News Update
Psych test iskema sa pagbebenta sa OFW – Migrante
Kamakailan lamang, sinabi ni DFA (Department of Foreign Affairs) spokesperson Claro Cristobal na layunin lamang ng psychiatric test na protekatahan ang mga OFW.
Subalit sinabi ni Migrante Chairperson Connie Bragas-Regalado na bukod sa pagiging discriminatory at pagiging dagdag bayarin, hindi mapoprotektahan ng panukala ang mga OFW sa kanilang trabaho.
“Ang panukalang psychiatric test ay isang parte lamang ng iskema ng labor export policy ng gobyerno. Lalo na ngayon na sa Pilipinas gaganapin ang ikalawang Global Forum on Migration and Development o GFMD sa Oktubre,” sabi ni Regalado.
Muling lumutang panukala matapos makabalik sa bansa ang 37 OFW na umano’y tumakas sa kanilang mga amo dahil sa pang-aabuso. Dalawa sa kanila ang dumaranas ng delusyon, ayon sa DFA.
Sinabi pa ng DFA na mula noong 2002, nakakatanggap na sila ng rekomendasyon mula sa Middle East na isailalim sa psychological test ang mga Pilipinong domestic worker.
“Ipinakikita lamang nito na sumusunod lamang ang DFA sa rekomendasyon ng mga bansang tumatanggap ng OFW tulad ng Middle East at hindi nagpoprotekta sa mga OFW. Ipinakikita rin nito na ‘kalakal na pang-eksport’ ang tingin sa amin ng gobyerno at hindi mga tao,” sabi pa ni Regalado.
Idinagdag ni Regalado na dapat malaman ng DFA ang teribleng kondisyon ng paggawa sa ibang bansa ang dahilan kung bakit tinatakasan ng bait ang mga OFW.
Tinawag ng Migrante ang panukalang psychiatric test bilang isang ‘baliw’ na solusyon at iginiit na ang mga opisyal ng DFA ang dapat magpatingin ng kanilang mga ulo.
Soliman A. Santos
Related Articles
- Apela ni GMA para sa OFW na nasa death row, pinuna ng Migrante
- Pag-aresto ng gobyerno ng Malaysia sa lider migrante ng Nepal kinastigo
- Iskemang visit visa pinaiimbestigahan ng Migrante
- Gobyernong Arroyo makupad sa pagsaklolo sa binitay na Pinoy sa KSA - Migrante
- Gobyernong Arroyo ‘ipokrito’ sa paghingi ng public apology sa BBC
RSS