News Update
Stamp tax dagdag pahirap sa OFW
BINATIKOS ng Migrante International ang DST o documentary stamp tax na kinukolekta ngayon ng mga money transfer firm dahil isa na naman umano itong dagdag pahirap sa mga OFW (overseas Filipino workers ) na matagal nang kinukuhanan ng mataas na bayarin sa remitans.
Inanunsiyo ng Western Union Co. kamakailan na nagsimula na silang mangolekta ng stamp tax sa mga perang ipinadadala ng mga OFW, na ayon din sa kanila ay ireremit naman sa gobyerno.
“Mukhang gustong sairin ng gobyernong Arroyo ang aming pera. Hindi pa nakuntento sa bilyong dolyar na halaga ng remitans na ginagamit para sagipin ang ekonomiya ng bansa, ginagamit naman nito ngayon ang mga cash transfer firm para makakuha pa ng dagdag na buwis sa mga OFW sa anyo ng 0.15% DST,” ayon kay Connie Bragas-Regalado, tagapangulo ng Migrante.
Sa inisyal na pag-aaral ng Migrante, hindi bababa sa $15-$22 ang sinisingil sa bawat $200 remitans na naipapadala kada buwan.
Sa kabuuang 10 milyong OFW nagpapadala kada buwan, tumataginting na $1B ang kinikita ng mga bangko.
Kumikita naman ang gobyerno ng tinatayang $1.5M o P62M sa bawat bilyong dolyar na remitans kada buwan. Bukod pa ito sa iba pang bayarin na sinisingil sa OFW bago pa man siya makaalis ng bansa.
“Habang ang gobyerno at malalaking negosyo ay nagkakamal ng dambuhalang tubo, halos wala namang natitira sa mga OFW. Ang $200 buwanang remitans na ipinadadala namin sa aming pamilya ay lalong lumiliit ang halaga dahil sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin at serbisyo,” ani Regalado.
“Sa halip na tugunan ang panawagan naming alisin ang mga bayarin sa remitans, ang tanging sagot ng administrasyong Arroyo ay ‘pag-aaralan pa’...Ang dapat ay alisin ang mga bayaring ito na sumisipsip sa dugo, pawis at luha naming mga OFW,” dagdag ni Regalado.
Tatalakayin ng mga OFW at kanilang pamilya ang usapin ng remitans at iba pang suliranin ng mga OFW sa International Assembly of Migrants and Refugees na gaganapin sa bansa sa Oktubre 28-30 kasabay ng ikalawang Global Forum on Migration and Development na tinatangkilik ng gobyernong Arroyo.Soliman A. Santos
Related Articles
- Apela ni GMA para sa OFW na nasa death row, pinuna ng Migrante
- Pag-aresto ng gobyerno ng Malaysia sa lider migrante ng Nepal kinastigo
- Iskemang visit visa pinaiimbestigahan ng Migrante
- Gobyernong Arroyo makupad sa pagsaklolo sa binitay na Pinoy sa KSA - Migrante
- Gobyernong Arroyo ‘ipokrito’ sa paghingi ng public apology sa BBC
RSS