News Update
Sa pagbagsak ng negosasyon sa WTO: RP binalaan sa kasunduang bilateral
Soliman A. Santos
NAGBABALA ang grupong Bayan (Bagong Alyansang Makabayan) na dapat bantayan ng Pilipinas ang pagpasok sa mga kasunduang bilateral matapos mabigo ang mayayamang bansa na itulak ang lalo pang liberalisasyon sa pamamagitan ng WTO (World Trade Organization).
Noong Hulyo 30, bumagsak ang negosasyon ng WTO sa Geneva, ang pinakahuli sa serye ng pumalyang mga usapan simula nang mailunsad ang bagong negosasyon sa kalakalan sa Doha, Qatar noong 2001.
“Mukhang lalong humihina ang WTO dahil sa magkakatunggaling interes ng mga mayayamang miyembro nito. Ipinakikita nito ang lumalalang kontradiksiyon sa pagitan ng agenda ng US, EU (European Union), at Japan na mangibabaw sa pandaigdigang ekonomiya,” ayon kay Dr. Carol Araullo, tagapangulo ng Bayan.
Sinabi ni Araullo na maaasahang mas magiging agresibo pa ang mayayamang bansa sa pagsusulong ng bilateral na kasunduan sa kalakalan matapos ang pagbagsak ng kasunduan sa WTO.
Sa mga susunod na araw, inaasahang didinggin ng Senado ang ratipikasyon ng kontrobersiyal na Jpepa (Japan-Philippines Economic Partnership Agreement). Malawakan itong tinututulan dahil sa umano’y pagiging makaisang panig nito sa mga negosyong Hapon.
May mga nakahanay na ring bilateral na kasunduan ang Pilipinas sa EU at US.
Idinagdag ni Araullo na ang lumalakas na kooperasyon sa pagitan ng mga mamamayan ng pinakamahihirap na bansa sa mundo ang nakakadiskaril sa WTO.
Dahil dito, napresyur umano ang mga gobyerno ng mahihirap na bansa na protektahan ang lokal na agrikultura at industriya mula sa pananalasa ng imported na mga produkto mula sa First World.
“Isa ito sa mga aral na natutunan natin sa pakikibaka sa imperyalistang globalisasyon. Ito ang aral na dapat nating gamitin sa ating kampanyang mapigilan ang mayayamang bansa na pumiga ng mapagkompromisong mga kasunduang pangkalakalan sa pamamagitan ng usapang bilateral, gaya ng Jpepa,” ani Araullo.
RSS