News Update
Rebyu ng The Dark Night: Hindi na puwede sa bata
Darius Galang
Rebyu ng The Dark Night (2008, Warner Bros.)
Direktor: Christopher Nolan
Tampok sina: Christian Bale, Heath Ledger, Aaron Eckhart,
Gary Oldman, Maggie Gyllenhaal, Morgan Freeman
Sa panahon ng computer generated na effects para buhayin ang isang istorya ng pelikula, madalas nabibitiwan ang pagsasabuhay ng karakter na dapat nagdadala ng kabuuang esensiya ng plot ng istorya. Nadadala ang manonood hindi sa interaksiyon ng mga persona kundi sa mga eksplosibong bakgrawnd at kabigha-bighaning mga kagamitan, na sana'y ipapahayag na tunay ang mga ito ngunit sadyang kagagawan lamang ng sinematograpiya.
Sinubukang ibahin ni Christopher Nolan ang takbo ng istorya ng Batman sa panahong ito. At sa kanyang pagdidirehe, kinapos ang dating mga rendisyon ni Tim Burton sa karakter ni Bruce Wayne/Batman at sa mga karakter na nakapalibot sa kanya.
Buhay ang tunay na anarkiya sa pelikulang The Dark Knight (TDK). Nauna na ang Batman Begins sa pagsasabuhay ng Gotham City na pinadilim ng krimen at anarkiya, ngunit imbes na palagiang nasa kadiliman ang eksena (hindi malaman nang husto kung bakit tila may fetish si Burton sa ganitong mga eksena sa karamihan ng kanyang pelikula) makikitaan ng ilang eksena sa araw ang Gotham sa mga pelikula ni Nolan.
Naisipan marahil ni Nolan na ipakita na tao at walang superpowers si Batman. May limitasyon ang kanyang pasensiya sa ipinakita niyang panggugulpi kay Joker. Nasusugatan siya sa labanan, kailangan pa niyang tahiin ang kanyang mga pinsala. Hindi siya lumilipad. Tanging ang glider niya ang magkokontrol sa kanyang pagbaba sa mga gusali. At hindi tulad ng todo-pokus na CGI sa bawat galaw ng bida, pinanatili ng sinematograpiya ang anggulo ng kamera na pagmasdan sa malayo ang pagbaba ng bida. Maging ang kanyang Batmobile ay hindi nakaligtas sa ganitong trato. Hindi na kailangang hiluhin ang manonood sa umiikot na sinematograpiyang gamit ang makabagong teknolohiya; ibinalik ang simpleng eksena gamit ang tipikal na pagpupuwesto ng kamera.
Maging ang persona ni Bruce Wayne/Batman ay kinalikot ni Nolan upang gampanan ni Christian Bale. Maaaring pumulot ang direktor ng mga tala mula sa ilang nakalipas na pagbubutingting at paglalapat ng batayang reyalidad sa mga karakter ng DC Comics ng mga manunulat nito (basahin na lamang ang The Dark Knight Returns ni Frank Miller). Mas batayang internal na tunggalian ang nakapalibot sa aura ni Bale ukol sa kanyang pagsasabuhay kay Wayne/Batman, ngunit hindi na kailangan ng magarbong linya upang ipahiwatig ito. Simple lamang ang kanyang pakikipag-usap sa kanyang butler na si Alfred (Michael Caine). Kasama na rin ang pakikipagtunggaling negosyo laban sa pagiging Batman, at moral laban sa teknolohiya, sa pakikitungo niya kanyang tech-person na si Lucius Fox (Morgan Freeman). Maging ang internal na pagpapasya ni Lt. James Gordon (Gary Oldman) ukol sa pakikitungo ng Gotham sa tinaguriang bayani ng Gotham ay banayad na ipinahayag. At oo, tao rin si Harvey Dent (Aaron Eckhart) hanggang sa pagtatransporma niya bilang Two-Face.
Ngunit pagpupugay na rin sa yumaong Heath Ledger ang TDK. Tinapos niya ang tila komikong pagsasabuhay ng Joker ni Burton at Jack Nicholson sa pagbibigay ng mas madilim na esensiya ng anarkiya sa kamay ng isang walang pakundangang psychopath. Kung nagpupugay sa kayamanan ang Joker ni Nicholson, mas nakakarindi sa "normal" na pag-iisip ang gawi ng Joker ni Ledger. Sino nga bang matino ang susunugin ang isang tambak ng kahit na nakaw na pera upang gawin lamang urna ng kanyang nagtaksil na partner sa negosyo?
Ngunit hindi pa siya tapos sa gawing iyon. Mararamdaman ng manonood ang lamig ng kanyang kutsilyo habang nakadampi ito sa bibig ng kanyang nakainisang kasama. Pupunuin ng takot ang manonood habang ikinukuwento ni Joker kung paano niya nakuha ang kanyang pilat sa pisngi, tila ipararanas mismo sa manonood kung bakit nga naman ito tatawa sa pangitain. Isang epektibong ironya ang nakabalot at mararamdaman ng manonood sa linya niyang "Why so serious? Let's put a smile on that face" na dalawang beses (!) niyang ginawa sa higit dalawang oras na pelikula.
Marahil lumipas na ang panahon na pambata ang Batman. Tinapos ni Nolan ang panahon ng dekada-nobentang Batman ni Tim Burton. At hindi mo na tatawanan ang Joker ni Ledger kumpara sa Joker ni Nicholson. Epektibong pagsasabuhay ng mga karakter at eksena ang pagpapatunay ng TDK sa pagbibgay ng lalim, at marahil maturity, sa prangkisang palagiang nakabatay sa pambatang kaisipan.
RSS