News Update
‘Mukhang remitans’ si Gloria
Soliman A. Santos
GAANO kalahaga ang mga OFW (overseas Filipino workers), o mas tamang sabihin, ang kanilang remitans nila, para sa gobyerno?
Sa isang forum hinggil sa migrasyon at remitans noong Setyembre 18 sa Trinity University of Asia, potensiyal na mga OFW ang tingin ng kinatawan ng BSP (Bangko Sentral ng Pilipinas) sa mga odyens na pawang mga estudyante ng nursing sa naturang pamantasan.
Mahihinuha sa mga pahayag na ito ang pagtingin at polisiya ng gobyerno hinggil sa pangingibang bansa. Pinapayagan nito o hinihimok pa nga ang mga kabataang estudyante para magtrabaho sa ibang bansa. Ang dahilan: Ang limpak-limpak na salaping ipinadadala ng mga migranteng Pilipino ang sumusuhay sa naghihingalong ekonomiya ng bansa.
Bakit nga hindi uudyukan ng gobyerno ang kabataan na mangibang bansa? Sa ulat ni Direktor Iluminada Sicat ng Department of Economic Statistics ng BSP, $14.5 Bilyon ang isinampang remitans ng mga OFW. Inaasahan pang tataas ito ngayong taon dahil sa unang hati pa lamang ng taon, umabot na ito sa $9.6-B.
Pakinabang ng remitans
Katumbas ito ng 10% ng GDP (gross domestic product) ng bansa at halos apat na beses na mas malaki sa foreign direct investments, pagmamalaki ni Sicat.
Para lalong gatasan ang mga OFW, target ng BSP na himukin ang lalong pagpasok ng remitans. Dapat din daw pondohan ng mga OFW ang anila'y produktibong mga aktibidad tulad ng pagpapaunlad ng akses sa serbisyong pampinansiya. Kailangan din daw gastusan ang pagpapataas ng antas ng kaalaman ng mga kaanak ng mga OFW sa "tamang" paggastos ng tinatanggap nilang remitans.
Sa usapin ng remittance charges ng mga bangko na inirereklamo ng mga migrante, sinabi ni Sicat na nakalagay ang listahan ng mga ito sa website ng BSP. "Puwede silang mag-shopping para sa pinakamamabang rates," aniya.
Ayon kay Sicat, nagbubunga ng trabaho ang remitans ng mga OFW. Sa pamamagitan ng ipinadadalang remitans sa kanilang pamilya, tumataas umano ang pangangailangan sa mga pangunahing bilihin at serbisyo kaya magreresulta sa pagtatayo ng mga pabrika para sa mga pangangailangang ito.
At kapag may pabrika, natural, may trabaho.
Kung mag-iipon naman sa bangko ang mga OFW, magagamit ng mga bangko ang kanilang pera sa pagpapautang na magagamit sa pamumuhunan ng mga kompanya na magreresulta rin sa trabaho.
Bukod dito, malaking tulong ang dolyar na ipinadadala ng mga OFW dahil ginagamit ito ng gobyerno sa pagbili ng mga imported na produkto tulad ng langis at iba pa.
Bagong bayaning binubuwisan
Pero, tanong naman ng mga OFW, kung malaking tulong ang remitans nila sa bansa, bakit binubuwisan pa at pinapatungan pa ng iba't ibang bayarin ang pagpapadala nila ng remitans?
Daing ni Benedicta Tee, kaanak ng isang OFW sa Hong Kong, kulang na kulang na ang ipinadadalang $200 o halos P10,000 sa kanila dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo sa bansa.
"Nauubos na ito sa kuryente, tubig, at iba pang bilihin tulad ng pang-araw-araw na pagkain. Isama pa ang pag-aaral ng mga bata. Wala talagang matitira kaya imposibleng makaipon ang isang pamilya ng OFW na katulad namin," ani Tee.
Aniya pa, kung tatanggalin ang mga dagdag na bayarin sa remitans, katumbas ito ng pamasahe ng mga bata sa isang buwan o kalahating kaban ng bigas para sa isang pamilya.
"Malaking ginhawa na rin ito kahit paano kaya nanawagan kami sa gobyerno na tanggalin na ang mga bayaring ito," sabi pa ni Tee.
Ayon naman kay Connie Bragas-Regalado, tagapangulo ng Migrante, bagamat maliit na ginhawa, kailangang-kailangan na ito ng mga migranteng Pilipino."Kumikita ang gobyerno ng halos P62Milyon kada buwan sa remitans ng mga OFW. Habang $1-B ang tinutubo ng mga bangko, bakit hindi magawang pagbigyan ng gobyernong Arroyo ang aming panawagan?" tanong ni Regalado.
Nagbabayad ng 0.15% ang mga OFW sa gobyerno kada pagpapadala ng remitans sa pamamagitan ng DST o documentary stamp tax samantalang $15-$20 naman ang singil ng mga bangko sa tuwing magpapadala ang mga OFW na tinatayang aabot na sa sampung milyon.
"Bukod pa ito sa mga samu't saring bayarin na sinisingil sa mga OFW bago pa man sila makaalis sa bansa," dagdag ni Regalado.
Pabor din si Sen. Mar Roxas sa pagtanggal ng DST at inihain ang Senate Bill 2479 para sa panukala. "Kung mapupunta lang ang pera sa kung saan-saan sa gobyerno, mas mabuti pang maiwan na lang ito sa kamay at bulsa ng mga pamilya na siyang tatanggap nitong pera," aniya.
Mukhang remitans lang ang tingin ng gobyernong Arroyo sa mga OFW, ani Regalado. Samantala, hindi naman nito natutugunan ang mga suliranin ng mga OFW sa ibang bansa.
Sa dokumentasyon ng Migrante, 5,000 Pilipino ang nakakulong sa iba't ibang bansa sa daigdig, at kalakhan nito'y walang legal na tulong mula sa mga embahada.
Dalawampu't siyam sa mga ito ang nakahanay sa death row.
"Hinahayaan lang ng gobyerno na mamatay ang itinuturing nitong mga ‘bagong bayani'. Sa ilang bansa, sa Middle East, hinahatulan ng kamatayan ang mga OFW sa pamamagitan ng pagbato hanggang siya ay mamamatay. Paano ito pinalalampas ng gobyerno?" sabi pa ni Regalado.
Baligtad na kaunlaran
Samantala baligtad naman ang tingin ng Ibon Foundation sa kaunlarang idinudulot ng migrasyon.
"Unang-una, hindi produktibo ang isinasampa ng remitans. Pambayad lang ito sa serbisyong kinokonsumo ng pamilya ng OFW. Household welfare lamang ito. At ang household ay hindi ang ekonomiya," paliwanag ni Sonny Africa, punong tagapagsaliksik ng Ibon.
Hindi rin umano ito dapat ihalintulad sa GDP o FDI dahil ang mga ito ay "malinis" na puhunan o pera. Ibig sabihin, puhunan ito na magagamit sa produksiyon habang ang remitans ay ginagamit na kaagad ng mga pamilya ng OFW.
Ayon pa kay Africa, sinasaid ng migrasyon ang lakas-paggawa, mental o pisikal, ng bansa. "Ang mauunlad na bansa ang nakikinabang sa ating lakas-paggawa. Kaya mapapansin natin na ang mga kursong iniaalok ngayon ng mga eskuwelahan ay nakatuon na sa nursing, engineering at iba pa dahil ito ang kinakailngan ng pandaigdigang merkado," ani Africa.
Nagagamit pa umano ng gobyerno ang migrasyon para pagtakpan ang mga kakulangan nito sa pagpapaunlad ng ekonomiya.
"Halimbawa, umaabot na sa apat na milyong Pilipino ang walang trabaho sa bansa. Kung idagdag natin ang halos 10 milyong OFW, na napilitang mangibang-bansa dahil wala ngang maibigay na trabaho ang gobyerno, lalabas na 14 milyong Pilipino ang walang trabaho. Bukod pa ito sa walong milyon na hindi sapat ang kinikita o 'yung mga underemployed," sabi pa ni Africa.
Patuloy ang panawagan ng Migrante International sa pagpapatanggal ng mga bayarin sa remitans.
"Sa katunayan, ituturing naming "Zero Remittance Day" ang darating na Oktubre 29, para iparating an gaming hinaing at bilang protesta na rin sa unang araw ng ikalawang GFMD (Global Forum on Migration and Development) na gaganapin dito sa Pilipinas," sabi ni Regalado.
Nakatakdang magpulong ang mga lider ng ilang bansa sa GFMD, mula Oktubre 29-31 para talakayin ang umano'y kaunlarang dulot ng migrasyon.
Tutol naman dito ang Migrante kasama ng iba pang organisasyong pang-migrante. Kasabay ng GFMD ilulunsad naman nila ang International Assembly of Migrants and Refugees.
"Tatapatan naming mga migrante ang forum na pangangasiwaan ng gobyernong Arroyo at ilalantad sa buong mundo ang tunay na mukha ng migrasyon; kahirapan, pang-aabuso at gatasang-baka, taliwas sa kaunlarang gustong ipangalandakan ng postergirl ng GFMD na si Ginang Arroyo," pagtatapos ni Regalado.

RSS
dapat ibasura ang bayarin!
dapat ibasura na ang mga bayarin ng mga migrante!
pres mar roxas?
di kaya nagpapapel lang si mar sa mga migrante dahil gusto niyang tapatan ang pagpapanggap naman ni villar na maka-OFW?