhan ng pandaigdigang krisis. Alam niyang kapag sumirit pang lalo ang mga presyo, siguradong titindi ang disgusto sa kanyang pamamalakad. Lalong manganganib ang kanyang mabuway na ngang liderato.

Kunsabagay, tama nga ang sinabi ni Benjamin Diokno, propesor sa UP School of Economics na kahit kontra kay Arroyo ay tagapagtaguyod pa rin ng neoliberal economics: Wala namang ibang magagawa ang gobyerno kundi manawagang ibayong gumastos ang publiko para di ito tuluyang lumubog. Sa gobyernong tulad ng kay Arroyo, maaasahan na nating paiigtingin niya ang paghimok sa taumbayan na mangibang-bansa. (Sa Oktubre, lalong paiigtingin nga niya ito, dahil sa Pilipinas gaganapin ang Global Forum on Migration and Development o GFMD na naglalayong gawing opisyal na landas ng “kaunlaran” ang pag-eeksport ng lakas-paggawa.)

Asahan na nating gagawin ang lahat ng ito ni Arroyo, habang magmamaang-maangan sa kinakailangang pundamental na pagbabago sa ekonomiya, tulad ng pambansang industriyalisasyon at repormang agraryo. Asahan na rin natin na magbibingi-bingihan ito kahit sa kagyat na mga hilig ng taumbayan tulad ng pagrolbak sa presyo ng langis, pagbasura sa VAT, pagdagdag ng P125 sa sahod ng mga manggagawa at pagbasura sa deregulasyon ng langis. Asahan na nating hanggang pambobola na lang ang gobyernong Arroyo.

Sa panahong ito ng krisis sa pandaigdigang ekonomiya, huwag sana nating hayaang ipasa sa atin ang bigat ng krisis. Hindi tayo ang lumikha ng krisis na iyan. Hindi tayo ang dapat managot. (KRG)