News Update

Technological doping?: Ang kaguluhan sa Speedo LZR Racer

in

Darius Galang

MAHIHIRAPAN ang mga Pinoy na manlalangoy sa darating na Olimpiyada sa Beijing, hindi lamang sa kumpetensiya, kundi maging sa kagamitan.

Kontrobersiyal ang isang panlangoy na kasuotan na inilabas ng Speedo kamakailan. Ang kasuotang tinawag nilang LZR Racer ay nakabasag na ng ilang world record sa ilang trial basis at maging sa opisyal na time trials. Ibinaba ni Michael Phelps ng US ang kanyang tala sa Men's 400m individual medley, habang nagbigay ng bagong rekord na oras si Katie Hoff sa Women's 400m individual medley.

Sa kabuuan, 40 world record na ang nabasag ng mga manlalangoy na sumuot ng LZR Racer mula Pebrero nitong taon. Marahil ito ang dahilan kung bakit nagpaubaya ang Nike na pagsuotin ng kakumpetensiyang brand ang kanilang mga manlalangoy. Ang manlalangoy na Hapon na si Kosuke Kitajima ay sumubok rin at nabasag ang rekord ng 200-meter breaststroke. Ngunit nagkaroon siya ng ilang diskusyon sa Japan Swimming Federation, at sa Mizuno na isponsor ng kanyang swimwear.

Gawa sa makabagong teknolohiya ang naturang swimwear. Maging ang NASA ay nagsagawa ng pagsubok sa kasuotan. Ipinagtibay nila na malaki ang ibinabawas nito sa tinatawag na hydrodynamic drag na natural na pumipigil sa mga manlalangoy. Habang suot ang swimwear, na gawa sa materyal na water repellent, at hinabi (hindi tinahi) gamit ang makabagong teknolohiya sa eksaktong lugar upang umayon sa streamline ng katawan habang lumalangoy, makakaranas ang manlalangoy ng kakaibang bilis sa tubig. Paglangoy na parang rocket ang  naramdaman ni Michael Phelps, habang "parang lumalangoy pababa sa bundok" ang pakiramdam ng Australian na si Libby Lenton sa pagsubok nila ng Racer.

Maraming kritiko ang diskumpiyado sa paggamit ng Racer sa darating na Olimpiyada. Technological doping, anila, na ikinukumpara sa paggamit ng ipinagbabawal na droga ang paggamit ng kasuotang panlangoy sa opisyal na palaro tulad ng Olimpiyada. Magbibigay diumano ng malaking disbentahe ang kagamitan sa mga hindi nakasuot nito, sa isang palarong kahit ilang bahaging agwat ng segundo ang magpapasiya ng kung sino ang mananalo.

Ilang kritiko naman ang nagpahayag na isang marketing scheme lamang ang buong kaguluhan ukol sa naturang kasuotan. Hindi naman kasi ganoon kamura ang Racer. Nagkakahalaga ito ng higit sa $500. Sa huli, anila, ang performance ng atleta ang dapat na unang isaisip ng atleta, at ikalawa na ang kagamitan. Kumbinsido ang ilan na ang sapat na pagsasanay ang dapat maging sukatan ng performance sa kahit anong paligsahan. "It still comes down to the fact you better be a well-prepared athlete or you don't have a hope in hell, suit or no suit," ani Tom Johnson, na nagsalita para sa kabuuan at hindi lang para sa kanyang koponang Canada.

Para naman sa Philippine Amateur Swimming Association, gagamitin pa rin ang swimwear  na gawa ng Arena ng Italya. Gamit na ng koponan ang naturang brand mula pa noong 2005 Manila Southeast Asian Games. "Our swimmers have always done well in Arena," ayon kay Mark Joseph, Chairman ng PASA. Idinugtong pa niya na gamit rin ang naturang brand ng mga Pinoy na divers at water polo players.

Hindi rin naniniwala si Joseph na ang kontrobersiyal na swimwear ng Speedo ay may kinalaman sa kasalukuyang pagbabasag ng mga world record. "I look at the swimmers, not the suits," aniya.

Ayon pa kay Joseph, ang pagsasanay ng atleta ang pamantayan at hindi ang kung anupamang kagamitan: "They are talented and they have the potential. The field is tough, but I believe that they can still measure up to the competition in Beijing."