News Update
Rolbak sa presyo ng langis ‘hindi sapat’
Rodalyn SM Capilo
BAGAMAN tinuturing na “tagumpay ng protesta ng mga mamamayan,” hindi pa rin sapat ang P1.50 kada litrong rolbak sa presyo ng langis noong Hulyo 30, ayon sa isang progresibong grupong pangkabataan.
“Barya-barya lang ang kasalukuyang rolbak kumpara sa P20 dagdag-presyo ng mga kompanya ng langis noong mga nakaraang buwan,” sabi ni Ken Ramos, pambansang tagapangulo ng Anakbayan.
Sinabi pa ni Ramos na mabagal ang pagrolbak sa lokal na presyo ng langis kumpara sa mabilis na pagbaba ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Umano'y tumaas nang 24% ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado ngayong taon, pero mas malaki ang itinaas ng lokal na presyo ng diesel sa 45%.
Ang kita sa diesel ang bumubuo sa 60 hanggang 70% ng kabuuang kita ng mga kompanya ng langis sa bansa.
“Sinasalamin nito ang kolusyon sa pagitan ng malalaking kartel ng langis sa ibang bansa at ang kanilang lokal na counterpart para mapanatili ang malaking tubo,” aniya.
Nanawagan ang Anakbayan sa mga mamamayan na ipatuloy ang protesta para sa pagtanggal ng 12% Value-Added Tax sa mga produktong petrolyo at pagbabasura ng Oil Deregulation Law.
RSS