News Update

Vhong, ipinakilala na ni Desiree sa kanyang pamilya

in

Boy Villasanta

 

PROBINSIYANANG-PROBINSIYANA pa rin si Desiree del Valle kesehodang siya ay sosyal at taga-Amerika pa.

Hindi niya nakakalimutan ang Lopez, Quezon, ang bayang sinilangan ng kanyang inang si Lourdes del Valle.

Basta't may panahon lang ay umuuwi si Desiree sa kanilang lugar, sa Barangay Manguisian at ginugugol ang kanyang mga oras para mapatunayan na hindi siya nakakalimot lumingon sa kanyang pinanggalingan.

Tulad lang na lang kamakailan nang magdiwang ng kaarawan ang lola ni Desiree sa Lopez.

***

Kauuwi lang mula sa US ni Lourdes at panata nito na magbigay ng piging sa kanyang ina na matanda na.

Sumama si Desiree sa kanyang ina at isang linggo ang kanilang inilagi sa lalawigan.

Hinanap ng mga tao kay Desiree si Vhong Navarro dahil nga sila ang magkasintahan pero ayon sa batang aktres, maraming trabaho si Vhong kaya hindi nakasama.

"Pero gusto niyang magbakasyon dito sa Lopez," pahayag ng mestizang aktres.

“Hayaan mo, pag may time ‘yan, bigla na lang ‘yan darating,” pangako ng dalaga.

Matagal nang magkatipan sina Desiree at Vhong at naipakilala na niya ang komedyante sa kanyang mga lolo at lola.

***

Mukhang malabo pa lang si Navarro kay Lourdes na ayaw magkomento sa kanyang manugang na hilaw. “No comment ako sa kanya,” mabilis na pahayag ni Lourdes.

Samantalang hindi maipinta ang mukha ni Desiree sa hindi man lang pagsasalita ng kanyang ina.

Inabot sina Desiree ng Linggo ng Wika sa Lopez at kung nainip lang sila ay nakipagsayaw sana sila sa selebrasyon nito sa bayan.

***

Kasalukuyang itinatanghal ang Moonrise Film Festival sa Robinsons Galleria Movieworld sa Ortigas na itinataguyod ang Center for Environmental Awareness and Education.

Sampung lahok ang nakapasok sa ikatlong taon ng pestibal kung saan pipiliin ang Grand Charlie Award sa pinakamahusay na dokyumentaryo tungkol sa pangangalaga ng kalikasan.

May premyo rin sa Best Direction, Best Cinematography, Best Story, Best Production Design at People’s Choice Award sa pinakamaraming nanood sa pelikula.

***

Si Iza Calzado ang pangunahing tagapagtaguyod ng Moonrise Filmfest na bagay na bagay lang naman sa konsepto dahil mahilig sa kapaligiran ang aktres. Hindi nga ba’t siya ang bida sa pelikulang “Batanes” na pinagtambalan nila ni Ken Chou.

“Para sa akin po, kaliangang pangalagaan natin ang ating kapaligiran dahil ito ang nagbibigay sa atin ng buhay,” matalinhagang pahayag ni Iza sa paglulunsad ng Moonrise Film Festival sa Robinsons Galleria kamakailan.

Panauhing pandangal si Department of Environment and Natural Resources Secretary Angelo Reyes sa premiere night ng Moonrise filmfest at siya ay inayudahan ng Center for Environmental Education and Awareness o CEAE na pinamumunuan ni Jukka Holopainen.

***

Alam ba ninyo na kahit si Secretary Reyes ay nagtaka kung saan kinuha ang katagang Moonrise sa pestibal?

“Kasi, inamin din sa akin ni Jukka na nang i-conceptualize niya ang film festival na ito, the moon was rising kaya ganyan ang tawag niya sa okasyon na ito,” pahayag ni Reyes na halatang tuwang-tuwa sa kanyang partisipasyon.

Sina Dingdong Dantes at Nikki Gil naman ang magiging emcee sa awards night ng filmfest na gagawin sa ika-29 ng Agosto sa Robinsons Galleria Cinema 3 rin.

Good luck na mga magwawagi.

***

Samantala, marami ang nagsasabi na baka may koneksyon ang mga tattoo ni Francis Magalona sa kanyang sakit na leukemia. Na naimpeksyon na ang kanyang dugo nang magpa-tattoo siya noong kasagsagan ng kanyang pagka-jeproks.

Ayon sa isang peryodista, malaki ang kaugnayan ng pagtuturok ng karayom sa balat dahil nanunuot ito sa himaymay ng laman at sa ugat ng dinadaluyan ng dugo.

Stage 3 ang bahagdan ng karamdaman ng kanser ni Francis kaya naman nagdarasal ang mga nagmamahal sa kanya na sana’y makaligtas siya sa sakit na ito.

***

Naipalabas nang maluwalhati ang pelikulang “Latak” ng Outline Films sa direksyon ni Jowee Morel. Napakabilis ng editing ng pelikula at ito ang maipagkakapuri.

Bagamat pumalpak ang projector na inarkila ng Outline Films dahil nagdulot ito ng maraming washed out sa mga bahagi ng pelikula, nairaos nang mainam ang premiere showing.

Maraming taong nanood kabilang mismo ang mga direktor na sina Arman Reyes at Jeffrey Jeturian. O, laban ka?

Hindi basta-basta napapapunta sa mga direktor na ‘yan sa mga premiere night ng kung anu-ano lang na obra.

***

Kumpleto ang miyembro ng cast sa pangunguna ni Mercedes Cabral na hindi na natapos ang pelikula dahil may shooting pa siya ng isang pelikula.

Siyempre, nandoon si Marc Jacob, ang katambal ni Zach Urdaneta sa istorya bilang bading na ka-live-in ng isa pang may pagka-bading.

Kasama ang kanyang ina at mga kaibigan, dumating si Chanel Latorre sa okasyon na bihis na bihis. Fashion plate talaga ang babaing ito.

Pati na ang sosyal ang beauty na si Pia Millado ay hindi nagpahuli sa kanyang pagdatal pati na rin si Geraldine Tan na isa sa may mahahalagang papel na ginagampanan sa pelikula.

***

Nakakainis lang ang JBD Productions dahil hindi nito naibigay ang mga wastong kasangkapan sa pagtatanghal samantalang naturingan itong rental service pero hindi kumpleto ang mga gamit.

Sana ay maging propesyunal naman sana ang produksyong ito dahil propesyunal namang kausap si Morel.

Mabuti na lang at naiadya ito nang umeksena na ang peryodistang pampelikula na si Dennis Adobas at naayos ang lahat ng gusot.

***

Ipinagdiwang ni Fernando Poe, Jr. ang kanyang ika-69 na taong kaarawan kahit na wala na siya sa ating piling ay buhay na buhay ang kanyang diwa sa ating mga puso at isip.

Ito ang nangibabaw na sentimiyento sa lahat nang dumalo sa Reunion of FPJ Friends and Supporters na idinaos sa Mowelfund noong ika-20 ng Agosto.

Bagamat hindi nakarating si Susan Roces dahil umaga pa ay inulan na siya sa North Cemetery nang bisitahin niya ang puntod ng kanyang asawa kaya ang nagpakita at nagsalita na lang sa programa ay si Mary Grace Poe Llamanzares.

Sinabi ni Mary Grace na binigyan siya ng credit card ng kanyang ama bago ito mamatay pero walang lamang pera ang card kundi ang pangangalaga niya sa malinis na pangalan nito.

***

Pinatotohanan ni Boots Anson Roa na napakabait ni FPJ sa kanya at sa mga miyembro ng Mowelfund. "Three months bago siya mamatay, nagpunta siya rito sa Mowelfund at nagsalita sa mga tao,” kuwento ni Boots.

"Nagparamdam naman siya nang buksan ang FPJ Hall of National Artists nang ibigay ni Susan ang suporta ng mga Poe sa pagpapagawa nito," wika ni Roa.

Nananawagan sina Rez Cortez, Bebong Osorio, Jose “Kaka” Balagtas, Telly Babasa, Amay Bisaya, Leo Martinez at marami pang iba sa makatarungang pamumuhay sa Pilipinas.