News Update
Sa ngalan ng komersiyo sa Quezon City
Ilang-Ilang D. Quijano & Noel Sales Barcelona

Protesta ng mga empleyado ng Department of Agriculture laban sa paglipat ng tanggapan ng kanilang opisina mula Quezon City patungong Iligan City, Isabela. (Ilang-Ilang Quijano)
TUWING alas-dose ng tanghali sa
nakaraang tatlong linggo, sabay-sabay na lumalabas sa kani-kanilang opisina ang
mga empleyado ng DA (Department of Agriculture). Nakasuot sila ng pula’t
nagbibitbit ng mga bandera. Umaasa silang madidiskaril pa ang isang gumugulong na
planong sasagasa sa kanilang mga kabuhayan.
Noong Hunyo 12, Araw ng Kalayaan,
pinasinayaan ng mga opisyal ng DA at lokal na opisyal ng gobyerno ang bagong DA
Central Office sa Capitol Building, Iligan City, Isabela. Samantala, sa
kasalukuyang sentrong tanggapan ng DA sa Elliptical Road, Quezon City, may 370 kilometro ang layo,
walang kamalay-malay ang mga empleyado.
Nalaman na lamang nilang may bago
silang opisina nang mabasa ang memorandum ni Silvestre Bello, kalihim ng Office of the Presidential
Adviser for New Government Centers, kay Kal. Arthur Yap ng DA noong Hulyo 19. Ayon sa memorandum, dapat makalipat na sa bagong DA Central Office “sa lalong
madaling panahon…alinsunod sa kagustuhan ni Pangulong Arroyo.”
“Nagulat na lang kami. Ni wala man
lang konsultasyon sa amin,” ayon kay Lilibeth de Leon, 49, siyam na taon nang
nagtatrabaho na legal assistant at
miyembro ng DA-EA (Department of Agriculture Employees Association).
Sa piket ng mga empleyado ng DA sa
harap ng kanilang tanggapan noong Agosto 1, sumama sa kanila ang mga empleyado
ng mga kakabit na ahensiya ng DA, DAR (Department of Agrarian Reform), at DENR
(Department of Environment ang Natural Resources).
Umanib na rin sa arawang
protesta ang mga miyembro ng grupong Courage (Confederation for Unity,
Recognition and Advancement of Government Employees), Kalipunan ng Damayang
Mahihirap o Kadamay, Kilusang Mayo Uno o KMU, at Anakpawis Party-list.
Hindi kasi ito simpleng usapin ng
paglilipat ng isang opisina.
QC-CBD, tunay na dahilan
Sinabi ng gobyernong Arroyo na
ililipat ang DA sa probinsya ng Isabela “upang mailapit ito sa mga magsasaka.” Ito
rin umano ang magpapasimuno ng programa ng gobyerno sa produksiyon ng palay sa
rehiyon ng Cagayan
Valley.
Pero higit pa rito ang dahilan,
ayon sa DA-EA. Saklaw ang lupaing kinatitirikan ng DA ng grandiyosong proyekto
ng pambansang pamahalaan, ng Pamahalaang Lungsod ng Quezon at ng malalaking
negosyante—ang Quezon City Central Business District o QC-CBD.
Noong Mayo 4, 2007, nilagdaan ni
Pang. Gloria Macapagal-Arroyo ang grandiyosong plano
ng QC-CBD na layong gawin ang lungsod na sentro-ng-grabidad sa komersiyo,
pamumuhunan at pananahanan sa Metro Manila.
Inamyendahan pa ito sa pamamagitan ng EO 670-A noong Setyembre 11, 2007.
Saklaw ng naturang proyekto ang
96.4 ektarya sa North Triangle, 99.2 ektarya sa East Triangle, at 55 ektarya sa
lugar ng Veterans
Memorial Hospital.
Bagaman hindi saklaw ng naunang plano,
idinamay na maging ang 90 ektaryang pag-aari ng Unibersidad ng Pilipinas-Diliman.
Tatayuan ang nasabing mga lugar ng mga pabahay at mga sentro ng pamumuhunan,
komersiyo, kalusugan, pagpapaganda, at paglilibang. Ginagarantiyahan ang proyekto ng P3-Bilyon mula sa World Bank at hiwalay na pondo mula sa Asian Development Bank.
“Dahil prime lot o magandang
paglagyan ng mga gusali at establisimyento ang lugar na kinatitirikan ngayon ng
DA, gustong ipagbili ito ng gobyerno kahit pa na nangangahulugan ito nang malawakang
tanggalan sa trabaho,” paliwanag ni Joven Gaculada, pangulo ng DA-EA.
Hindi lamang tanggapan ng DA ang
apektado sa QC-CBD. Ayon kay Ferdinand Gaite, pambasang tagapangulo ng
Courage, nakatakda na ring ilipat sa Davao
City ang tanggapan ng DAR sa Elliptical
Road. Ipagbibili na rin umano ang ilang bahagi ng Ninoy Aquino
Parks and Wildlife
(matatagpuan sa Agham Road),
na pinamamahalaan ng DENR.
Himutok ni Gaculada, “Isasakripisyo
nila ang trabaho at kapanakan ng mga empleyado, maging ng mga mamamayang
pinaglilingkuran ng mga ahensiyang apektado ng paglilipat, para mapagbigyan ang
mga kapitalistang gaya
nina Jaime Zobel de Ayala, Henry Sy Sr., magkapatid na Andrew at Lucio Tan, at si John Gokongwei Jr.”
Epekto sa empleyado
Ayon sa Courage, walang tiyak na
programa ang gobyerno hinggil sa mga empleyado ng nabanggit na
mga ahensiya. Wala rin umanong malinaw na pondong nakalaan para sa isiguro ang
maalwang paglilipat. “Sa halip, naniniwala kami na mas
magagastusan pa nga ang gobyerno dahil kailangang magtayo ng bagong mga gusali
para sa mga tanggapan at ilipat ang lahat ng mga kagamitan,” ani Gaite.
Lalong hindi kakayanin ng karaniwang
mga empleyado gaya
ni de Leon ang gastos ng pagpasok sa malayong opisina. “Kapag nasa Isabela na
ang DA, magkano ang pamasaheng kailangan namin? Mas malaki pa ata kaysa sa
isang buwang sweldo,” aniya.
Ngayon pa lamang, hindi na niya
halos maipagkasya sa pagpapakain at pagpapa-aral ng dalawang anak ang buwanang
sweldo na P15,000. “Balewala na rin nga yung 10% umento sa suweldo dahil ilang
beses na ba nagtaas ang presyo ng mga bilihin, ng langis?” ani de Leon.
Samantala, pangamba ng mga
empleyado ng kakabit na mga ahensiya ng DA, isusunod na rin ang paglilipat sa
kanilang mga tanggapan sa probinsiya.
“Kung nasaan ang inahin, tiyak doon
din ilalagay ang mga inakay, ‘di ba? Hindi naman puwedeng nandoroon sila (DA
Central Office) sa Isabela at nandirito naman kami sa QC,” ayon kay Lori Bangalisan,
pangulo ng Bureau of Animal Industry Employees Association o BAI-EA.
Kuwento ni Bangalisan, hirap na
ngang umagapay sa tumataas na pamasahe ang mga empleyado. Ang ilan sa kanila,
ibinabahay na ng unyon sa loob ng opisina ng BAI. Baon din umano sa utang ang
karaniwang mga empleyado na tumatanggap lamang ng P200 hanggang P300 take-home pay kada araw.
Lalo umanong
lalala ang kanilang mga problema kapag naglipat ng opisina. “Maganda kung sa maganda yung
QC-CBD. Pero para sa aming mga empleyado, malawakang layoff ang mangyayari. At
mayayaman lang talaga ang makikinabang diyan sa proyekto. Paano ang mahihirap,
na can’t afford pumunta sa QC para mag-shopping?” ani Bangalisan.
Nag-aalala rin siya sa epekto ng
pagtatayo ng QC-CBD sa komunidad ng mga maralitang pamilya sa likuran ng
tanggapan ng BAI sa Visayas Avenue.
Sanhi ng korupsiyon?
Kinukuwestiyon din ng Courage ang posibleng
maanomalyang paggamit ng gobyernong Arroyo sa pondong kikitain mula sa
pagbebenta ng mga lupain sa Quezon
City. Tinatayang aabot ito ng bilyun-bilyong piso.
“Alam naman natin na sa usapin ng
pagbibili ng mga pag-aari ng gobyerno, naririyan ang mga padulas o mga lagayan
para mapadali ang mga transaksiyon. Hindi lamang inaalisan ng gobyerno ng karapatan
ang publiko sa mahahalagang serbisyo dahil sa paglipat ng mga tanggapan nito at
ng trabaho ang mga empleyado sa loob ng mga opisinang ito. Nanakawan pa nila
ang taumbayan,” sabi ni Gaite.
Kamakailan, binuo ng Courage,
kasama nang iba pang mga organisasyon gaya nang Aksiyon Central at Alliance of
Health Workers, ang alyansang tinatawag na Contra-CBD o Concerned Organizations
opposed to Transfer, Layoff and Privatization for the Central Business
District.
Magsisilbi umano itong kalasag ng
mga mamamayan laban sa demolisyon ng mga maralitang komunidad, pagsasapribado
ng mga ahensiya ng gobyerno, at tanggalan sa hanay ng mga empleyado ng
gobyerno.
Anila, lalabanan at bibiguin nila
ang grandiyosong proyektong QC-CBD na isasakripisyo ang karapatan sa kabuhayan,
pamamahay, at serbisyo sosyal ng libu-libong mamamayan—sa ngalan ng komersiyo at sa kaabikat nitong
korupsiyon sa gobyerno.
Hindi nga lang simpleng usapin ng
paglilipat ng opisina ang ipinoprotesta ng mga empleyado ng DA araw-araw sa
nakaraang tatlong linggo.
RSS