News Update

Walang ginto sa 2008 Beijing Olympics para sa mga Pinoy

in

Darius Galang

UUWING luhaan ang mga atletang Pinoy matapos ang dalawang linggo ng pagkakasadlak sa iilang mga palarong sinalihan ng bansa sa 2008 Beijing Olympics.

Ang huling dagok sa kampanya ng Pilipinas sa 2008 Beijing Olympics ay naramdaman nitong Biyernes nang yumuko si Mary Antoinette Rivero sa katunggali niyang si Sandra Sacic ng Croatia, habang isinara ng diver na si Ryan Fabriga ang kampanya ng bansa sa pagkakalugmok niya sa 10-meter platform dive.

Ito ang ikatlong sunod na olimpiyada na walang naiuwing medalya ang bansa, mula noong 2000 Sydney games.

Mahabang dalawang linggo ang dinanas ng 15 atleta na sumabak sa kani-kanilang mga torneo. Mula nang naligwak si Eric Ang sa shooting, sunud-sunod na ring nawala sa kompetisyon ang iba. Bumagsak sina Mark Javier sa Archery, ang limang mga manlalangoy, sina Henry Dagmil at Maresteila Torres sa athletics, kasama si Tshomlee Go at Harry Tañamor.

Nakakuha naman ng ilang mahahalagang marka ang ilang atleta. Binasag ni Hildalyn Diaz ang kanyang sariling marka sa -58 kg. weightlifting at umabante sa sumunod na yugto ng kanyang laro, upang bumagsak sa talaan. Siya ang pinakamaningning na proyekto ng kanyang laro, na nakapasok sa Olimpiyada sa murang edad na 17, at inaasahang magpapatuloy na mag-eensayo para sa ilan pang susunod na Olimpiyada.

Si JB Walsh naman ang unang Southeast Asian na nakalangoy ng menos-dos minutos nang nagtala siya ng 1:59:39, mas mababa sa kanyang sariling marka na 2:42. Nauna siya sa kanyang heat para sa 200m butterfly, ngunit umakma lamang bilang ika-29 ang manlalangoy sa 44 na manlalaro.

Nabasag naman nina Christel Simms, Daniel Coakley at Miguel Molina ang ilang Philippine record sa kanilang paglangoy. Nagtala si Simms ng 56.67 sa women’s 100-meter freestyle, upang mabasag ang kanyang sariling Philippine record na 57.17. Nagtala si Coakley 22.69 sa 50-meter freestyle, habang nakapag-oras si Molina ng dalawang minuto at 1:61. Apat na bagong RP swimming records at dalawang marka sa SEAG ang itinumba ng mga manlalangoy sa loob ng tatlong araw nilang pagsabak.

Bagaman nakakuha ng ilang impresibong marka ang mga manlalangoy, hindi ito sapat sa ipinakitang gilas ni Michael Phelps sa pool, kung saan sinira niya ang mga rekord at pagsakmal niya sa walong gintong medalya para sa swimming. Ang walong ginto ay nagbigay-karangalan na rin sa kanya bilang "greatest Olympian of all time"

Pinakamasakit ang pagkatalo ng dalawang atletang inaasahang makakasampa sa medal round ng kanilang mga laban. Tinalo si Tañamor ni Manyo Plange ng Ghana, 6-3, sa unang yugto lamang ng kanilang torneo, habang dinanas ni Go ang parehas na pagkakatalo sa mga sipa ni Ryan Carnelli ng Australia. Maraming nakakita na nakapuntos ng mas marami si Go ngunit hindi naitala ng mga hurado. Inulan ng kritisismo ang buong palaro ng taekwondo sa ilang malabong pagkakatalo ng mga atletang sumabak rito.

Isinara ng wushu ang kampanya ng bansa, ngunit bilang demonstration sport lamang. Nakapag-uwi ng ginto si Willy Wang sa kampanya niya sa kanyang event na nanquan (form), habang nakuha nina Benjie Rivera at Mary Jane Estimar ang tig-isa pang bronze medals. Ito ang pangalawang ginto ng Pilipinas sa mga demonstration sport sa Olimpiyada. Unang nakakuha ng ginto si Arianne Cerdeña sa bowling noong 1988 Seoul Olympics ngunit hindi isinasali sa opisyal na talaan ang nakuhang medalya galing sa mga demostration sports.

Gaganapin ang susunod na Olimpiyada sa 2012 sa London.